Monday, March 22, 2021

Tagalog News: Teroristang CPP-NPA itinakwil sa bayan ng Baggao; 13 na mga sumuko

From the Philippine Information Agency (Mar 22, 2021): Tagalog News: Teroristang CPP-NPA itinakwil sa bayan ng Baggao; 13 na mga sumuko (By 5th Infantry Division)

Featured Image
GAMU, Isabela, Marso 22 (PIA)- Naliwanagan sa tunay na mukha ng mapanlinlang at mapang-abusong teroristang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ang 13 na mga miyembro nito dahilan ng kanilang pagtakwil sa rebeldeng kilusan at pagsuko sa pamahalaan noong ika-18 ng Marso taong kasalukuyan sa bayan ng Baggao, Cagayan.

Ayon sa mga nagbalik-loob sa pamahalaan, sila ay nalinlang sa mga matatamis na salita ng teroristang CPP-NPA. Ayon sa kanila, ipinangako ng mga rebeldeng CPP-NPA ang pag-angat ng kanilang pamumuhay ngunit taliwas ito sa kanilang naranasan.

Sinabi ng mga dating regular na miyembro ng teroristang CPP-NPA na puro paghihirap at gutom sa loob ng kilusan ang kanilang naranasan. Sobra-sobra rin umano ang kanilang pagod dahil sa kanilang paglilipat-lipat ng lugar upang makapagtago sa kasundaluhan.

Sa pagbabahagi naman ng mga sumukong Milisyang Bayan, mas lalo lamang silang nahirapan sa pagdiskarte sa kanilang pamumuhay dahil naging pabigat lamang sa kanila ang mga rebeldeng CPP-NPA.

Sa pamamagitan ng Community Support Program (CSP) ng 77th Infantry Battalion at sa pakikipagtulungan ng iba’t-ibang mga ahensya ng pamahalaan sa bayan ng Baggao, limang mga mandirigma at walong mga miyembro ng Milisyang Bayan ng Komiteng Probinsya Cagayan, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley ang nagbalik-loob sa gobyerno. Isinuko rin nila ang isang M11 9mm Ingram na baril.

Malaki ang kanilang naging pasasalamat sa pagpasok ng CSP sa kanilang lugar dahil namulat sila sa mga programa at serbisyo ng gobyerno na mas makakatulong sa kanilang pamumuhay.

Sa ipinaabot na mensahe ni Col Steve D Crespillo Inf (GSC) PA, Brigade commander ng 501st Infantry Brigade, kanyang binigyang diin ang mga mapanlinlang na stratehiya ng mga rebeldeng CPP-NPA upang makapagrekrut.

"Alam natin na napakagaling ng propaganda at panlilinlang ng mga komunistang terorista, pero hindi nila maitatago sa kahit anong tamis na salita ang katotohanan na ang buhay ng mga tao sa lugar na kanilang kinikilusan ay lalong lumalala taliwas sa kanilang pangako na pagbabago. Ito ay direktang nararamdaman at nararanasan ng ating mga kababayan sa higit na 52 na taon na pakikipaglaban ng mga terorista CPP-NPA sa gobyerno na lalong nagpapahirap sa mga tao sa kanayunan samantalang maginhawa ang buhay ng mga namumuno na nakatira sa syudad at ibang bansa,” ani Crespillo.

Ikinagalak naman ni MGen Laurence E Mina PA, commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang kanilang ginawang pagbabalik-loob sa pamahalaan ng 13 dating kaspi ng rebeldeng kilusan.

“Napapanahon na upang tayo’y magkaisa at sama-samang isulong ang makatotohanang kapayapaan sa ating lugar. Hindi sagot ang pag-anib sa teroristang grupo upang makaahon sa kahirapan, bagkus ang disiplina, pagsisikap at positibong pananaw sa buhay,” sinabi pa ni Mina.

Samantala, limang mga dating miyembro ng Komprob Cagayan na tumakas sa kanilang grupo ang kusang sumuko sa gobyerno sa probinsya ng Kalinga sa pagtutulungan ng 77th, 17th, at 50th Infantry Battalion. (MDCT/PIA-2)

https://pia.gov.ph/news/articles/1070200

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.