Friday, June 7, 2019

NDF/Sison: Panayam kay Prop. Jose Maria Sison tungkol sa halalang Mayo 13

Propaganda interview with Jose Maria Sison posted to the National Democratic Front Philippines (NDFP or NDF) Website (Jun 6, 2019): Panayam kay Prop. Jose Maria Sison tungkol sa halalang Mayo 13




Ni J. V. Ayson

1. Ano po ang inyong pangkalahatang pagsusuri sa katatapos lang na mid-term national and local elections? Masasabi niyo po ba na patas, malaya, malinis, at mapayapa ang halalan?

JMS: Garapal na pananakot at pandaraya ang ginawa ng rehimeng Duterte at mga kasangkapan nitong Comelec, militar, pulis at iba pang alipores ni Duterte. Nangyari ang aking prediksyon na imanipula ni Duterte ang kondukta at resulta ng halalan para sa labis-labis na pakinabang niya dahil may kapangyariham, may kriminal na pag-iisip at may motibasyon para gumawa ng pandaraya.

Hindi patas ang eleksyon para sa mga kandidato ng rehimen at oposisyon. Hindi malaya at mapayapa, laluna sa kalakhan ng Mindanao at iba pang tinaguriang trouble spot sa Luson at Mindanao kung saan mga militar at pulis gumawa ng red tagging, banta at ilang pagpatay sa mga nasa oposisyon. Labis-labis na marumi ang eleksyon dahil sa mga pananakot, vote buying, pre-shading ng mga balota at paggamit ng dagdag-bawas sa pamamagitan ng mga computer ng Comelec automated electoral system,

2. Kapansin-pansin po na walang kandidatong independyente at oposisyonista na mananalo sa pagka-senador. Naniniwala po ba kayo na may kinalaman ang mataas na antas umano ng popularidad ng kasalukuyang administrasyon at ang masama pa rin umanong imahe ng Liberal Party? O baka planado na po ang magiging resulta ng halalan kung ang pagbabatayan ay ang babala ni Atty. Glenn Chong noong Nobyembre 2018 hinggil sa posibilidad ng malawakang dayaan?

JMS: Tinuunan ni Duterte ang pandaraya sa antas ng mga kandidatong senatoryal dahil gusto niyang matiyak na makuha niya ang two-thirds o mas malaki pang mayorya sa Senado para maisakatuparan niya nang lubusan ang kanyang pasistang diktadura sa pamamagitan ng chacha para sa pakunwaring pederalismo, maipatupad niya ang syento porsyentong pagmamay-ari ng dayuhan sa mga likas yaman at lahat ng negosyo sa Pilipinas at maiwasan niya ang pag-aresto sa kanya dahil sa mga krimen ng maramihang pagpaslang sa mga suspek sa Oplan Tokhang at Oplan Kapayapaan.

Hindi totoo na napakapopular si Duterte. Naging mabaho na siya dahil sa pagtaas ng buwis at paglipad ng presyo ng mga batayang bilihin at nasusuklam na ang masa sa mga maramihang pagpaslang sa mga suspek sa adik at tulak ng droga at sa mga suspek na rebolusyonaryo, sa pagiging supremong protektor ng illegal drugs si Duterte mismo, sa pataksil na pagbebenta ng West Philippine Sea at pambansang soberanya at patrimonya sa Tsina, sa mabilis at malakihang kurakot ng pamilyang Duterte at sabwatan nila sa mga kapwa nilang mandarambong tulad ng mga Marcos, Arroyo at iba pa.

Ang “high popularity” ni Duterte ay gawa-gawa lamang ng mga bayarang poll survey firm, mga kolumnista, brodkaster, mga troll at bot. Totoong may nananatiling pagkabaho pa ng mga dilawan. Pero malayong mas mabaho na si Duterte. At magagaling naman yong karamihan ng kandidatong Otso Deretso at iba pang oposisyonista. Ni isa walang nanalo dahil sa garapal na pandaraya. Pati ang pinamahusay na kandidatong senatoryal na si Neri Colmenares dinaya nang malakihan.

