Thursday, January 26, 2017

CPP/Ang Bayan: Laking-batalyong hukbo, nagsanay sa NE Mindanao

Propaganda article from Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Jan 21): Laking-batalyong hukbo, nagsanay sa NE Mindanao (Battalion-size forces, trained in NE Mindanao)

Pamalagiang tungkulin ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang pagpapalakas sa sarili, laluna sa harap ng nagpapatuloy na mga operasyon ng Armed Forces of the Philippines sa kanayunan na nagsasapanganib sa buhay at kabuhayan ng mamamayan.

Upang gampanan ang tungkuling ito, at gayundin para paghandaan ang mga armadong sagupaan sa AFP dulot ng pagdadalawang-mukha ni Duterte, naglunsad ang BHB-Northeastern Mindanao Region (NEMR) ng Batayang Kursong Pulitiko-Militar (BKPM) noong huling kwarto ng 2016.

Laking-batalyon na mga Pulang kumander at mandirigma ang nagtapos sa dalawang magkasunod na BKPM na ginanap sa isang larangang gerilya sa rehiyon. Mahigit 60 Pulang kumander at mandirigma ang lumahok sa unang bats. Ilang araw matapos ang unang bats ay sinimulan ang ikalawa na nilahukan naman ng mahigit 90.

Nagmumula sa magkakahiwalay na platun ang mga kalahok at nagsanay sa pagkilos bilang kumpanya para sa mga kakailanganing operasyon ng BHB. Makabuluhan ang bilang ng mga kabataang treyni, samantalang mayroon ding mga nagsanay na mga kumander mula sa hanay ng kababaihan at Lumad.

Ayon kay Ka Bill, panrehiyong kumander ng BHB sa NEMR, bahagi ang mga BKPM sa tugon ng BHB sa panawagan ng pambansang pamunuan ng Partido na magkonsolida sa panahon ng magkatugong unilateral na deklarasyon ng tigil-putukan ng NDFP at GRP. Maliban sa BKPM, dalawang bats din ng Batayang Kurso ng Partido ang inilunsad para sa hukbo at sangay sa baryo bago ang pulitiko-militar na pagsasanay.

Sinimulan ang bawat araw ng BKPM ng ehersisyo ng katawan at pagsasanay sa pagmartsa, bilang bahagi ng pagpapaunlad ng pagkilos bilang iisang kabuuan. Ayon pa kay Ka Bill, kung mapanghahawakan ng mga kasama ang mataas na antas ng disiplinang militar, para na rin umanong napakikilos ang isang kumpanyang hukbong bayan bilang iisang tao sa iisang direksyon.

Naging bahagi rin ng pagsasanay ang pagpapagana ng chain of command mula sa kumander ng kumpanya patungo sa mga platun at iskwad. Binigyang-halaga ang pagpapakilos ng mga kumander sa kanilang mga tauhan sa pamamagitan ng mga kumand. Kung may mga pagkakamali man, inihahapag ito sa nagsasanay na kumander sa panahon ng ebalwasyon. Matapos ang mga praktikal na pagsasanay, isinusunod naman ang mga lektura. Ganito rin ang iskedyul tuwing hapon. Isasara ang isang araw na treyning sa pamamagitan ng pagtitipon ng buong kumpanya, pagsusuma ng buong araw at paghahanda para sa susunod na mga iskedyul. Matapos nito'y magpupulong-pulong na ang bawat platun.

Malaki rin ang kabuluhan ng pagsanay sa pamumuno ng mga myembro ng Partido sa loob ng hukbong bayan. Ayon pa kay Ka Bill, mahalagang mapanghawakan ng mga pampulitikang upisyal kung paano nakasasabay sa pagkilos sa loob ng hukbo at pagpupropaganda sa mga mandirigma upang higit silang mahikayat sa proseso ng BKPM.

Tinukoy ni Ka Bill ang pagsigaw ng mga upisyal sa pulitika ng mga chant upang i-ahita ang mga treyni. Halimbawa nito'y ang mga sigaw-ahitasyong "Ang hukbong wa'y pagbansay, lupigon sa iyang kaaway!" (Ang hukbong walang pagsasanay, dadaigin ng kanyang kaaway!) o kaya'y "Ang hukbo na disiplinado, mao'y tinuod na sundalo!" (Disiplinadong hukbo, tunay na hukbo!) kapag panahon ng jogging o kapag nagbabaras ang mga treyni. Para kay Ka Bill, isang pagpapakita lamang ito ng pangunguna ng upisyal sa Partido at pakikipagtulungan niya sa kumander upang hindi lamang katawan ng mga Pulang mandirigma ang inihahanda sa labanan, kundi pinapanday din ang kanilang diwang mapanlaban. Bilang sentro ng pamunuan sa loob ng hukbo, aniya, ang pagtutulungan ng dalawang upisyal ang susi sa organisadong pagtalima ng mga mandirigma sa mga atas.

Maliban dito, habang umuusad ang BKPM, unti-unti na ring kinakabisa ang obstacle course at nagiging bahagi na ng praktikal na pagsasanay. Sa ilang bahagi ng pagtalunton sa obstacle course ay sinasanay ang mga treyni sa panaka-nakang putok ng baril. Mayroon ring bagong idinadagdag sa obstacle course, na ayon kay Ka Bill, ay nakaangkop sa iba’t ibang tipo ng taktikal na opensibang planong ilunsad ng BHB.

Sa simula ay kinaharap nila ang problema ng pagtupad sa disiplinang paggising nang alas-tres ng umaga na susundan ng paliligo at ehersisyo. Napangibabawan ito sa pamamagitan ng pagpaunawa ng kahalagahan ng paghawak sa disiplinang militar, at kung paano pinag-uugnay ang mga teoretikal sa mga praktikal na pagsasanay. Ang mga paglabag ay hinaharap ng pampulitikang mga aral at karaniwang mga aksyong pisikal tulad ng pag-push up, at hindi idinadaan sa burges na pagmamalupit o pagpapahiya.

Sa seremonya ng paggradweyt ng unang bats, nagmartsa sa harap ng mga kasama at inimbitang mga residente sa kalapit na mga baryo ang mga nagtapos. Tumanggap sila ng pagkilala mula sa mga instruktor at pamunuan ng BHB sa rehiyon. Nakaunipormeng kulay luntian na sweatshirt at itim na pantalon ang unang kumpanyang nagtapos, na pinatingkad ng puting mga gwantes. Taimtim silang nakinig sa mga talumpati mula sa mga kasama at kapwa kalahok.

Habang ginaganap ang unang bats ng BKPM, ang isang kumpanya ay gumagampan ng gawaing masa sa mga barangay na nakapalibot sa pinaglulunsaran ng pagsasanay. Sa mga lugar na ito rin nakapagpakilos ng mga taumbaryo upang tumulong sa mga pangangailangan ng ginaganap na pagsasanay. Sa ikalawang bats, yaong mga nagtapos na ang siya namang nagtaguyod sa mga pangangailangan, habang mayroon pa ring nanatiling mga yunit sa hanay ng masa.

Inaasahan ng pamunuan ng BHB sa rehiyon na ang regular na mga pagsasanay na ito ay magkukumpleto sa ilang taon nang inilulunsad na mga crash course, na siyang naging pangingibabaw ng hukbo sa gitna ng matinding atake ng kaaway sa rehiyon mula 2012. Gayundin, ang bilang ng mga kalahok ay nagluluwal ng pagkakataong magsanay ang hukbong bayan sa pagkilos bilang mga pormasyong kumpanya.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info.  Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170121-laking-batalyong-hukbo-nagsanay-sa-ne-mindanao/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.