Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Mar 7): Lakbayan ng mga magsasaka sa Northern Samar, inilunsad
Naglunsad ng lakbayan tungong Maynila ang mga magsasakang mula sa Northern Samar para ipanawagan sa rehimeng US-Duterte na ibigay na ang ayudang nararapat sa kanila at itigil ang militarisasyon sa kanilang mga lugar.
Kasabay ng mga kapwa magsasaka sa iba’t ibang prubinsya, kinundena nila ang pagmanipula ng rehimeng Duterte, sa pamamagitan ng kalihim nito sa Department of Agriculture na si Manuel PiÒol, sa suplay at presyo ng bigas para tumubo ng malaki sa kapinsalaan nilang maliliit na magsasaka. Samantala, tuluy-tuloy ang protesta ng mamamayan laban sa kontraktwalisasyon, charter change at iba pang pahirap na patakaran ng rehimen.
Noong Pebrero 22, inilunsad ng 50 myembro ng Northern Samar Small Farmers Association (NSSFA) ang kampanyang #StandWithSamar: Caravan for Rights and Justice. Isa sa pangunahin nilang panawagan ang paggiit na ipamahagi na ang pondo para sa kanilang agrikultural na pangangailangan. Dumiretso sila sa Mendiola sa unang araw nila sa pambansang kabisera, kasama ang iba’t ibang sektor na nakikiisa sa kanilang kampanya. Matapos nito, nagtayo sila ng kampuhan sa harap ng upisina ng Department of Agrarian Reform sa Quezon City.
Noong Marso 1, nagprotesta sila sa tanggapan ng Department of National Defense sa Camp Aguinaldo sa parehong syudad upang kundenahin ang pinatinding crackdown na istilong Tokhang at kontra-insurhensyang mga operasyon ng militar sa pamamagitan ng mga pekeng pagpapasuko at matinding militarisasyon sa Eastern Visayas. Noong Pebrero 26, nagprotesta sila sa harap ng pambansang upisina ng National Food Authority (NFA) upang hingin na pondohan ng ahensya ang produksyon ng bigas sa Region 8.
Mga protestang magsasaka
Noong Marso 6, nagpiket ang mga myembro ng Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura sa tubuhan ng Hacienda Raymunda na pag-aari ni Domingo Lacson. Giit ng mga mangagawang bukid na itaas nang higit sa P200 kada kinsenas ang kanilang sinasahod, at gawing nakasasapat upang sila ay mabuhay.
Magkakasunod na mga piket naman ang inilunsad ng mga magsasaka sa ilalim ng PIGLAS-Quezon sa harap ng barangay hall ng Camflora, San Andres, Quezon, sa harap ng bodega ng panginoong maylupa na si Dr. Vicente K. Uy, sa upisina ng Sangguniang Bayan at sa DAR-San Andres noong Marso 5. Ipinanawagan nilang iatras na ang gawa-gawang kasong qualified theft laban sa 48 magsasaka ng asyenda.
Sa Lucena City, pinangunahan ng KMP at CLAIM ang protesta sa harap ng UCPB upang hilingin na maibalik sa kanila ang pondo ng coco levy, panawagang mapababa ang upa sa lupa gayundin ang pagtigil sa panghaharas at pagsasampa ng gawa-gawang kaso sa mga magsasaka ng mga panginoong maylupa.
Sa Cagayan De Oro City, pumunta sa upisina ng NFA-Misamis Oriental ang mga myembro ng KMP-NMR at KADAMAY upang hilingin ang pagkakaroon ng kontrol sa presyo ng bigas, itigil ang importasyon at ibaba ang presyo ng bigas na NFA.
Samantala, noong Pebrero 28, nagprotesta ang mga myembro ng iba’t ibang grupo ng Lumad sa pangunguna ng Barug Katungod Mindanao sa harap ng Department of Justice para labanan ang pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso laban sa kanilang mga lider at kasamahang aktibista na sumasalungat sa anti-mamamayang mga patakaran ng gubyernong Duterte.
Laban kontra-kontraktwalisasyon
Noong Marso 2, kinalampag ng KMU-SMR ang panrehiyong upisina ng DOLE bilang paggunita sa ika-29 na anibersaryo ng Herrera Law. Kasama sa mga nagprotesta ang mga manggagawang kontraktwal ng Coca-Cola FEMSA Davao at Julu Feeds Inc. Binatikos ng grupo ang pagpapawalang-sala ng DOLE sa mga ahensya ng parehong kumpanya kaugnay sa patakaran nitong labor only contracting at pagkakait sa kanila ng katiyakan sa trabaho.
Sa parehong araw, nagpiket sa Quezon City ang Gabriela Women’s Party para kundenahin ang rehimeng Duterte sa kabiguan nitong wakasan ang kontraktwalisasyon. Nagkaroon din ng katulad na pagkilos sa Panay.
Samantala, lumalawak sa NCR at ibang probinsya ang kilusan kontra-pasismo. Noong Marso 6, naglunsad ng protesta ang iba’t ibang grupo na pinangunahan ng Coalition for Justice at ng Movement Against Tyranny sa harap ng kongreso upang suportahan ang laban ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Panawagan din ng grupo na ipagtanggol ang demokrasya laban sa diktadura at tiranikong rehimen ni Duterte.
Noon namang Marso 1, naglunsad ang Bagong Alyansang Makabayan at ang Movement Against Tyranny-Cebu ng Regional Consultative Hearing na nagtutulak na amyendahan ang 1987 na Konstitusyon.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. It is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20180307-lakbayan-ng-mga-magsasaka-sa-northern-samar-inilunsad/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.