Monday, March 12, 2018

CPP/Ang Bayan: Karahasan sa Negros

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Mar 7): Karahasan sa Negros

Patuloy ang pagdanak ng dugo ng mga magsasaka at manggagawang bukid sa mga tubuhan sa kamay ng malalaking asendero at kanilang mga armadong tauhan sa Negros. Mula lamang Enero 2017, hindi bababa sa 21 myembro ng National Federation of Sugar Workers (NFSW) ang biktima ng pampulitikang pamamaslang. Samantala, walang awat ang pang-aaresto at pagdedetine ng mga aktibista sa isla.

Pinakahuling kaso ng pamamaslang ang pagbaril-patay kay Ronald Manlanat, 30, myembro ng lokal na tsapter ng NFSW sa Hacienda Joefred, Barangay Luna, Sagay City, Negros Occidental noong Pebrero 22. Binaril ng M16 si Manlanat na sanhi ng pagsabog ng kanyang ulo. Dati nang nakakatanggap ang biktima ng mga pagbabanta sa kanyang buhay subalit hindi naging hadlang ang mga ito sa kanyang pag-oorganisa at pagtulong sa mga kapwa magsasaka sa mga kalapit na lugar.

Noong Pebrero 23, minasaker ang mga magsasaka na sina Jessebel Abayle, 34; Carmelina Amantillo, 57; Consolacion Cadevida, 66; at Felimon Molero, 66. Nakaligtas naman sa pamamaril si Lito de Jesus, 28. Ang mga biktima ay pawang nagmula sa Hacienda Don Gaspar Vicente sa Sityo Bondo, Barangay Napacao, Siaton, Negros Oriental. Tulad ni Manlanat, ang mga biktima ay mga benepisyaryo ng reaksyunaryong reporma sa lupa na pinipilit magpaupa o magbenta ng lupa ng malalaking asendero at kanilang mga kasapakat.

Noon namang Marso 3, iligal na inaresto ang kabataang sina Myles Albasin, 21; Carlo Ybanez, 18; Ajomar Indico, 29; Randel Hermino, 19; Bernard Guillen, 18; at Joel Baylosis, 18 sa Barangay Luyang, Mabinay, Negros Oriental. Pinalabas ng mga sundalo na nagkaroon ng engkwentro sa pagitan nila at ng mga kabataan na anila’y mga kasapi ng BHB. Pinagkaitan sila ng karapatang makita ng kanilang mga pamilya, kaibigan at abugado. Nakadetine ngayon ang anim sa Dumaguete Provincial Jail.

Ayon sa Kaugmaon-KMP, si Albasin at kanyang mga kasamahan ay naglulunsad ng panlipunang pananaliksik sa lugar na bahagi ng programa ng Negros Farmers Association. Pinasinungalingan din ng mga residente na nagkaroon ng labanan sa naturang lugar.

Inaresto naman ng mga elemento ng PNP noong Pebrero 26 at hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa inililitaw si Joneven Gario, 33, residente ng Barangay Quintinremo, Moises Padilla, Negros Occidental. Matapos arestuhin sa Poblacion, Mabinay, Negros Oriental ay dinala siya sa hedkwarters ng 62nd IB.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. It is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20180307-karahasan-sa-negros/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.