Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jun 7, 2019): 4 na magsasaka, inaresto sa Mindoro
Apat na magsasaka ng Sityo Pusog, Barangay Brigada, Sablayan, Occidental Mindoro ang iligal na inaresto ng mga sundalo noong Mayo 23. Ang mga magsasaka na sina Raul Ibañez, Nonoy Obseqha, Boyna Militar at Diego Panas ay piniringan ng mga sundalo at ininteroga. Sina Ibañez at Obseqha ay dinala sa kampo ng mga sundalo sa Barangay Burgos.
Sa Laguna, binaril hanggang mapatay ng mga kasapi ng Philippine National Police (PNP)-Calabarzon si Christopher Esabia sa Barangay Palma 2, Alaminos noong Mayo 26. Si Esabia ay dating kasapi ng BHB-Rizal noong 2004. Matagal na siyang walang ugnay sa BHB.
Marahas na demolisyon. Marahas na dinemolis ng pinagsanib na operasyon ng mga elemento ng PNP at Philippine Marines noong Abril 24 ang kabahayan sa Sityo Racat, Barangay Rapuli, Sta. Ana, Cagayan. Iligal na inaresto ang 16 na residente, karamihan ay babae.
Higit 30 taon nang nakatira ang mga residente sa lugar. Ang lupang kinatitirikan ng mga bahay ay kinakamkam ng Cadilland, Inc., isang debeloper ng lupa. Noong unang bahagi ng Abril ay nagkaroon na rin ng marahas na demolisyon sa lugar. Matagumpay itong napigilan ng pagkakaisa ng mga residente.
Matapos ang limang araw na babala mula sa DENR, iligal na dinemolis ang anim na bahay ng mga maralitang magsasaka sa Sityo Laguis, Sindun Bayabo, Ilagan City noong Mayo 29.
Nangako ang mga kinatawan ng DPWH, DENR at City Engineering Department na ititigil muna ang demolisyon hanggang walang dayalogo sa pagitan ng mga residente at ng gubernador. Ngunit nang sumunod na araw, sinira ang 10 bahay at ang maisan ng mga magsasaka.
Sa Bukidnon, inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang apat na kasapi ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)-Bukidnon. Alas-9 ng umaga nang hulihin sina Randy Montillano, Jessel Montillano, Christine Ara Montillano at Wilfredo Darap. Nakasaad sa kanilang mandamyento de aresto ang gawa-gawang kaso ng tangkang pagpatay na may petsang Abril 14, 2018.
Tanggalan sa PEPMACO. Iligal na tinanggal ang 20 manggagawa at tagapangulo ng PEPMACO Workers Union noong Hunyo 3. Dalawa sa mga manggagawa ay pinadalhan ng babala dahil sa paglahok sa isang asembliya laban sa kumpanya. Noong Hunyo 4, naghain ng Notice of Strike ang unyon ng PEPMACO.
Nakaranas ng matinding panggigipit ang mga manggagawa matapos silang magtayo ng unyon noong Enero. Sunud-sunod na tinanggal ang 37 manggagawa at apat na lider ng unyon.
Samantala, matagal nang iniinda ng mga manggagawa ng IQOR Bacolod ang hindi makataong obertaym at pagpapatrabaho sa kanila ng 10 oras kada araw. Noong Mayo 29, kasama ang mga kinatawan ng BPO Industry Employees’ Network (BIEN) Bacolod, idinulog ng mga manggagawa ang kanilang kalagayan sa upisina ng DOLE-Region VI Bacolod.
Noong Hunyo 2 sa Barangay Bunga, Tanza, Cavite, binaril hanggang mapatay ng mga hindi kilalang armadong lalaki si Dennis Sequeña habang nasa isang pulong kasama ang mga manggagawa. Si Sequeña ay bise presidente ng Partido Manggagawa sa naturang prubinsya.
Sa Butuan City, pinagbabaril hanggang mapatay ng pinaniniwalaang mga elemento ng AFP si Esther Betonio noong Hunyo 2, alas-6:30 ng gabi sa Sityo Landing, Barangay Tungao. Nakaangkas sa motorsiklo ng kanyang asawa si Betonio mula sa pag-iigib ng tubig nang lapitan at pagbabarilin ng mga salarin. Nakaligtas sa krimen ang kanyang asawa.
Aktibong kasapi ng Unyon sa Mag-uuma sa Agusan del Norte (UMAN) si Betonio at matagal nang pinagbibintangang kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at pilit pinasusurender ng militar. Mahusay na lider din si Betonio sa kanilang lugar.
Ayon sa imbestigasyon ng BHB-Agusan del Norte, dumiretso ang motorsiklo ng mga salarin sa kampo ng militar sa katabing barangay ng Lower Olave.
Kinabukasan alas-6 ng gabi sa Purok 6 sa parehong barangay, binaril din hanggang mapatay si Eddie Versoza, myembro rin ng UMAN.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippinesand is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://www.philippinerevolution.info/2019/06/07/4-na-magsasaka-inaresto-sa-mindoro/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.