Friday, June 7, 2019

CPP/Ang Bayan: Ilantad at labanan ang bulok at pahirap na kongreso ni Duterte

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jun 7, 2019): Ilantad at labanan ang bulok at pahirap na kongreso ni Duterte




Mabilis na uminit ang pag-aagawan ng mga burukrata-kapitalista sa pwesto pagkatapos ng eleksyon. Hindi bababa sa apat ang nagpahayag ng intensyong maging Speaker (o pinuno) ng Mababang Kapulungan. Sa Senado, nagbabrasuhan ang mga senador para makuha ang pamumuno ng makapangyarihang mga komite.

Nagriribalan man, ang totoo’y nagkakaisa ang mga pulitiko at partidong ito sa adyenda at kumpas ni Duterte. Lahat sila’y bahagi ng supermayorya ni Duterte sa dalawang kapulungan. Sa Kongreso, ang apat na naghahangad maging Speaker ay pawang mga tapat na alagad ni Duterte. Dalawa ay mula sa PDP-Laban—si Lord Allan Velasco ng Marinduque at dating Speaker na si Pantaleon Alvarez. Mula naman sa Nacionalista Party (NP) si Alan Peter Cayetano ng Taguig City na tumakbong bise ni Duterte noong 2016. Manok naman ng Lakas-CMD si Martin Romualdez ng Leyte at pinsang-buo ni Imee Marcos. Sa ngayon, wala ni isa sa kanila ang malinaw na makakukuha ng mayoryang boto.

Sa Senado, umugong ang balitang papalitan ni Cynthia Villar ng NP ang nakaupong presidente nitong si Vicente Sotto. Suportado siya ng mga bagong senador mula sa Hugpong ng Pagbabago (HNP), na nagbantang gagawa ng “bagong mayorya” sa Senado kung hindi ibibigay ni Sotto ang mga gusto nilang komite. Kaalyadong partido ni Sotto ang HNP na pinamumunuan ng anak ni Duterte na si Sara.

May paggigirian man ang mga pangkatin, litaw pa rin kung papaanong kontrolado ni Duterte ang bagong uupong Senado at Kongreso. Para makuha ang kanyang basbas, kaliwa’t kanan ang pangako ng ambisyosong mga pulitiko na isusulong nila ang kanyang adyenda. Pangunahin dito ang kanyang huwad na pederalismo sa pamamagitan ng pagbabago sa konstitusyon na dati’y nabahura sa Senado. Kasabay nito ang mga panukalang magpapatindi ng pasismo ng estado, tulad ng pagpapababa ng edad para maaari nang ituring na kriminal, pagpapatupad ng rekisitong pagsasanay-militar sa mga estudyante ng hayskul at mga amyenda sa Human Security Act.

Walang imik ang mga pulitikong ito sa mga kaso ng pamamaslang, pangungurakot at pangangayupapa sa dayuhan ni Duterte. Sa isang banda, pinatunayan nilang wala silang pagkakaiba sa esensya. Sa kabilang banda, ipinakikita ng kanilang pangangayupapa ang bangis ng naghaharing pangkatin. Hawak ni Duterte ang buong makinarya ng estado—mula sa mga ahensyang paniktik hanggang sa ahensyang naniningil ng buwis—at wala siyang pakialam sa paggamit sa mga ito para gipitin kahit ang kanyang mga kaalyado. Tinitiyak niyang walang grupo, kahit sa loob ng kanyang pangkatin, na makabubuo ng sapat na bilang o lakas ng loob para hamunin ang kanyang kontrol sa estado.

Sinasabing ang giriang ito ay girian din sa pagitan ng malalaking negosyo. Ang Nationalist People’s Coalition (NPC) ay blokeng kapanalig ng malaking kapitalistang si Eduardo Cojuangco. Ang National Unity Party (NUP) naman ay pinamumunuan ni Ronaldo Puno at pinagugulong ng kapital ni Enrique Razon. Ang NP naman ay dominado ngayon ng pamilyang Villar.

Sa gitna ng ribalan ng mga bulok na pulitiko ay ang usapin ng pagkopo sa matatabang kontrata sa gubyerno, pagkuha sa mga prangkisa ng mga pampublikong yutilidad, pagharang sa mga panukalang makapipinsala sa kanilang negosyo at paggawa ng mga batas na may bentahe sa kanilang interes.

Pinalalabas ni Duterte na “free-for-all” ang labanan para sa pamunuan ng Kongreso. Wala raw siyang papanigan. Pero walang labanan para maging Speaker ng Kongreso o Presidente ng Senado ang hindi pinakikialaman ng nakaupong presidente. Sa nakaraan, mapagpasyang salik sa basbas ni Duterte ang bentaheng maibibigay ng kongresista at kanyang pangkatin at ang pagiging malapit nito sa kanya at kanyang pamilya. Wala siyang pagdadalawang-isip na palitan ang sinumang alyado na hindi nagsisilbi sa kanyang interes.

Ang ribalan at girian sa kongreso ay salamin ng bulok na pulitika ng naghaharing sistema sa Pilipinas. Ang kongreso ng reaksyunaryong estado ay pinaghaharian ng mga burukrata-kapitalista. Sa partikular, ang magbubukas na ika-18 na kongreso ay tiyak na magsisilbing tagapagsuhay at tagapagsulong ng pasismo, korapsyon, pahirap, at traydor sa bayan na adyenda ni Duterte.

Dapat puspusang ilantad at labanan ang kongreso ni Duterte. Dapat ubos-kayang hadlangan at ipakita ang mahigpit na pagtutol ng sambayanan sa mga pangunahing hakbanging balak nitong isagawa, higit sa lahat ang planong baguhin ang konstitusyong 1987 para bigyang-daan ang pagpapalawig sa poder at paghaharing diktador ni Duterte.

Ang pagbubukas ng kongreso sa mga darating na linggo ay dapat salubungin ng mainit at malawak na protesta upang ipamalas ang kahandaan ng buong bayan na labanan ang anumang plano nitong magpapahirap, gigipit at pipinsala sa interes ng mamamayang Pilipino.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippinesand is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.