Thursday, January 26, 2017

CPP/Ang Bayan: Ibasura ang Oplan Kapayapaan ng AFP!

Editorial from Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Jan 21):
Ibasura ang Oplan Kapayapaan ng AFP! (Trash Oplan Kapayapaan of the AFP)



Itinatakwil ng Partido at buong rebolusyonaryong kilusan ang bagong "oplan" ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mapanlinlang na tinaguriang "Oplan Kapayapaan".

Ang bagong oplan na ito ay isinapubliko nitong Enero 9. Ipinalit ito ng AFP sa Oplan Bayanihan na natapos noong Disyembre 31, 2016 at bigo sa layuning ipawalangsaysay ang BHB sa kabila ng paglulunsad ng todong-opensiba sa Mindanao at iba pang rehiyon sa bansa sa nagdaang mga taon.
Ito’y isang panibago na namang plano para sa gerang panunupil laban sa mamamayan. May bago na namang maskara ang AFP na pangkubli sa kamuhi-muhing mukha ng pasistang pananalasa at kalupitan ng mga armadong tropa nito.

Nagkukunwari ang AFP na inaasahan nitong “makikipagtulungan” ang rebolusyonaryong kilusan sa bagong oplan para diumano matamo ang kapayapaan. Inaakala ng AFP na mabubuyo nito ang Partido na palawigin pa ang tigil-putukan kahit walang-lubay ang mga opensibong operasyon at pagyurak nito sa karapatang-tao sa mga sona at baseng gerilya at kahit wala pang makabuluhang natatamo ang bayan sa usapang pangkapayapaan.

Hindi pa man inilalabas ang mga detalye ng bagong oplan na ito, malinaw nang ito'y nakatuon sa pagsupil sa masang api at sa kanilang mga pakikibaka. Idineklara ng AFP na sa ilalim ng bago nitong oplan, hindi iaatras ang mga armadong yunit nito sa mahigit 500 baryong kasalukuyang sinasakop nito. Ipagpapatuloy sa ilalim ng bagong oplan na ito ang triad o tatluhang operasyong saywar, intelidyens at kombat.

Isang malaking kasinungalingan ang pinalalabas ng AFP na ang presensya ng mga armadong tropa nito sa gitna ng mga baryo ay tugon nila sa "kahilingan" ng mga upisyal ng barangay.

Hindi "kapayapaan" ang dala ng mga armadong sundalo ng AFP sa mga baryo sa ilalim ng tinatawag na "Peace and Development Outreach Program" na ngayo'y tinagurian namang "Community Support Program." Matinding ligalig at perwisyo ang hatid ng mga pasistang sundalo sa tuwing sila'y nasa mga baryo. Ang pagmamatigas ng AFP na panatilihin ang mapanupil na presensya ng mga armadong tropa nito sa gitna ng mga baryo ang lalong nagtutulak sa masang magsasaka na paigtingin ang kanilang armado at di armadong paglaban.

Sa ilalim ng bagong oplan, susuporta diumano ang AFP sa tinaguriang "gera kontra-droga," isang gerang nakatuon pangunahin laban sa mahihirap na biktima ng droga. Ang "gera" na ito ay nagmistulang lisensya para patayin ang sinumang nais nilang patahimikin, sa simpleng pag-akusang sangkot o gumon ito sa droga. Asahang gagamitin ito ng AFP sa lalo pang paghahasik ng karahasan at takot sa mamamayan sa kanayunan man o kalunsuran at pagtarget sa mga aktibista at lider ng masa.

Ibayong pananalasa at karahasan din ang ihahatid ng bagong oplan sa mamamayang Moro. Inianunsyo kamakailan ng AFP na 51 batalyon ang ipapakat nito sa lugar ng Bangsamoro upang ilunsad ang sustenidong mga operasyon sa darating na anim na buwan laban sa tinaguriang mga grupong "dayuhan at lokal na terorista."

Tulad sa nakaraang malalaking operasyong anti-Moro, tiyak na magdudulot ito ng laganap na karahasan at pwersahang pagpapalikas sa ilampung libong mamamayang Moro. Anumang oras ay madali ring ibaling ang ganito kalaking pwersa laban sa rebolusyonaryong kilusan sa Mindanao.
Matamang inaantabayanan ng Partido ang magiging resulta ng ikatlo sa serye ng mga usapang pangkapayapaan. Kung walang isasakatuparang pagpapalaya sa lahat ng bilanggong pulitikal, at patuloy ang armadong operasyon ng AFP sa mga sona at baseng gerilya, walang ibang kahihinatnan ang deklarasyon ng tigil-putukan ng Partido kundi ang pagbawi rito, kahit pa bukas ito sa pagpapatuloy ng mga negosasyon.

Tulad ng lahat ng nagdaang oplan ng AFP, ang bagong oplan ay pinagtibay sa direksyon ng US at hinalaw sa doktrina nito ng "counterinsurgency." Ang AFP ay sinasanay, pinopondohan at inaarmasan ng imperyalismong US upang gamitin sa paggapi sa pakikibaka ng mamamayang Pilipino para sa pambansa at panlipunang paglaya.

Dapat puspusang ilantad ang panloloko sa likod ng Oplan Kapayapaan. Gagamitin ito ng AFP sa tangkang pagtakpan ang mabangis na gera sa paglalarawan dito bilang isang plano para sa "suportang pangkaunlaran at seguridad." Walang ihahatid na "pag-unlad" ang AFP kundi yaong nagsisilbi sa interes ng malalaking kumpanya sa pagmimina, malalaking plantasyon, malalaking asendero at iba pang mandarambong at mangangamkam ng lupa.

Dapat ibasura ng sambayanang Pilipino ang Oplan Kapayapaan. Dapat kundenahin ang AFP sa patuloy na paglulunsad ng mabangis na digma laban sa masang magsasaka at sa pagpapatindi nito ng kampanya ng panlilinlang. Kasabay nito, dapat ring pukawin ang mamamayang Moro na paigtingin ang kanilang armado at di armadong paglaban sa pananalasang militar sa kanilang lupain at mga pamayanan.

Dapat paigtingin ang anti-pasistang mga pakikibaka laluna sa kanayunan. Dapat batikusin ang mga paglabag sa mga karapatang-tao. Sa harap ng militarisasyon at panunupil, dapat isabay ang pakikibakang anti-pasista sa mga pakikibakang antipyudal at anti-imperyalista ng masang magsasaka.
Katulad ng lahat ng naunang oplan ng AFP, mabibigo rin ang Oplan Kapayapaan sa layunin na gapiin ang demokratikong paglaban at armadong pakikibaka ng bayan. Habang pinatitindi ng AFP ang gerang panunupil nito, sa harap ng tumitinding pang-aapi at pagsasamantala, tiyak na lalo pang sisiklab at lalagablab ang apoy ng digmang bayan sa buong bansa.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info.  Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170121-ibasura-ang-oplan-kapayapaan-ng-afp/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.