Thursday, July 27, 2023

CPP/Ang Bayan: Katutubong Mangyan, dinukot at tinortyur ng 4th IB

Ang Bayan Daily News & Analysis online propaganda article posted to the Philippine Revolution Web Central (PRWC), the website of the Communist Party of the Philippines (CPP) (Jul 25, 2023): Katutubong Mangyan, dinukot at tinortyur ng 4th IB (Mangyan native, abducted and tortured by the 4th IB)
 





July 25, 2023

Dinukot, tinortyur at iligal na ikinulong ng mga sundalo ng 4th IB ang katutubong Hanunuo-Mangyan na si Pedro Ambad sa Sityo Kilapnit, Barangay Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro noong Hulyo 13 sa kanyang bukid. Labis na pagdurusa ang naranasan ni Ambad na pinakawalan matapos ang 12 oras na pagpapahirap.

Sa ulat ng National Democratic Front (NDF)-Mindoro, piniringan, binusalan, at kinaladkad siya ng mga sundalo sa isang lugar bago binugbog. Sa tindi ng pambubugbog, nabali ang tadyang ni Ambad. Kasabay ng pagpapahirap, paulit-ulit siyang tinanong ng mga sundalo kung nasaan ang mga ipinatagong armas ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa kanilang lugar.

Matapos ang insidente ay hinadlangan mismo ng mga sundalo na maghabla sa barangay o makakuha ng serbisyong medikal ang biktima. Pinalabas pa ng mga sundalo na mga Pulang mandirigma ng BHB ang nambugbog sa biktima at hindi na dapat iulat pa sa lokal na pamahalaan.

Ang pananakit at pisikal na atake ng mga sundalo sa mga sibilyan ay tahasang paglapastangan sa mga internasyunal na makataong batas, mga batas ng digma at iba pang internasyunal na deklarasyon na nagbibigay ng proteksyon sa mga sibilyan at di-kombatant saan man may armadong sigalot.

Ilang araw matapos ang insidente, iligal na pinasok ang bahay at pinagtangkaang dukutin ng mga sundalo si Admiraw Ambad noong Hulyo 16. Dulot ng insidente, lumikas ang hindi bababa sa limang pamilya sa kanilang komunidad. Naapektuhan ng atake ang kabuhayan ng mga residente at maging ang pag-aaral ng mga bata.

Samantala noong Mayo 23, apat na katutubong Buhid mula sa Barangay Manoot, Rizal, Occidental Mindoro ang hinuli sa tsekpoynt, iligal na inaresto at sapilitang dinala sa kampo ng 68th IB. Habang nasa kampo, isinailalim ang mga katutubo sa iligal na interogasyon at toryur. Kinabukasan, isinama sila sa operasyon sa Barangay Manoot upang diumano ay hulihin ang mga “Pulang mandirigma ng BHB.” Sa naturang operasyon, nanghuli at nambugbog ang mga sundalo ng mga sibilyan.

Ayon sa NDF-Mindoro, “ipinakikita ng mga insidenteng ito ng karahasan at paglabag sa karapatang pantao ang desperasyon ng 203rd Bde at PNP MIMAROPA sa kanilang programa sa kontra-insurhensya na ang karaniwang biktima ay mga sibilyan.”

Sa tala ng Ang Bayan, hindi bababa sa 46 ang bilang ng mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa isla sa ilalim ng unang taon sa poder ng rehimeng Marcos Jr.

Ipinagbabawal sa ika-32 Artikulo ng Fourth Geneva Conventions ang anumang hakbang na magreresulta sa pagdurusang pisikal o pagpuksa sa mga taong nasa ilalim ng proteksyon nito. Anito “…hindi lamang ito aplikable sa pagpatay, tortyur, pananakit, mutilation (pagputol sa anumang bahagi ng katawan) …kundi maging sa iba pang pamamaraan ng brutalidad, gawa man ng ahenteng sibilyan o militar.”

Labag din ito sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na pinirmahan ng Gubyerno ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines.

https://philippinerevolution.nu/angbayan/katutubong-mangyan-dinukot-at-tinortyur-ng-4th-ib/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.