Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jun 7, 2019): 2-taong batas militar, salot sa mamamayan
Dalawang taon nang nabubuhay sa takot at hirap ang mamamayan sa Mindanao bunsod ng batas militar ni Rodrigo Duterte. Wala nang naniniwala na ipinataw niya ang batas militar para sugpuin ang diumano’y banta ng terorismo ng grupong Maute. Matagal na itong nabunyag bilang isa sa kanyang mga pasistang hakbang para itayo ang walang-sagka at walang taning na pasistang diktadura sa buong bansa.
Ang pagpataw ni Duterte ng batas militar noong Mayo 23, 2017 ay isa sa pinakamalaki niyang kaso ng pag-abuso ng kapangyarihan. Ang 5-buwang pambobomba niya sa Marawi City, kung saan daan-daang sibilyan ang napatay, karamihan mga Maranao, at P18 bilyong halaga ng kanilang mga ari-arian ang nawasak, ay maituturing na krimen laban sa sangkatauhan. Ito, kasama ang ekstrahudisyal na pamamaslang dulot ng kanyang gera kontra-droga, ay maaaring isampa sa mga internasyunal na korte.
Pagdurusa ng mga Maranao
Hanggang ngayon, wala pa ring disenteng tirahan ang 100,000 residente ng Marawi na napalayas nang kubkubin ng AFP ang syudad. Ayon sa inilabas na ulat ng International Committee of the Red Cross noong Mayo, nakatigil ang mga bakwit sa mga sentro ng ebakwasyon, sa mga toldang nagsisilbing pansamantalang tirahan at sa mga bahay ng kanilang kamag-anak sa ibang bahagi ng Mindanao, Visayas at hanggang Luzon. Nasa 50,000 ang hindi pa rin pinapayagang bumalik, kahit pansamantala, sa sentro ng syudad—ang lugar na tinaguriang “Ground Zero” na pinakapinuruhan ng mga bomba ng AFP.
Marami sa mga bakwit ang dumaranas ng gutom, sakit at depresyon. Mula nakaraang taon, humina na ang pagdating ng ayudang pagkain mula sa mga mapagkawanggawang institusyon. Napakalimitado ng ayudang pampinansya. Naiulat noong Mayo na P10,000 lamang ang ipinamahagi ng Office of the Civil Defense (OCD) mula sa P36.92 milyong donasyon na nalikom para sa mga bakwit. Sadyang pinahihirapan ng OCD ang mga bakwit sa pagkuha ng pondo sa pamamagitan ng paghahanap ng mga papeles na nawala kasabay ng pagkawala ng kanilang mga ari-arian at tahanan.
Dagdag dito, wala pa ring nangyayari sa hiling ng mga taga-Marawi na naghahanap sa kanilang mga kamag-anak. Hanggang ngayon, naghihintay pa rin sila sa resulta ng mga DNA test para kilalanin ang mga labi ng mga inilibing na lamang sa mga komun na libingan. Tinataya ng mga akademiko na nasa 2,000-2,500 ang napatay sa pagkubkob ng Marawi, malayo sa 1,200 na taya ng rehimen.
Ikinagagalit ng mga taga-Marawi ang sadyang pagbabalewala sa kanila sa pagpaplano at rekonstruksyon ng kanilang syudad at pagpapaubaya dito sa mga dayuhang kumpanya at kanilang mga kasosyong kumprador. Sawa na sila sa usad-pagong na proseso ng rehabilitasyon sa kabila ng mabilis na pagtatayo ng AFP ng isang kampo- militar sa sentro ng syudad. Lalo silang nagalit sa pagbansag ni Duterte sa kanilang syudad bilang “pugad ng droga” at pagpahayag na dapat ang mayayamang Maranao na lamang ang gumastos para ibangon ang syudad.
Daan-daanlibong abuso
Umaabot sa 800,000 ang mga biktima ng pang-aabuso sa karapatang-tao sa Mindanao na naisadokumento ng Karapatan mula nang ideklara ang batas militar. Kabilang dito ang 93 aktibistang pinaslang, 136 tinangkang patayin, 1,400 inaresto at ikinulong, 29,000 tinakot, ginipit at hinaras, at 423,500 ang pwersahang napalayas sa kanilang mga komunidad. Naitala rin ng Karapatan ang 4,428 kaso ng paggamit ng mga sibilyang imprastruktura para sa mga operasyong militar.
Sa pangalawang taon ng batas militar naganap ang matitinding krimen tulad ng pagmasaker sa pitong kabataan sa Patikul ng mga sundalo ng AFP at ang dalawang pagpapasabog sa simbahang Katoliko sa Jolo, pareho sa Sulu. Ginamit ng AFP na dahilan ang “gera kontra-terorismo” para patindihin ang militarisasyon sa mga komunidad ng mga Moro. Dahil dito, maraming Moro ang napapalayas sa kanilang mga lugar, dagdag sa dati nang mga bakwit. Sa unang kwarto lamang nitong taon, nasa 16,300 na ang naitalang nagbakwit dahil sa walang awat na mga operasyong militar.
Kasabay ng mga atake sa mga komunidad ng Moro ang walang habas na pang-aatake sa mga komunidad ng Lumad at magsasaka. Partikular na target ng militar ang mga eskwelahang Lumad na pinuruhan ng atake ng AFP. Sa nakaraang dalawang taon, ipinasara ng pasistang rehimen ang 79 eskwelahan na may 2,782 guro at estudyante. Tatlong estudyante ng mga ito ang pinatay ng mga sundalo at mga paramilitar. Palagian namang nanganganib ang mga eskwelahang nakatayo pa at gumagana lamang dulot ng tapang ng mga komunidad at suporta ng iba’t ibang sektor sa kanila.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippinesand is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://www.philippinerevolution.info/2019/06/07/2-taong-batas-militar-salot-sa-mamamayan/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.