Friday, June 9, 2023

CPP/NPA-Masbate: Maharlika Investment Scam, sistematikong pakana sa korupsyon ng rehimeng US-Marcos II

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Jun 8, 2023): Maharlika Investment Scam, sistematikong pakana sa korupsyon ng rehimeng US-Marcos II (Maharlika Investment Scam, systematic corruption scheme of the US-Marcos II regime)
 


Luz del Mar
Spokesperson
NPA-Masbate (Jose Rapsing Command)
Bicol Regional Operational Command (Romulo Jallores Command)
New People's Army

June 08, 2023

Pinatinding krisis sa ekonomya at malawakang korupsyon ang ihahatid ng pagsasabatas ng Maharlika Investment Scam. Sa pamamagitan ng Maharlika, trilyun-trilyong halagang pinaghirapan ng taumbayan ang sistematikong kukurakutin ng gubyerno gamit ang mga dummy na kumpanyang pag-aari mismo ng mga kroni at matagal nang alagad ng rehimeng US-Marcos-Duterte.

Maituturing ang naturang pakana bilang pinakamalaking investment scam sa bansa at si Marcos Jr bilang pinakamalaking scammer. Sa pamamagitan ng Maharlika, kokontrolin ni Marcos Jr ang pondo ng taumbayan bilang isang malaking negosyo. Walang batas na makakahadlang saanman naisin ng rehimen na ilagak ang pondo.

Lalong ibabangkarote ng Maharlika ang ekonomyang nagdurusa sa mataas na pagkalugi sa kalakalan, gabundok na utang at magastos na pagwawaldas para sa militar at imprastruktura. Bilang dagdag puhunan, ibebenta ng gubyerno ang pag-aari sa pribado, kabilang ang mga lupaing pampublikong binubungkal ng magsasaka at mahahalagang serbisyo publiko.

Tuluyang mapagkakaitan ang magsasaka ng lupa at makabuluhang suportang agrikultural, ang manggagawa ng mataas na sahod at ang buong sambayanan ng makabuluhang serbisyong panlipunan at pagkakataong makaahon sa kronikong kahirapan at gutom.

Milyun-milyong Pilipino ang sadlak sa kagutuman at kahirapan. Napakababa ng sahod. Marami ang nawawalan ng trabaho sa kalunsuran at kanayunan. Tumitindi ang kawalan ng lupa. Lantarang isinasangkot ang Pilipinas sa nagbabadyang gera ng US at Tsina. Sa halip na tuwirang mamuhunan para kongkretong tugunan ang krisis, gagamitin ng rehimeng US-Marcos-Duterte ang Maharlika upang isagad ang pagpiga sa masang anakpawis at magkamal ng katakut-takot na dambong at kurakot.

Inuulit ni Marcos Jr. ang modus ng kanyang ama sa malalawakang pagnanakaw. Sa ilalim ng diktadura ni Marcos Sr., malawakang hinuthot ang yaman ng bayan at ipinuslit sa mga kumpanyang pag-aari ng kanyang mga kroni. Karamihan sa mga malalaking burgesya kumprador sa kasalukuyan ay nakinabang sa nakaw na yaman ng diktadura.

Wastong manindigan ang mamamayang Masbatenyo laban sa Maharlika Investment Scam sampu ng iba pang neoliberal na pakana ng rehimeng Marcos-Duterte na naglalayong tuluyang ihapag ang kinabukasan ng bansa sa dayuhan at lokal na pandarambong.

Salungat sa ekonomyang kontrolado ng dayuhan at naglilingkod para sa programa ng demokratikong rebolusyong bayang pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas ang pagtatayo ng isang ekonomyang umaasa sa sarili at malaya sa imperyalismo at pyudalismo. Itatayo ng rebolusyonaryong kilusan ang isang tunay na demokratikong gubyernong magpapatupad ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Ang gubyernong ito ay hindi papatakbuhin bilang isang negosyo tulad ng kasalukuyang rehimeng Marcos-Duterte, kundi bilang isang gubyermong tunay na nagtitiyak sa makatarungan at masaganang kabuhayan ng mamamayan sa pamamagitan ng sosyalistang konstruksyon.#

https://philippinerevolution.nu/statements/maharlika-investment-scam-sistematikong-pakana-sa-korupsyon-ng-rehimeng-us-marcos-ii/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.