Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jun 7, 2019): Pautang ng ADB: Lalong paghigpit ng kontrol ng mga dayuhan sa K-12
Lalong pinahihigpit ng Asian Development Bank (ADB) ang kontrol nito sa pagpapatupad ng programang K-12. Nitong Mayo, pinirmahan ng ADB at ng rehimeng Duterte ang Secondary Education Support Program, isang kasunduan sa pautang na nagkakahalagang $300 milyon. Partikular na layunin ng programa na higit pang “pinuhin” ang kurikulum ng K-12 alinsunod sa kagyat na pangangailangan ng mga kapitalista. Sa pamamagitan ng pautang na ito, idinidikta ng ADB ang mga hakbangin at programang ipatutupad sa ilalim ng K to 12 mula 2019 hanggang 2023.
Dayuhang kontrol sa K-12
Mula nang unang isinabatas ang K-12 noong 2013 alinsunod sa rekomendasyon ng World Bank (WB), ang pagpapatupad nito ay mahigpit na ikinukumpas at kinokontrol ng ADB (Japan) at WB (US) sa pamamagitan ng mga pautang.
Ang bagong pautang ng ADB na tinawag na Secondary Education Support Program ay pagpapatuloy ng naunang $300 milyong pautang na Senior High School (SHS) Support Program (2014-2020).
Nakabalangkas ang pagbibigay ng pondo sa pagtupad ng gubyerno ng Pilipinas sa mga itinakdang target ng ADB. Kabilang dito ang pagsasaayos ng kurikulum ng SHS, kabilang ang Technical Vocational and Livelihood, para gawing mas mabenta ang lakas-paggawa ng mga nagtapos sa lokal at pandaigdigang pamilihan sa paggawa.
Itinutulak nitong palakasin ang kaalaman sa Matematika, Agham at Ingles para maitaas ang iskor ng mga estudyante ng SHS sa National Achievement Test at sa national certificate assessment para sa mga kumuha ng kursong teknikal-bokasyunal.
Partikular na kikinisin ang pagsasanay sa mga espesyalisasyon na magbibigay ng kahandaan sa mga trabaho sa agri-fishery, pagluluto, information technology, welding, mga serbisyong may kinalaman sa dagat at iba pa. Ito ang mga kursong pangunahing kailangan sa Japan, Canada, mga bansa sa Middle East at US.
Dagdag pa rito, magsasagawa rin ng mga pagsasanay para sa mga pampublikong guro na magtuturo sa mga espesyalisadong asignatura.
Sa pamamagitan ng pautang, itinatakda rin ng ADB na maglaan ng $1.55 bilyon ngayong 2019-2023 (mula $1.52 noong 2014-2019) para sa Education Service Contracting at SHS Voucher System na popondo sa mga pribadong paaralan na tatanggap ng mga estudyanteng di kayang ipasok sa mga paaralang pampubliko. Ito ay mga programang idinisenyo batay sa prinsipyo ng Public-Private-Partnership (PPP) sa sektor ng edukasyon. Itinatakda naman ng naunang pautang na itaas hanggang 40% ngayong 2019 ang porsyento ng mga mag-aaral na nag-eenrol sa mga pribadong hayskul mula 20% noong 2012.
Dagdag pa rito, inoobliga rin ng bagong pautang ang gubyerno na maglaan ng $2.92 bilyon para sa pagtatayo ng mga pasilidad sa edukasyon gaya ng mga silid-aralan, laboratoryo, at mga workshop sa ilalim ng mga kontratang PPP. Doble ito sa idinikta nitong $1.42 bilyon sa ilalim ng naunang pautang.
Pagsasanay gamit ang pondo ng bayan
Kunwa’y itinataas ng bagong reporma ng ADB ang kalidad ng mga magtatapos ng Grade 12. Pero sa aktwal, inaayon lamang ng ADB ang kanilang pagsasanay para sa partikular na mga pangangailangan ng mga dayuhang kumpanya. Ito ay para higit pang mapiga ang kanilang lakas-paggawa nang hindi na gumagastos para sa kanilang pagsasanay ang mga pribadong kumpanya. Sa ngayon, halos ang mga lokal na kumpanya sa pagkain (Jollibee, Chowking at iba pa) at mga lokal na gubyerno ang tumatanggap ng mga gradweyt ng SHS. Kahit noong wala pang SHS, tumatanggap na ang mga ito ng mga gradweyt sa hayskul na 18-taong gulang.
Ang mamamayang Pilipino, sa pamamagitan ng badyet sa sekundaryong edukasyon, ang nagpopondo para sa pagsasanay ng mga manggagawa ng mga dayuhang kumpanya. Sa nakaraang dalawang taon, nagbuhos ng bilyun-bilyong pondo ang estado para sa programa. Para sa 2018, naglaan ito ng di bababa sa P7.1 bilyon para sa imprastruktura at pagtuturo sa mga pampublikong hayskul habang P20 bilyon ang ipinasa nito sa mga pribadong paaralan bilang “subsidyo” sa mga estudyanteng hindi na kayang tanggapin ng mga pampublikong paaralan. Malaking bahagi ng pondo sa pampublikong hayskul ay para sa teknikal-bokasyunal na mga pagsasanay.
Labas pa ito sa lampas P100,000/estudyante na ginastos ng mga magulang para sa 2-taong dagdag na pag-aaral sa pampublikong hayskul at mahigit P200,000/estudyante kung pribado ang paaralan.
Mura pero di mabentang lakas-paggawa
Noong 2018 nagtapos ang kauna-unahang bats ng Grade 12 sa ilalim ng programang K to 12. Nasa 1.25 milyong kabataang Pilipino ang nagtapos at umasang makakukuha agad ng trabaho. Tatlumpu’t-siyam na porsyento sa kanila ang nagtapos ng Technical-Vocational-Livelihood track.
Taliwas sa ipinangako ng programa, mismong mga negosyante sa pangunguna ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) ang nagpahayag ng pangamba na hindi handa sa trabaho ang mga nagtapos.
Ayon sa PCCI, hindi sapat ang 80 oras ng imersyon sa trabaho bilang minimum na bilang ng oras para maging handa sa trabaho ang mga bagong gradweyt. Gayundin, dalawa sa sampung nag-eempleyo lamang ang handang tumanggap ng mga nagtapos ng SHS.
Sa kasalukuyan, dalawang bats na ng Grade 12 ang nagtapos sa balangkas ng kurikulum na ito. Sa muling pagbubukas ng klase ngayong Hunyo, tinatayang nasa tatlong milyon ang bilang ng mga papasok sa SHS.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippinesand is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://www.philippinerevolution.info/2019/06/07/pautang-ng-adb-lalong-paghigpit-ng-kontrol-ng-mga-dayuhan-sa-k-12/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.