Planado ang pandaraya. Maliwanag ang katotohanan. Yan ang sinasabi ng napakaraming tao. Hindi lamang sina Chong at Gadon na nalaglag mula sa grupo ng mga paboritong kandidato ni Dueterte. Masakit ang loob nila dahil pati mga boto nila malamang na naidagdag sa mga paborito ni Duterte o kaya hindi nabahaginan ng dambuhalang pekeng boto. Hindi porke sipsip ang mga ito kay Duterte mapapasali na sila sa Senado ni Duterte.

3. Gaano po kaya katindi sa inyong pagtataya at paniniwala ang malawakang dayaan at manipulasyon at ang marumi, maanomalya, at kuwestiyonableng pagsasagawa ng halalan ngayong taong ito? Mas matindi po ba ito kaysa sa malawakang dayaan at sa pagsasagawa at resulta ng mga halalan noong 2010, 2013, at 2016 sa ilalim ng automated election system?

JMS: Sa aking pagtataya at sa kaalaman ng sambayanan, sistematiko, malawakan at napakatindi ang dayaan at manipulasyon ng halalan. Marumi, maanomalya at kasuklamsuklam ang pandaraya na ginawa ni Duterte. Mas matindi ang pandaraya ni Duterte sa malawakang dayaan sa mga halalan ng 2010, 2013, at 2016 sa ilalim ng automated election system. Naging automated o mas mabilis at laganap ang pandaraya ni Duterte kaysa ginawa ni Marcos sa mga halalan sa ilalim ng kanyang ganap na pasistang diktadura.

4. Maliban po sa pagkatalo ni dating BAYAN MUNA Party-list Rep. Neri Colmenares sa pagka-senador, malaki po ang posibilidad na lumiit ang bilang ng mga progresibong mambabatas. May kinalaman po ba rito ang mistulang pangangampanya ng mga ahensiya ng pamahalaan laban sa mga progresibong partido? Gaano po kaya katindi ang kagustuhan ng kasalukuyang administrasyon na alisan ng representasyon at boses ang mga mahihirap at api sa Kongreso Nangangahulugan po ba ito na hindi pa handa ang sistemang pulitikal ng bayang Pilipino sa pagkakaroon ng isang “maka-Kaliwang” senador o presidente kung ang pagbabatayan ay ang electoral track record ng mga progresibo?

JMS: Dapat lumaki pa ang boto at tiyak na manalo si Neri Colmenares dahil sa siya ang pinakamatatag, matalas at magaling na lumaban sa mga kriminal na patakaran at kilos ng rehimeng Duterte. Isinusuka ng bayan su Duterte at mga kandidato niya dahil sa kanyang tiraniya, kataksilan, maramihang paspaslang ng mga suspek, panunupil sa mga kritiko, aktibista at oposisyon, pandarambong, pagsisinungaling at pangungutya sa mga mahirap, kababaihan at mga Kristiyano.

Hindi mabisa ang red-tagging at iba pang paninira na ginawa ng mga ahensiya ng pamahalaan laban sa mga progresibong partido. Kita ng taumbayan na sinungaling ang mga buruktarata at armadong alipores ni Duterte, electioneering ang ginagawa at lumalabag sila sa mga demokratiko at elektoral na karapatan ng mga progresibong kandidato at mga tao. Kaunti lang malilinlang.

Matindi at desidido ang rehimeng Duterte na alisan ng representasyon at boses ang mga mahihirap at api sa Kongreso. Kung gayon, sadyang dinaya si Neri at Anakpawis at binawasan nang malaki ang boto ng mga progresibong party list. Kung walang pandaraya sa anyo ng automated cheating, tiyak na lumaki ang boto ng mga makabayan at progresibong kandidato sa paligsahang senatoryal at party list. Abangan ang mga darating na panunupil bunga ng pandaraya ng rehimeng Duterte sa halalan.

