Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Mar 7): Nagbabadyang pagsiklab muli ng digmang Moro
Nagbabadyang muling sumiklab at kumalat ang digmang Moro sa Mindanao bunsod ng lubhang pagkaantala ng pagpasa ng reaksyunaryong Kongreso sa Bangsamoro Basic Law (BBL). Malakas ang sentimyentong ito sa hanay ng mamamayang Moro, maging sa mga tagasuporta ng BBL.
Matagal nang pinaaasa ng rehimeng Duterte ang mamamayang Moro na isasabatas ang BBL. Noong 2017, pinangako ni Duterte na maipatutupad ito sa Enero 2018. Pero ilang buwan na ang lumipas, wala pa rin siyang maibigay na kasiguruhan na maisasabatas ito. Ang huling palipad-hangin ng kanyang mga alipures sa mababang kapulungan ng kongreso ay maisasabatas ang BBL bago ang Marso 27 o bago magtapos ang kasalukuyang sesyon ng kamara, bagay na lubhang kaduda-dudang matutupad gayong ilang araw na lang ang natitira para sa mga pagdinig at debate.
Pinangangambahan ng mamamayang Moro na ang mga pagdinig sa BBL ay palaging umiinog sa konseptong “iisang bansa, iisang estado,” at kung umaayon ba ito sa mga probisyon ng konstitusyong 1987 o hindi. Bumabangga ito sa saligang karapatan sa pagpapasya-sa-sarili na iginigiit ng Bangsamoro. Dahil ito ang dala-dala ng “supermayorya” ni Duterte, di malayong maulit na naman ang sinapit sa borador na BBL sa ilalim ng rehimeng Benigno Aquino III: isang pinalabnaw na BBL.
Nitong Pebrero, dalawang beses na mariing nanawagan sa gubyernong Duterte si Murad Ebrahim, tagapangulo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), na kailangang maipasa na ang BBL. Aniya, sinasamantala ng mga grupong “separatist” ang matagal na pagkaantala sa pagpasa ng BBL para makapagrekrut sila ng mga bagong kapanalig sa “gerang jihad.” Nagpahiwatig ang lider ng MILF na dahil sa kabiguang maipasa ang BBL, ang pagsindi muli sa gerang “separatist” sa Mindanao ay hindi malayong mangyari. Aniya, malamang na maulit ang katulad na nangyari sa Marawi City at posibleng atakehin ng ilang grupo ang dalawang syudad sa ARMM.
Ganito rin ang sentimyentong ipinahayag ng mga kumander at mandirigma ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) ng MILF. Sa pahayagan ng MILF, isinaad ni Datu Riga ng Maguindanao, isang beterano ng Camp Abubakar War, na “sakaling bibiguin na naman kami ngayon ng Kongreso, kami ay handang bumalik sa larangan ng gera, ang labanan ang kaaway.” Sa Dulawan, bayan ng Datu Piang, Maguindanao, mariing ipinahayag ni Bapa Bedo, na “hindi nila matatanggap ang panibagong kabiguan…”
Labas sa MILF, iba’t ibang armadong grupong Moro ang nagsusulong ng armadong paglaban, kabilang ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF). Noong Oktubre 2017, nagpahayag rin sa publiko ang Meranaw Victims Movement (MVM), isang armadong grupo na humihingi ng katarungan sa ginawang gerang pagkubkob at pagwasak ng rehimeng Duterte sa Marawi.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. It is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20180307-nagbabadyang-pagsiklab-muli-ng-digmang-moro/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.