Monday, March 12, 2018

CPP/Ang Bayan: #WalkoutPH, humugos sa kalsada

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Mar 7): #WalkoutPH, humugos sa kalsada

Humugos sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang libu-libong kabataan at estudyante kasama ang iba’t ibang sektor noong Pebrero 23 laban sa pasismo ng rehimeng US-Duterte. Paggunita rin ito sa ika-48 taong anibersaryo ng Sigwa ng Unang Kwarto.

Pinangunahan ng Anakbayan at League of Filipino Students ang #WalkoutPH, ang pambansang protesta para sa karapatan, tunay na kalayaan at demokrasya. Kabilang sa kanilang mga panawagan ang pagtatanggol ng kalayaan sa pamamahayag, pagtigil sa pamamaslang, tunay na reporma sa lupa at pagbabasura sa programang jeepney phaseout.

Sa University of the Philippines sa Diliman, Quezon City, daan-daang mag-aaral mula sa iba’t ibang kolehiyo ang lumahok para igiit ang karapatan ng mamamayan. Kasama ang mga manininda at mga tsuper ng dyip, nagtipon ang mga ito sa harap ng Palma Hall at simbolikong isinara ang pamantasan. Pagkatapos ng programa sa UP ay nagtungo ang grupo upang makiisa sa nagaganap na protesta ng mga magsasaka at mag-aaral sa Mendiola. Kasama naman ang mga magsasaka ng Eastern Visayas (tingnan ang kaugnay na artikulo sa pahina 11), nagmartsa ang mga mag-aaral ng Far Eastern University, UP Manila, Polytechnic University of the Philippines, University of Santo Tomas, University of the East at iba pang pamantasan sa Kamaynilaan sa martsa-protesta tungong Mendiola, Maynila upang kundenahin ang tumitinding militarisasyon sa kanayunan at crackdown sa mga aktibista. Sinunog nila ang effigy ni Duterte na nakabihis hari at may koronang may katagang “Duterterorista.”

Daan-daan rin ang lumahok sa protesta sa Session Road sa Baguio City laban sa tangkang charter change ni Duterte. Ang protesta ay pinangunahan ng LODI ti Baguio, Youth Act Now Against Tyranny at Cordillera Peoples’ Alliance. Bitbit ng mga mag-aaral ang mga plakard na may larawan ng madre, magsasaka, katutubo, mag-aaral at guro na may nakatutok na target sa puso at ulo bilang paglalarawan sa dumaraming kaso ng pampulitikang pamamaslang ng rehimeng Duterte.

Nakiisa rin ang mga mag-aaral ng Tacloban na tinawag si Duterte na mapang-api, diktador at pasista. Bilang paggunita rin sa ika-32 taon ng pag-aalsang EDSA, naglunsad ng programa ang mga estudyante sa Iloilo. Kabilang sa kinundena ng mga kabataan ay ang pekeng libreng matrikula ni Duterte. Ayon sa grupo ng mga kabataan, bagamat ipinasa ang P8 bilyong pondo para sa libreng matrikula sa 2017 at ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act (o RA 10931), nagpapatuloy ang paniningil ng samu’t saring bayarin sa mga pampublikong unibersidad. Pilit na nililimitahan ng mga pamantasan ang mga estudyante at mga benipisyaryo nito. Sa katunayan, hindi lahat ng estudyante sa pampublikong unibersidad at kolehiyo ay nakatatamasa ng libreng edukasyon.

Nakaamba rin ang kaltas pondo sa edukasyon para sa todo-gera at pasismo ni Duterte laban sa mamamayan. Kasabay ng papataas na bayarin at matrikula, hindi rin ligtas ang mga kabataan sa epekto ng TRAIN Law. Anila, tusong ibinabandera ngayon ni Duterte ang benepisyo diumano ng TRAIN Law dahil sa pagkaltas ng buwis sa mga manggagawa samantalang barya lamang ang kaltas kumpara sa higit na dobleng pagtaas ng presyo ng pagkain, kuryente, mga pangunahing serbisyo at pamasahe. Gagamitin rin ang pondo mula sa TRAIN sa samu’t saring gerang pinakawalan ni Duterte laban sa mamamayan at upang pondohan ang makadayuhang proyektong pang-imprastrukturang “Build, Build, Build.”

Mariin ding binatikos ng mga kabataan at magsasaka ang lansakang pag-atake ni Duterte sa demokratikong karapatan ng mamamayan. Walang pakundangan ang pag-aresto, pagpaslang at tortyur sa mamamayan sa kalunsuran, higit sa kanayunan. Sunud-sunod ang pag-aresto sa mga kilalang aktibista, tinatakot at sinasampahan ng pekeng kaso ang sinumang lumalaban upang sila ay patahimikin habang daan-daan na ang mga magsasakang pinaslang. Ayon kay Kabataan Rep. Sarah Elago, ang tumitinding kalagayang pampulitika, ekonomya at paglabag sa karapatang-tao ay sapat na mga dahilan upang lumahok ang mga kabataan sa malawak na mamamayan sa kanilang panawagan na patalsikin si Duterte at wakasan ang bantang diktadura nito.

 Itinakda ng mga kabataan ang Pebrero 23 bilang una sa serye ng kanilang ilulunsad na walkout at boykot upang wakasan ang tiranikong paghahari ni Duterte. Bago nito, naglunsad ng iba’t ibang pagkilos ang mga estudyante sa kanilang mga kampus. Noong Pebrero 22, nagpiket ang mga estudyante sa PUP laban sa panukalang mandatory ROTC. Naglunsad naman ng pagkilos ang mga estudyante ng UP Tacloban para sa kanilang kagalingan at karapatan noong Pebrero 21.

Ayon sa Anakbayan, hindi maikubli ng Malacañang ang kanilang takot sa galit ng mamamayan. Banta ng mga mag-aaral, yayanigin ng kanilang papalaki pang protesta ang sistemang nagbubunga ng mga tuta, pasista at diktador tulad nina Marcos at Duterte.

Sa isang pahayag, nakiisa rin si Prop. Joma Sison sa kanilang protesta. Aniya, napapanahon ang paggunita sa FQS dahil hinaharap ngayon ng mga estudyanteng kabataan ang halimaw na pasistang diktadura ni Duterte. Dapat halawan ng aral ng mga mag-aaral ang FQS at mahalagang pakilusin nang milyun-milyon ang mga estudyante at iba pang sektor sa Maynila at iba pang lungsod sa Pilipinas sa pamamagitan ng martsa at protesta laban sa rehimeng Duterte.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. It is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20180307-walkoutph-humugos-sa-kalsada/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.