5. Lumalabas na naman po ang mga pagturing sa masa bilang mga “bobotante” dahil sa napipintong tagumpay ng karamihan sa mga kandidatong maka-Duterte sa pagka-senador. Dapat po ba talagang sisihin ang personality politics hinggil dito? O sadyang bulok lang po talaga ang sistemang panlipunan at pampulitika para kumapit ang masa sa patalim pagdating sa pagboto? Ano po ba talaga ang kahalagahan ng halalan para sa masa pagdating sa kanilang kalagayang panlipunan?

JMS: Dapat panagutin ang rehimeng Duterte sa pandaraya at hwag sisihin ang masang Pilipino at kutyain pa silang “bobotante”. Hwag sisihin ang mga biktima ng pandaraya ni Duterte. Ang gumagawa ng panininisi ay mga lingid na pro-Duterte at ilang tunay na anti-Duterte na masyadong mataas ang tingin sa sarili, laluna sa hanay ng mga petiburges na kulang ang tiwala sa masang anakpawis.

Hindi lamang rehimeng Duterfe ang sisihin kundi ang buong naghaharing sistema ng mga tuta ng mga dayuhang monopolyo kapitalista, mga malaking komprador at asendero at mga burukrata kapitalista tulad ni Duterte. Nasusupil ang tinig ng masang anakpawis dahil sa panunupil at pagsasamantala ng buong sistema at alinmang rehimeng reaksyonaryo. Kasunod ng ganitong katotohanan, ang tinguriang personality politics sa hanay ng mga nagriribal na karamihan ay mga reaksyonaryong pulitiko.

Dapat isyu rin ang paggamit ng Smartmatic-TIM automated electoral system. Labis na magastos at madaling imanipula ng alinmang kriminal na rehimen o presidente tulad ni Duterte. Ihambing ang naturang sistema sa automated system sa Alemanya o Netherlands. Manual count pa rin na open to the view of the public and sa competing parties sa precinct level at secure transmission of vote results by ordinary computers. Malayong mas mura at madaling bantayan. Pinili ng mga korap ng pulitiko ng Pilipinas ang Smartmatic-TIM automated electoral system dahil mas magastos at mas madaling kunan ng kurakot at mas madali pang imanipula.

6. Dahil sa mga lumalabas na ulat hinggil sa mga seryosong alegasyon ng malawakang dayaan, mayroon po bang posibilidad na magkaroon ng isang malawakang alyansa na magpapakita ng pagkondena sa malawakang dayaan at pagtatakwil sa marumi, maanomalya, at kuwestiyonableng pagsasagawa at resulta ng halalan? Unti-unti na po kasing lumilinaw ang mga kondisyon para sa isang malawakang alyansa ngayong panahong ito dahil po sa mga pahayag ng pagkondena ng iba’t ibang personalidad, grupo at organisasyon sa malawakang dayaan, gaya na lang nina Atty. Glenn Chong, Atty. Larry Gadon, BAYAN, KONTRA-DAYA, MAKABAYAN, BMP, CARITAS-NASSA, at MMDM.

JMS: Dahil sa garapal na pandaraya ng rehimeng Duterte, ibayong may batayan para sa isang malawakang alyansa at kilusang protesta ng malawak na masa para kondenahin , itakwil at patalsikin ang rehimeng Duterte. Malinaw ang pagnanais ng mga lider at masa ng BAYAN, KONTRA-DAYA, MAKABAYAN, BMP, CARITAS-NASSA, MMDM at iba na magpalakas ng alyansa at palitawin ang lakas at bisa ng people’s power (kapangyarihan ng bayan) laban sa rehimeng tiraniko. Ewan kong totohanan sina Gadon at Chong sa pagpuna nila sa dayaan.

