Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 31, 2021): Ang kasiguraduhan ng pagkabigo ng AFP
Rosa GuidonSpokesperson
NDF-Ilocos
National Democratic Front of the Philippines
October 31, 2021
Ang rebolusyonaryong kilusan ng mamamayan ng Ilocos ay taos-pusong nakikiramay sa mga naulilang kapamilya, kasama at kaibigan nina Ka Corel at Ka Simon, dalawang Pulang mandirigma na pinaslang ng pasistang 69th IB Philippine Army at mga lokal nayunit ng PNP sa Gueday, Besao, Mt. Province kahapon. Habang tayo ay taimtim na tumatangis sa kanilang pagpanaw, ibininibigay natin ang katas-taasang pagpupugay sa kanilang pag-aalay ng buhay sa pakikibaka para sa paglaya ng masang Pilipino mula sa gapos ng pyudalismo, burukrata kapitalismo at imperyalismo. Namatay silang lumalaban, hindi nagsuko ng kanilang adhikain at hindi nagtraydor sa mamamayan. Ang kanilang pagmamartir ang kaibuturan ng tapat na pagsisilbi sa bayan, hindi ng pagbaybay sa oportunistang landas na nais ng AFP na kanilang tahakin, sa pagbanggit na ang kanilang pagkasawi ay hindi sana nangyari kung sila ay sumuko sa pasistang kaaway, sa halip na lumaban.
Muli, ang AFP ay lumuluhang parang buwaya sa pagpapahayag ng kanilang pakikiramay sa pagkamatay ng dalawang kasama, habang kinukundena ang diumano’y “nagpapatuloy na pang-aabuso at pangingikil ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).” Tanging ang sibilyang mamamayan ang makapagsasabi ng katotohanan: ANG BHB AY HINDI KAILANMAN NANG-AABUSO AT NANGINGIKIL, KUNDI ANG AFP ANG MAY GAWA NITO. Ang mga Pulang mandirigma ng BHB ay ang parehas naming mamamayan na nag-armas upang maglunsad ng makatwirang armadong rebolusyon bilang ultimong kaparaanan sa pagtatamo ng tunay na repormang agraryo, pambansang industriyalisasyon at soberanya mula sa imperyalismo na magpapalaya sa amin mula sa paghihikahos.
Kaming mayorya ng maralitang masa, na tinutukoy ng AFP na inaabuso at kinikikilan ng BHB ay ang mamamayan na nagtalaga sa kanila sa larangan ng digmaan upang kami ay ipagtanggol mula sa pagsasamantala ng mga panginoong maylupa, komersyante-usurero, burgesya kumprador at malalaking kumpanya ng mina at enerhiya. Kami ang mamamayan na nagtayo sa BHB bilang aming hukbo na maghahatid ng hustisya sa mga karahasan at talamak na pang-aabuso sa amin ng pasistang militar at pulisya. At kami ang parehas na mamamayang nagbibigay ng boluntaryong suporta sa BHB, kung kaya’t hindi nila kailangang abusuhin at kikilan kami.
Ang propaganda ni Brigadier General Krishnamurti Mortela, kumander ng 702nd Infantry Brigade sa pagkukundena sa “pangingikil at pang-aabuso ng BHB” ay hungkag sa batayan, lohika at katotohanan. Umiigkas ito sa kanyang mukha, dahil ang nagdudumilat na katotohanan ay ang AFP ang nang-aabuso at nangingikil sa mamamayan. Ang AFP at ang kaniyang among rehimeng US-Duterte ang naghahakot ng bilyon-bilyong pondo mula sa buwis ng mamamayan at nilulustay lamang ang mga ito sa paghahasik ng teror at ligalig sa mga komunidad sa mga walang-katapusang operasyong kombat, paggamit ng mga di-kinakailangan at mamahaling armamento, mga bomba, drone, gayundin sa mga mapanlinlang at balot sa korapsyon na community service and development program at kampanya ng pagpapasurender ng ELCAC at ECLIP. Ang mga labis-labis na paggagastos ng AFP ay sumasaid sa pondo ng estado na piniga sa pawis ng mamamayan. Ang AFP ay masyadong sunod sa layaw kay Duterte na kanilang hepeng kumander, sa patuloy na pagtataas ng kanilang sahod, alawans, combat pay at iba pang benepisyo. Ito ay habang ang mga health frontliner na buwis-buhay na nakikihamok sa pandemya, ang mga pesante at manggagawa na naghihingalo sa krisis ay lantarang pinagkakaitan ng makatwirang sahod at ayuda.
Samantalang kahit isang buhay na nawala sa Pulang Hukbo ay milyong kawalan sa amin, at kahit isang kamatayan ay kasing bigat ng kabundukan ng Cordillera, hindi kami nasisindak sa pakitang-gilas na saywar ni General Mortela na “ang pagkasawi ng dalawang mandirigma ng KLG-AMPIS ay malaking dagok sa teroristang organisasyon.” Si General Mortela, na palagiang balediktoryan mula sa kaniyang elementaryang paaralan hanggang sa PMA, ay nadaig ng katotohanang ang kalakhang mayorya ng mga Pilipino, na binubuo ng mga pinagsasamantalahang pesante, manggagawa at iba pang inaaping mamamayan ay ang di nasasaid na balon ng Pulang Hukbo, at ang digmang bayan ay dadaluyong at pangingibabawan ang mga taktikal na pagkagapi kagaya ng pagkasawi nina Ka Corel at Ka Simon, hanggang matamo ang istratehikong tagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyon at ang sosyalistang rebolusyon.
Dahil dito, hindi nakikita’t nasasapul ni General Mortela ang obhetibo at makatotohanang lohika na ang BHB ay wagas na nagsisilbi sa mamamayan at ang AFP ay wagas na nang-aapi sa mamamayan, na ang BHB ay pinakamamahal ng mamamayan habang ang AFP ay kinamumuhian ng mamamayan. Ang lohikang ito ang maghahatid sa hindi maiwasan, sigurado at istratehikong kabiguan ng AFP.
MABUHAY ANG BAGONG HUKBONG BAYAN!
ITULOY ANG LABAN MGA KASAMA!
https://cpp.ph/statements/ang-kasiguraduhan-ng-pagkabigo-ng-afp/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.