Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 30, 2021): Kundenahin ang malawakang operasyong militar sa kabundukan ng San Juan at Rosario
NPA-Batangas (Eduardo Dagli Command)Southern Tagalog Regional Operational Command (Melito Glor Command)
New People's Army
October 30, 2021
Duterte at AFP, PNP: Protektor ng mayayaman, hindi ng mamamayan!
Mariing kinukundena ng Eduardo Dagli Command New People’s Army (NPA) – Batangas ang malakihang operasyong militar na isinagawa ng mga elemento ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa kabundukan ng San Juan at Rosario mula noong Oktubre 11 at tumagal nang halos dalawang linggo. Hanggang sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang presensya ng mga militar sa kabundukan ng San Juan na ang pangunahing layunin ay protektahan ang isinasagawa ngayong anti-mamamayang debelopment sa kabundukan ng naturang bayan. Kasabay ng pagpasok ng hindi bababa sa 125 o isang kumpanyang kasundaluhan sa Sitio Guang, Brgy. Sapangan noong Oktubre 11, pumasok din ang buldoser na bumubutas ngayon sa kabundukan ng San Juan upang ituloy ang proyektong kalsada na naglalayong pabilisin ang paglabas-masok ng mga debeloper na nangangamkam ng lupa para sa iba’t ibang negosyo at proyektong kanilang itatayo.
Ginalugad at sinuyod ng pasistang militar ang magkakanugnog na kabundukan ng San Juan mula sa mga sityo ng Guang, Talim, Matanag, Pinagkawaran, Sampirong Bata ng Sapangan, mga karatig barangay ng Sampiro at Quipot sa saklaw ng San Juan at mga barangay ng Malinao, Calantas at Nasi sa karatig bayan ng Rosario. Matapos suyurin ang mga kagubatan, lumutang din makalipas ang ilang araw ang tunay na motibo sa nagaganap na operasyong militar – ang pag-guwardiya sa ginagawang pagbuldoser sa kabundukan upang bigyang daan ang debelopment ng mga Salud-de Villa sa mga lupang kinamkam nila mula sa mga magsasaka ng San Juan.
Labis na pangamba ang idinulot sa mga tao ng nagaganap na mga operasyong militar sa mga bayan ng San Juan at Rosario. Bago pa ito, labis nang ligalig ang idinudulot sa mga mamamayan ng malawakang banta ng pagkawala ng kanilang lupang sakahan at panirahan dahil sa malaganap na maanomalyang bentahan ng lupa sa mga kabundukan ng San Juan at Rosario sa pangunguna ng mga angkang Salud, de Villa, Macatangay, Villapando, Babao at Medina. Ang mga lupang gubyernong hinawan at pinagyaman ng mga magsasaka mula pa sa kanilang mga ninuno ay walang kaabug-abog na inangkin at pinagharian ng mga pamilyang ito sa mahabang panahon. Nilinlang at dinahas ang mga magsasaka upang sapilitang kilalanin sila bilang mga panginoong maylupa, hanggang sa kalaunan ay muling igisa sila sa kanilang sariling mantika nang ipasok naman ang mga lupang binubungkal ng magsasaka sa bogus na repormang agraryo ng gubyerno sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Pinaasa ang mga magsasaka na magiging kanila na ang lupang kanilang binubungkal sa pamamagitan ng pag-iisyu ng mga CLOA (Certificate of Lot Ownership Award), subalit hindi naman ipinaliwanag sa kanila ang mga probisyon at prosesong dapat nilang matugunan sa ilalim ng iskemang ito.
Bandang huli, walang kahihiyang muling inaangkin at inaagaw ng mga panginoong maylupa ang lupang binubungkal ng mga magsasaka. Tulad sa bayan ng San Juan kung saan ang mga lupang ibinebenta ngayon ng mga Salud at de Villa ay pawang mga naka-CLOA na kung tutuusin, sa batas mismo ng reaksyunaryong gubyerno, ay naipamahagi na sa mga magsasaka at wala na ni anumang karapatan pa ang mga Salud at de Villa. Subalit dahil sa kasalatan ng kaalaman, pinaikot ikot lamang ng mga Salud at de Villa ang mga magsasaka sa kanilang palad at sa pamamagitan ng pagbabanta, pananakot at panlilinlang ay nagawang maibenta ang mga lupang binubungkal ng magsasaka sa mga interesadong debeloper na ngayon ay nagkukumahog na idebelop na ang kabundukan ng San Juan para sa kanilang sariling interes. Katuwang ang mga upisyal ng barangay na nagsisilbing mga ahente sa maanomalyang bentahan ng lupa at ilang mga lokal na barako, daan-daang magsasaka na sa mga kabundukan ng San Juan at Rosario ang sapilitang binayaran ng gamumong halaga katumbas ng ekta-ektarya nilang lupang binubungkal. Nawalang saysay maging ang daan-daang punongkahoy at libu-libong halaga ng kanilang mga tanim at halaman na lansakang sinisira at sinasalanta ngayon ng mga nangangamkam ng lupa.
Higit na kahiya-hiya at kasuklam-suklam ang garapalang paglalantad ng AFP at PNP sa kanilang mga sarili bilang protektor ng mga de Villa, Salud at iba pang panginoong maylupa. Para itong mga asong nakatanghod bilang bantay ng buldoser at nagtatago sa mga gubat-gubat upang mag-amoy ng mga posibleng maging banta ng pagtutol at paglaban sa isinasagawa nilang pagbubutas ng kabundukan. Hindi bababa sa Php1 milyong pondo ng bayan ang tiyak na muling winaldas ng AFP sa kanilang operasyong ito. Muling isinasangkalan ang hibang na kontra-insurhensyang kampanya ng rehimeng US-Duterte upang bigyang katwiran ang kanilang operasyong militar; ngunit sa totoo, nais nilang durugin ang NPA sapagkat ito ang tanging kakampi ng mga mamamayan at nais nilang maghasik ng takot at sindak sa mamamayan upang pigilan ang anumang paglaban sa malaganap na pangangamkam ng lupa at pagwasak ng kabundukan para lamang sa ganid na interes ng iilan.