Kailangang-kailangan ang malawak na nagkakaisang hanay at militanteng kilusang protesta ng masa para maagap na salungatin ang mga mas masama pang patakaran at kilos ni Duterte bunga ng matagumpay na pandaraya niya sa halalan. Dapat maglunsad ng mga malaking pagtitipon aat martsa sa mga pampublikong lugar at sa loob at kapaligiran ng mga simbahang Kristiyano. Sa kalaunan, dapat may higanteng pagtitipon ng people’s power upang ibagsak ang imbing na rehimen ng halimaw na katulad ni Marcos.

7. Magiging independyente at makabayan po ba ang Senado, Kamara, at mga pamahalaang lokal gayong karamihan sa mga mananalong kandidato ay maka-Duterte? Mayroon po bang tsansa na magkaroon ng mga public official na tutuligsa sa mga patakaran at programa ng kasalukuyang administrasyon?

JMS: Hindi magiging independyente at makabayan ang Senado, Kamara, at mga pamahalaang lokal na maka-Duterte at nakinabang sa pandaraya at makikinabang pa sa patuloy na pagsalakay sa masang Pilipino at sa kabang-yaman ng bayan. Habang may pang-aapi at pagsasamantala, laluna kung lulubha pa, magkakaroon ng mas malakas pang masa at mas magiting na lider na nalalaban sa mga masamang patakaran at programa ng rehimeng Duterte. May ilan ding public official na nakalusot sa matindi at malawakang pandaraya ni Duterte.

8. Ano po ba ang maasahan ng masa sa huling tatlong taon ng kasalukuyang administrasyon? Mayroon pa po bang tsansa na maitulak ang kasalukuyang administrasyon na magtaguyod ng mga patakaran at programang makabayan at maka-masa? Mayroon po ba kayong nakikitang posibilidad hinggil sa tunguhin ng reporma, pakikibakang ligal, armadong rebolusyon, reaksyon, at maging ng kampanya para sa pagpapatalsik sa kasalukuyang administrasyon sa mga susunod na taon?

JMS: Walang maasahan ng masang Pilipino sa huling tatlong taon ng rehimeng Duterte kundi ibayong pang-aapi at pagsasamantala. Mahirap at hindi tama na umasa na ang rehimeng ito ay magbabago at magtataguyod ng mga patakaran at programang makabayan at maka-masa. Wala o malayo ang posibilidad na magbago ang rehimen at pumayag sa mga makabukuhyan na repromang sososy-ekonomiko at pampultika.

Balak ng rehimeng Duterte na magtayo ng pasistang diktadura at pagsilbihan niya ang mga dayuhang monopolyo, mga malaking komprador at asendero at ang makitid niyang pangkatin ng mga mandarambong at berdugo. Disidido ang rehimeng ito na supilin at puksain ang malawak na nagkakaisang hanay, ang legal na kilusang masa at ang armadong rebolusyon. Kung gayon, walang mapagpipilian ng mga mamamayan at mga pwersang makabayan at progresibo nila kundi lumaban hanggang tagumpay sa pagpapaalis kay Duterte sa kapangyarihan.

Magpalagay man si Duterte na kaya niyang patayin ang legal na demokratikong kilusan na nakalantad sa mga mga kalunsuran, hindi niya talaga kaya kundi lalo pa niyang itutulak ang masang Pilpino na magbalikwas. Lalong hindi kaya ni Duterte na patayin ang armadong rebolusyon ng bayan. Lalong dadami ang mga armadong rebolusyonaryo dahil sa panunupil sa mga makabayan at progresibong pwersa at mamamayan sa mga lungsod at nayon.

May pambansang saklaw at malalim na nakaugat sa masang anakpawis ang mga armadong rebolusyonaryo. Kaya nilang labanan at talunin ang rehimeng nabubulok at may limitadong lakas at rekurso at napakaraming kahinaan dahil sa lumalalalng krisis sa ekonomiya at pulitika ng naghaharing malakolonyal at malapyudal na sistema.###

https://www.ndfp.org/panayam-kay-prop-jose-maria-sison-tungkol-sa-halalang-mayo-13/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.