Friday, January 19, 2024

CPP/NPA-Masbate: Lalabanan ng mga Masbatenyo ang papatinding atakeng militar na hatid ng kampanyang “ganap na pagdurog” sa NPA ni Marcos Jr

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Jan 18, 2024): Lalabanan ng mga Masbatenyo ang papatinding atakeng militar na hatid ng kampanyang “ganap na pagdurog” sa NPA ni Marcos Jr (Masbatenyos will resist the intensifying military attack brought about by Marcos Jr's campaign to "completely crush" the NPA)
 


Luz del Mar
Spokesperson
NPA-Masbate (Jose Rapsing Command)
Bicol Regional Operational Command (Romulo Jallores Command)
New People's Army

January 18, 2024

Bagamat wala nang nakukumbinsi sa pakana ng militar, dapat paghandaan ng masang Masbatenyo ang mga desperadong hakbangin ng AFP para patindihin ang militarisasyon sa prubinsya, sang-ayon sa utos ni Marcos Jr na umano’y ganap na pagdurog sa NPA.

Nabatid ng Jose Rapsing Command-Bagong Hukbong Bayan Masbate ang paglilibot ng militar sa iba’t ibang sulok ng prubinsya para ipagpatuloy at malamang ay madaliing kampanya ng clear-hold-consolidate-develop upang tuluyang ideklara ang Masbate na insurgency-free. Sa ilang barangay tulad sa Liong sa bayan ng Cataingan, pinupwersa ang mga upisyal ng barangay na magtayo ng ALSA MASA at gawing mga aset o intel ng militar yaong mga napilitang sumurender. Sa Barangay Rizal, bayan ng Dimasalang, nagsagawa ng mga pulong-pulong at pinilit ang mga residente na hawanin ang masusukal na bahagi ng kani-kanilang komunidad. Sa bayan ng Mobo, hinahagupit muli ng okupasyong militar sa ilalim ng Retooled Community Support Program ang kanilang komunidad.

Ang totoo, walang ibang kahulugan ang kampanyang ganap na pagdurog sa NPA kundi ang ibayong pagsupil sa pakikibaka ng masa. Sa Masbate, nangangahulugan ito ng malawakang militarisasyon at kaakibat na mas matitinding pang-aabuso upang wasakin ang pagkakaisa ng mga Masbatenyo.

Sa tangkang durugin ang NPA, pakay ni Marcos Jr na makabuwelo ang mga dayuhan at lokal na mandarambong sa pang-aagaw ng lupa at paghuthot sa yamang likas ng prubinsya. Nagsisilbi rin kay Gov. Antonio T. Kho ang pagdurog sa NPA para makapanatili sa tuktok ng kapangyarihan at malubos ang pangungurakot sa yaman ng Masbate.

Sa mga lugar na hindi pa naaabot o pansamantalang naiwan ng Hukbo sa prubinsya, dinaranas ng masa ang walang kaparis na pang-aapi at pagsasamantala. Talamak sa mga lugar na ito ang pagpatay sa sibilyan, pagwasak sa kabuhayan at iba pang abuso. Damang-dama ng masa ang kahalagahan ng Hukbo at Partido, laluna sa mga komunidad na pinakaapektado ng pangangamkam ng lupa at pagpasok ng operasyong pagmimina, ekoturismo, rantso at iba pang neoliberal na proyekto.

Hindi na dapat pang pumayag ang mga Masbatenyo sa nagpapatuloy na batas militar sa Masbate. Ito na ang rurok ng kanilang pagtitiis. Kung hindi magkakaisa at lalaban, tiyak magtatagumpay ang militar na tuluyang lunurin sa takot at buwagin ang pagkakaisa ng mga Masbatenyo. Oras na mawala ang rebolusyonaryong paglaban ng mga Masbatenyo, tiyak na mawawala rin sa kanila ang lupa, karapatan, kabuhayan, at kinabukasang naipundar nila sa pakikibaka.

Pinakamahalagang tungkulin ng mga Masbatenyo sa kasalukuyan ay ang higpitan ang suporta at pakikipagkaisa sa kanilang Bagong Hukbong Bayan. Kailangan nilang itaguyod ang linya ng ugnayan at komunikasyon sa mga kasama, gaanuman kasidhi ang mga tangka ng kaaway na ilayo ang masa sa kanilang Hukbo.

Sa gabay ng Hukbo, kailangang buuin at paganahin ng masa ang kanilang mga rebolusyonaryong organisasyon bilang haligi ng kanilang pagkakaisa. Tanging sa aktibong pagkilos ng kanilang mga organisasyon maipagtatanggol ng masa ang kanilang mga komunidad laban sa panghihimasok ng militar.

Pinakamahusay kung makapag-ambag kada baryong may nakatayong organisasyon ng mga dagdag rekrut sa Hukbo, laluna mula sa hanay ng kabataan!

Sa mga lugar na di pa naaabot ng Hukbo, dapat paghandaan at salubungin ng masa ang tiyak na pagdating ng mga kasama. Dumalo sa kanilang mga patawag at papulong.

Mas malubhang pang-aapi at pagsasamantala ang mapapala kung magpapadala sa takot, pananahimik at pagkakanya-kanya. Sa banta ng mas matinding atake ni Marcos Jr, walang ibang solusyon kundi ang magrebolusyon.

https://philippinerevolution.nu/statements/lalabanan-ng-mga-masbatenyo-ang-papatinding-atakeng-militar-na-hatid-ng-kampanyang-ganap-na-pagdurog-sa-npa-ni-marcos-jr/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.