Bago pa ito, hindi na halos agwatan ng malalaking operasyong militar ang kabundukan ng San Juan at Rosario. Habang naghahasik ng takot sa mga tao upang pigilan silang gumala sa gubat para sa kanilang kabuhayan, sinasamantala ito ng mga kasundaluhan at naghaharing uri upang isagawa ang mga pataksil na eksplorasyon at pananaliksik sa kabundukan ng San Juan at Rosario para sa mga anti-mamamayang proyektong nais nilang ipatupad dito tulad ng napipintong geothermal project na sasaklaw sa humigit kumulang 26, 730 ektarya ng kabundukan ng San Juan, Rosario at Taysan at nasa 12 barangay ng San Juan ang tiyak na maaapektuhan. Kasabay ng mga nagaganap na operasyong militar ang pagpapalipad ng mga drone sa kabundukan na isa sa mga teknolohiyang ginagamit ngayon para pabilisin ang pagsusukat ng lupa at eksplorasyon sa mga proyektong tulad ng geothermal. Sa bansang Canada, naisagawa noong 2019 ang isang drone-based geothermal exploration sa humigit kumulang 2,200 ektaryang target lunsaran ng ganitong proyekto. Hindi kataka-taka na ang mga nagaganap na mga pagpapalipad ng drone at mga kaalinsabay na operasyong militar nito ay nakatuon pangunahin sa layuning pag-aralan ang kabundukan ng San Juan, Rosario at Taysan para sa anti-mamamayang proyektong kanilang ilulunsad. Ang bansang Canada ang isa sa pangunahing pinagmumulan ng teknolohiya at mga ekspertong nangunguna sa pagsasakatuparan ng mga geothermal project sa Pilipinas.
Bukod sa proyektong geothermal, nakaamba rin sa kabundukan ng buong Silangang Batangas ang iba’t iba pang anti-mamamayang proyekto na magpapalayas at pipinsala sa mga magsasaka, tulad ng napapabalitang resort na ipapatayo ng mga de Villa, solar plant, pribadong farm ni Bong Go at ang 25-building na poultry ng SMC sa Malinao-Calantas.
Dapat na maging mapagmatyag at matapang na manindigan ang mamamayan ng San Juan, Rosario at Taysan sa ganitong pakana ng rehimeng US-Duterte, AFP-PNP at mga panginoong maylupa tulad ng de Villa, Salud, Macatangay, Villapando, Babao at Medina sa kanilang imbing layunin na malawakang kamkamin ang lupa mula sa mga magsasaka para sa kanilang ganid na interes. Dapat aktibong labanan at biguin ng nagkakaisang lakas ng mga magsasaka ang malawakang pangangamkam ng lupa at pagyurak sa kanilang demokratikong mga karapatan. Dapat buuin ang malawak at iba’t ibang porma ng pagkakaisa ng mga magsasaka upang tutulan ang anumang hakbang ng pang-aagaw sa kanilang lupang binubungkal. Dapat sama-samang tutulan ang mga maanomalyang pagsusukat at pagbebenta ng mga lupang sumasaklaw sa kanilang mga lupang binubungkal at salubungin ng militanteng pagharap ang pagdagsa ng mga ahente at tauhan ng panginoong maylupa sa kani-kanilang mga pamayanan.
Sa pakikipagkaisa ng malawak na hanay ng mamamayan, laging nakahanda ang New People’s Army (NPA) na itaguyod ang kapakanan at interes ng lahat ng inaaping uri sa ilalim ng ganitong mga pakana ng estado. Sa balangkas ng demokratikong rebolusyong bayan na isinusulong ng NPA, itinataguyod nito ang karapatan ng magsasaka at mamamayan para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Subalit, sa ilalim ng kasalukuyang sistema, asahan ng mamamayan na gagamitin ng estado at naghaharing uri ang iba’t ibang pakana upang yurakan ang karapatan ng mamamayan alang-alang sa pagsasakatuparan ng kanilang mga ganid na interes. Kung kaya’t sa huli, tanging sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka at militanteng pagkilos at paglaban ng mamamayan magagapi ang mga ganid na naghaharing uri na pumipinsala sa ating buhay at karapatan.
Kailangang pag-ibayuhin at palawakin ang suporta at paglahok ng buong mamamayan ng Batangas sa armadong pakikibaka at pagsusulong ng matagalang digmang bayan, hanggang sa ganap na maipundar at maitatag ang demokratikong kapangyarihan at lakas ng mamamayan sa kanayunan at kalunsuran. Ganap lamang na mabibigo ang ganitong mga pakana ng naghaharing uri kung tuloy-tuloy at ibayong paiigtingin ng mamamayang BatangueƱo ang rebolusyonaryong paglaban. Sa ganito, nananawagan ang Eduardo Dagli Command NPA Batangas sa pinakamaraming mabubuting anak ng bayan na mapagpasyang sumampa at sumapi sa NPA at ipagtanggol ang ating lupa at karapatan laban sa uring nagsasamantala at sa nahihibang na rehimeng US-Duterte!
Biguin at ibagsak ang pasistang rehimeng US-Duterte!
Pagbayarin ang berdugong AFP-PNP sa mga krimen nito sa mamamayan!
Isulong ang matagalang digmang bayan: Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
Kundenahin ang malawakang operasyong militar sa kabundukan ng San Juan at Rosario
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.