Thursday, January 26, 2017

CPP/Ang Bayan: Kampanyang pangkapayapaan at kontra-Oplan Bayanihan sa Panay

Propaganda article from Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Jan 21): Kampanyang pangkapayapaan at kontra-Oplan Bayanihan sa Panay (Peace campaign and anti-Oplan Bayanihan (activities) in Panay

Dalawang magkarugtong na kampanya ang matagumpay na nailunsad ng mga rebolusyonaryong pwersa at masa sa Panay noong nakaraang Nobyembre at Disyembre 2016.

Ito ang ambag ng Panay sa pambansang pagsisikap na ilantad ang mga paglabag ng AFP sa sariling deklarasyon ng tigil-putukan at pagyurak sa pantaong karapatan at CARHRIHL; at pangalawa, ang pagpakita ng galit ng mamamayan sa isla sa hindi pagtupad ni Pres. Duterte sa kanyang mga pangako na palayain ang mga bilanggong pulitikal. Naglunsad ang mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan ng mga raling pangkapayapaan sa pagsuporta sa usapang pangkapayapaan.

Rumurok ang mga kampanyang ito noong huling linggo ng Disyembre sa paglunsad ng serye ng mga kilos masa sa kanayunan kasama ang mga Pulang mandirigma para sa kapayapaan at sa pagdiwang ng ika-48 anibersaryo ng Partido.

Sa kabuuan, mahigit 2,000 ang dumalo sa mga serye ng pagdiriwang sa anibersaryo ng Partido at pambaryo at interbaryong mga raling pangkapayapaan sa mga sonang gerilya. Naglunsad din ng piket sa Kalibo, Aklan at candle lighting sa Jaro, Iloilo City.

Sa Timog Panay, halos 900 mamamayan ang dumalo sa pambaryo at interbaryong mga raling pangkapayapaan at pagdiriwang ng anibersaryo ng Partido. Sa Central Panay, 600 ang dumalo sa dalawang magkahiwalay na pagtitipon. Mayroon namang nagtipon sa Silangang Panay.

Sa nasabing magkakahiwalay na mga pagtitipon, iniladlad ang mga istrimer, plakard at islogan, at apat na bagong myural. Namigay ng mga kopya ng Daba-daba, Ang Bayan, at praymer sa usapang pangkapayapaan. Nagpalabas ng mga bidyo ukol sa usapang pangkapayapaan at tinalakay ang pahayag ng Komite Sentral ng PKP at ng Komiteng Rehiyon ng Panay, at iba pang isyu. Sa isang pagdiriwang, pormal na pinasumpa sa BHB ang mga bagong kasapi nito. Nagbigay ito ng inspirasyon sa mga dumalo mula kalunsuran upang bumalik sa sonang gerilya para sa integrasyon at tumulong sa pagpasampa ng mga Pulang mandirigma sa hukbo.

Bago pa man ang pagdiriwang sa anibersaryo ng Partido at serye ng mga peace rally noong Disyembre, aktibong ikinampanya ang paglalantad sa mga paglabag ng AFP sa kanilang tigil-putukan. Umabot sa 49 barangay sa Panay ang apektado ng mga operasyon sa ilalim ng Oplan Bayanihan. Naglunsad ang mamamayan mula sa kanayunan ng mga aksyong protesta kasama ng iba’t-ibang mga sektor sa kalunsuran noong Nobyembre 8, Nobyembre 25, at Disyembre 10 sa mga sentrong syudad upang ilantad at labanan ang militarisasyon, batikusin si Duterte sa pagpapatuloy ng Oplan Bayanihan, hindi pagtupad ng pangakong pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal, at pagbibigay ng pambayaning libing kay Marcos.

Naglunsad ng isang raling-kidlat ang Kabataang Makabayan (KM)-Panay noong Nobyembre 29, kasabay ang "operasyon pinta" at pagladlad ng istrimer, at nanawagan ng pagsapi sa Bagong Hukbong Bayan. Nagpiket din sa harap ng Camp Delgado sa Iloilo noong Disyembre 7 ang 200-kataong delegasyon ng Panay bago tumulak para sa Manilakbayan.

Buong Disyembre ay nagpalaganap ang BHB at KM ng libong greeting card sa mga kaibigan at alyado.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info.  Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170121-kampanyang-pangkapayapaan-at-kontra-oplan-bayanihan-sa-panay/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.