Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Mar 7): Panggigipit sa mga aktibista at magsasaka, nagpapatuloy
NAGPAPATULOY ANG PANGGIGIPIT ng rehimeng US-Duterte sa ligal na demokratikong kilusan ng mga magsasaka at iba pang sektor. Mula Pebrero hanggang Marso 5, umaabot sa 22 mga aktibista ang iligal na inaresto at idinetine ng AFP at PNP.
Inaresto noong Pebrero 22 ng mga nakasibilyang myembro ng PNP-CIDG-NCR si Marklen Maojo Maga, 39, 8:40 ng umaga sa harap ng kanilang bahay sa San Mateo, Rizal. Si Maga ay organisador ng Kilusang Mayo Uno. Hapon na nang malaman ng pamilya na nakakulong siya sa Camp Crame. Sinampahan siya ng gawa-gawang kasong pagpatay at illegal possession of firearms. Si Maga ay manugang ni Rafael Baylosis, ang konsultant ng NDFP na inaresto noong Enero 31.
Noong Marso 5, sinampahan ng kasong frustrated murder sina Rudy Bela, Henry Halawig, Robert Nievera at Steve Mendoza, mga paralegal ng OLALIA-KMU.
Noong Pebrero 27, pinigilan ng Bureau of Immigration na lumabas ng bansa ang mga aktibistang Lumad na sina Kerlan Fanagel at Lorna Mora. Nakatakdang dumalo ang dalawa sa Asia Preparatory Meeting na ipinatawag ng United Nations sa India upang ihapag doon ang mga usaping kinakaharap ng mga Lumad.
Atake sa mga magsasaka
Noong Marso 2, pinatay ng pinaniniwalaang mga militar ang lider ng grupong Ifugao Peasant Movement (IPM) na si Ricardo Mayumi. Si Mayumi ay mahigpit na tumututol sa pagtatayo ng proyektong mini-hydro dam ng Sta. Clara at Ayala’s Quadriver sa Tinoc, Ifugao. Bago nito, pinadalhan ng mga sundalo ng larawan ng gamong (kumot panglibing ng Ifugao) si Mayumi at siyam pang kasapi ng IPM. Ang larawang ito ay itinuturing na pagbabanta sa kanilang buhay.
Noong Marso 3, hinaras ng mga pulis ang mga magsasaka ng Lupang Ramos sa Cavite. Nagpupumilit pumasok ang mga elemento ng PNP-SAF ng Silang na pinangunahan ni Maj. Joseph Ulfinos sa kanilang mga sakahan para diumano’y magpatrulya. Nagdulot ng matinding takot ang naka-full battle gear na mga pulis. Kinunan pa ng mga ito ng litrato ang mga nakadikit na plakard na may mga panawagan sa gate ng mga sakahan. Dinidinig pa sa korte ang kaso ng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka.
Noon namang Pebrero 20, sinimulang palayasin ang mga magsasaka at kanilang pamilya sa Barangay San Mateo, Norzagaray, Bulacan. Nasa 32 magsasaka dito ay mga myembro ng Samahan ng mga Magbubukid sa Compra o SMC, lokal na tsapter ng KMP. Nasa 100 kabahayan ang nanganganib maalis sa kanilang kinatitirikan. Pinaburan ng Department of Agrarian Reform Adjudication Board o DARAB ang panig ng mang-aagaw ng lupang Royal Mollucan Realty Inc. kontra sa mga magsasaka. Pinangunahan ng PNP ng Norzagaray at Malolos sa ilalim ni PSupt. Gerardo Almario Andaya ang marahas na demolisyon.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. It is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20180307-panggigipit-sa-mga-aktibista-at-magsasaka-nagpapatuloy/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.