Monday, March 12, 2018

CPP/Ang Bayan: Nagiging desperado ang nag-aambisyong diktador

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Mar 7): Nagiging desperado ang nag-aambisyong diktador






Habang nagtatagal, mas tumitingkad ang mga kahinaan at unti-unting lumilitaw ang mga lamat sa rehimeng Duterte. Magdadalawang-taon na sa poder si Duterte, pero hindi pa niya nairatsada ang mga hakbangin para mapalawig ang kanyang poder at monopolyohin ang kapangyarihang pampulitika. Ito ay sa kabila ng nililikha niyang ingay sa walang tigil na pagngangawa, pagbabanta at pang-iipit, at sa kabila ng kanyang supermayoryang kontrol sa Kongreso pati na sa Korte Suprema.

Sa partikular, bigo si Duterte at kanyang mga alipures sa Kongreso na ipatawag ang isang Constituent Assembly noong Enero upang mabilisang ipatupad ang ìcha-chaî (charter change o pagbabago sa konstitusyon) at itulak ang isang pederal-presidensyal na anyo ng gubyerno.

Unang balak ni Duterte na tapusin ang ìcha-chaî ngayong 2018 upang unahan ang eleksyong 2019 at ipreserba ang supermayoryang kontrol ng mga alipures niya sa reaksyunaryong Kongreso. Planong mapanatili sa poder si Duterte sa diumano’y panahon ng transisyon na tatagal ng sampung taon. Subalit malakas na pagbatikos at pagtutol ang sumalubong sa pakanang ito na lantad na minamadali at binabraso ni Duterte at kanyang mga alipures. Kabilang sa mga mahigpit na tumutol ang ilang kapartido ni Duterte at mga kaalyado niya sa Senado.

 Alam ni Duterte na wala siyang tiyak na suporta mula sa Senado. Kahit pa inip na inip na siyang mapatalsik si Maria Lourdes Sereno bilang chief justice o hepe ng Korte Suprema, nag-atubili rin ang pangkating Duterte na mairatsada sa Kongreso ang kasong impeachment dahil sa pag-aalalang hindi ito kakatigan ng mayorya ng mga senador. Sa halip, itinulak na lamang ni Duterte ang mayorya ng mga mahistrado ng Korte Suprema na idiin si Sereno na magbitiw. Subalit di natinag si Sereno. Sa desperasyon ng MalacaÒang, si Sereno ay sinampahan noong Marso 5 ni Solicitor General Jose Calida ng kasong quo warranto, isang proseso para kwestyunin ang batayan ng awtoridad ng isang taong gumagamit ng pangalan ng isang tanggapang pampubliko.

Pero sa halip na mapalakas ang tulak ni Duterte na mapatalsik si Sereno, lalong naudyok ang malawak na pagkontra rito. Lalong dumami ang nagdepensa sa pusisyon ni Sereno dahil sa paninindigang tahasang iligal o taliwas sa konstitusyong 1987 ang prosesong quo warranto. Sa ganitong hakbangin ni Duterte, tumampok sa marami na mahina ang niluluto niyang kasong impeachment kontra sa punong mahistrado.

Habang papalapit naman ang eleksyong 2019, lumalalim ang mga hidwaan sa pagitan ng iba’t ibang paksyong bumubuo ng pangkating Duterte sa hangaring mas maagang makapusisyon. Nitong Pebrero, tumambad sa publiko ang girian sa pagitan ni Sara Duterte, mayor ng Davao City at ni Speaker Pantaleon Alvarez. Kinonsolida ni Sara Duterte ang mga pampulitikang dinastiya sa rehiyon ng Davao sa pamamagitan ng pagbubuo ng Hugpong ng Pagbabago kung saan pumailalim ang apat na gubernador sa Region 11, kabilang ang kamag-anak ng mga Floirendo na mahigpit na karibal ni Alvarez. Si Sara Duterte ay pinaniniwalaang naghahanda bilang tagapagmana ng trono ng kanyang ama, katulad ng minana niya ang pagiging mayor ng Davao City upang ituloy ang kanilang burukrata-kapitalistang paghahari.

Kasabay nito, lumalala ang sigalot sa pagitan ng iba’t ibang paksyon sa PDP-Laban, ang partidong nagdala kay Duterte sa pagtakbo noong eleksyong 2016. Ngayon pa lamang, matindi na ang maniobrahan at brasuhan sa pagitan ng mga reeleksyunistang kaalyado niya sa Senado at kanyang mga alipures sa gabinete na pinangakuan niya ng pwesto. Ginamit ni Alvarez ang pagrerekrut ng maraming bagong kasapi ng PDP-Laban upang magbuo ng bloke laban kay Sen. Aquilino Pimentel III at sa pambansang liderato ng PDP-Laban.

SI DUTERTE NA rin mismo ang nagbunyag kamakailan sa kanyang pasistang kaisipan nang sabihin niya na mahirap mamuno ìkung masyadong maraming karapatanî ang mamamayan. Bago nito, sinabi niyang kailangan ng diktadura para “may mangyari” sa bansa. Alinsunod pa rin ito sa dati na niyang hayagang pag-iidolo kay Marcos.

Bilang mga burukrata-kapitalista, nakatali sa paghawak sa estado poder ang pagpapanatili ng pampulitikang dinastiya ng mga Duterte. Kaya naman ganoon na lamang ang pag-aambisyon ni Duterte na monopolyohin ang kapangyarihang pampulitika. Ang lahat ay hinahanapan ng dumi at ginagamit ang mga iyon para mang-ipit at mamwersa. Ang mga pulitiko ay inaalyado at pinagsasabong. Gawi na ito ni Duterte noong meyor pa lamang siya sa Davao City.

Subalit hindi basta maibwelo ni Duterte ang mga taktika at planong ito sa MalacaÒang. Anuman ang kanyang paraan, ìcha-chaî man o tahasang deklarasyon ng batas militar, tiyak na sasalubungin siya ng malawak na pagtutol, laluna ng malakas na armado at di armadong paglaban ng sambayanang Pilipino.

Bagaman todo-todo ang ginagawa niyang pagkonsolida ng militar at pagkuha ng suporta ng US, alam din ni Duterte na may mga paksyon dito na tapat sa mga karibal niyang pangkatin na may kakayahan, kundi man kapangahasan, na maglunsad ng kontra-aksyong militar oras na gumawa si Duterte ng tahasang hakbangin sa pagtatag ng diktadura. Ang desisyon niya kamakailan na palawigin pa hanggang Abril ang termino ni Gen. Ronaldo dela Rosa bilang pinuno ng PNP ay nagpapakita na wala siyang ibang kaagad na mapagkatiwalaang upisyal na hihiranging pinuno ng mga pulis.

Dahil sa tumitindi ang mga kontradiskyon ng naghaharing sistema, lalong lumalaki ang posibilidad na anumang tangka ni Duterte na iluklok ang sarili bilang isang diktador ay magiging marahas at madugo.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. It is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20180307-nagiging-desperado-ang-nag-aambisyong-diktador/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.