Friday, June 9, 2023

CPP/Ang Bayan: Pananalasa ng AFP: 25 biktima sa 2 linggo

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Jun 7, 2023): Pananalasa ng AFP: 25 biktima sa 2 linggo (AFP raid: 25 victims in 2 weeks)
 

Ang artikulong ito ay may salin sa Bisaya




June 07, 2023

Sampu ang pinatay, 13 ang iligal na inaresto at dalawa ang dinukot sa loob lamang ng dalawang linggong pananalasa ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Siyam sa pinatay ay magsasaka at isa ay sugatang Pulang mandirigma.

Sa Camarines Norte, ginapos at tinortyur bago pinatay ng 9th IB si Romeo Agua, 42, na residente ng Barangay San Jose, Panganiban noong Mayo 15. Si Agua ang ika-16 na biktima ng pamamaslang sa Bicol mula nang maupo sa pwesto si Ferdinand Marcos Jr.

Sa Negros Oriental, nilusob at inistraping ng 16th Scout Ranger Company ang bahay ng pamilyang Babor sa Amumuyong, Barangay Trinidad, Guihulngan City noong Mayo 20. Nasugatan dito si Antonio Babor, 77, at anak niyang si Jurielen Babor, 27. Imbes na gamutin o isugod sa ospital, tuluyan silang pinatay ng mga sundalo.

Noong araw ding iyon, nilusob at pinaulanan ng bala ng 62nd IB ang bahay ng pamilyang Ramirez sa Sityo Napiluan, Barangay Quintin Remo, Moises Padilla sa Negros Occidental. Nasugatan sa insidente ang Pulang mandirigma na si Alvin Bayno (Ka Dagger). Imbes na lapatan ng paunang lunas, sadya siyang pinatay ng mga sundalo. Kasabay nito pinatay ang mga sibilyang sina Evelyn Meren, Julieven Ramirez—mag-asawang may-ari ng bahay—at kanilang kababaryong si Ruben Obidas.

Isa pang sibilyan ang pinatay ng 15th IB noong Mayo 21 sa Sityo Bajay, Barangay Caliling, Cauayan. Papunta ang magsasakang si Gusting Mapos sa kanyang sakahan nang nasalubong at barilin siya ng mga sundalo bandang alas-3:30 ng hapon.

Ilang araw matapos nito, dinakip ng 15th IB si Jonel Bayno, 27, at residente ng Barangay Manlucahoc, Sipalay City. Nakita na lamang ang kanyang bangkay sa Crossing Tanduay, Barangay Camindangan noong Mayo 25. Dinakip din ng militar si Rogelio Lacton, residente ng Barangay Camindangan. Natagpuang patay sa Sityo Sadlum sa naturang barangay noong Mayo 27.

Simula pa Abril 23 inilunsad ng 15th IB ang nakapokus na operaysong militar sa Cauayan at Sipalay City. Sinasaklaw ng mga operasyon ang hindi bababa sa 46 sityo sa pitong barangay sa bayan ng Cauayan, habang hinahalihaw nito ang pitong sityo sa Barangay Camindangan, Sipalay City.

Pag-aresto. Sinalakay ng pinagsanib na pwersa ng mga pulis ang bahay ni Adolfo Salas Sr sa Purok 5, Barangay Tubod, Candijay, Bohol noong Mayo 25. Hinalughog ang kanyang bahay sa bisa ng isang search warrant at pinalabas na nakuhaan ng pistolang kalibre .45 at isang kalibre .38, maraming bala at isang granada. Kasaping tagapagtatag si Salas ng pamprubinsyang balangay ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na Hugpong sa mga Mag-uumang Bol-anon (HUMABOL-KMP).

Noong Mayo 14, iligal na dinakip ng 11th IB ang bagong-panganak na si Miralyn Fortunado at asawa niyang si Rani Casilao sa Barangay Talalak, Santa Catalina, Negros Oriental. Dinala sila sa hedkwarters ng 11th IB sa Barangay Salag, Siaton. Doon, pinilit si Casilao na “makipagtulungan” at magsilbing giya sa operasyong kombat ng militar.

Detensyon. Sampung residente, kabilang ang mga bata at matatanda, ng Sityo Undol, Barangay Talalak, Santa Catalina, Negros Oriental ang iligal na idinetine noong Mayo 17. Pinagbawalan silang lumabas, magtrabaho sa kanilang sakahan at mag-asikaso ng kanilang mga hayop. Bago nito, nagpaulan ng bala ang mga sundalo sa lugar. Ibinunton ng mga sundalo ang kanilang galit sa mga sibilyan matapos ang pagkamatay ng dalawang sundalo noong Mayo 16 sa isang misengkwentro sa pagitan nila at mga pulis sa naturang barangay.

Pagdukot. Dinukot ng mga elemento ng 501st IBde ng AFP sina Cedrick Casaño at Patricia Nicole Cierva, mga organisador ng magsasaka at kabataan, sa Barangay Cabiraoan, Gonzaga, Cagayan noon Mayo 18. Matapos ang mahigit kalahating buwan ng sikretong detensyon at sikolohikal na tortyur, ipinresenta silang mga “sumurender na mandirigma” noong Hunyo 2 sa Barangay Bangag, Lal-lo.

Si Cierva ay dating lider-estudyante sa University of the Philippines-Manila at dating upisyal ng mga konseho ng mag-aaral sa buong UP system. Si Casano ay dating estudyante ng Polytechnic University of the Philippines.

[Ang Bayan ("The People") is the official publication of the Communist Party of the Philippines, guided by Marxism-Leninism-Maoism. It is published by the Central Committee. AB comes out fortnightly every 7th and 21st of each month. The original Pilipino edition is translated into English, Bisaya, Waray, Hiligaynon and Iloco.]

https://philippinerevolution.nu/2023/06/07/pananalasa-ng-afp-25-biktima-sa-2-linggo/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.