Monday, March 22, 2021

Tagalog News: Mga katutubong agta nagpatulong sa CHR, NCIP at 17IB laban sa pang-aabuso ng NPA

From the Philippine Information Agency (Mar 22, 2021): Tagalog News: Mga katutubong agta nagpatulong sa CHR, NCIP at 17IB laban sa pang-aabuso ng NPA (By 17th Infantry Battalion)

Featured Image

LAL-LO, Cagayan, Marso 22 (PIA) – Humingi ng tulong sa pamahalaan ang mga katutubong agta mula sa Barangay Calassitan, Sto. NiƱo, Cagayan laban sa pang-aabuso ng mga teroristang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

Sa isinagawang dayalogo at konsultasyon sa Barangay Alannay, Lasam, Cagayan, sa tulong ng Commission on Human Rights (CHR), National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at ng 17th Infantry Battalion, naglabas ng kanilang hinanaing ang mga katutubong agta mula sa sa nasabing barangay dahil sa paglabag ng mga rebeldeng CPP-NPA sa kanilang mga karapatang pantao.

Sa ibinahaging impormasyon ng mga katutubong agta, bukod sa sapilitan silang inaarmasan ng teroristang CPP-NPA upang mapilitang sumampa sa rebeldeng kilusan, pwersahan ding kinuha ng mga rebelde ang mga kabataang agta sa kanilang lugar.

Sa kanilang pagbabahagi, sa kasalukuyan ay walong katao ang nananatiling nawawala matapos na sapilitang pinasampa ng mga rebelde sa kanilang kilusan kung saan apat dito ay pawang mga menor de edad.

Patunay dito ang pagbabalik ni Alyas James na isang katutubong agta mula sa Barangay Calassitan. Kung maaalala sa kanyang pagkukwento, tinanggihan niya ng paulit-ulit ang panghihikayat ng mga rebeldeng CPP-NPA na sumampa siya sa rebeldeng kilusan ngunit sapilitan pa rin siyang kinuha ng mga ito.

Ikinaalarma ni Josephine C. Patagguan ng NCIP Cagayan ang ulat na patuloy pa rin ang mga rebeldeng CPP-NPA sa paggamit sa mga katutubong agta.

Malaki ang naging pasasalamat ni Patagguan sa hanay ng 17IB at ng CHR sa tulong na ipinagkaloob para sa mga katutubong agta.

Sinabi ng kinatawan ng CHR na agad nilang aaksyunan ang idinulog na suliranin sa kanila ng mga katutubong agta. Ayon sa kanial, pinahahalagahan ng kanilang tanggapan ang karapatang pantao ng bawat isa at pananagutin ang mga lumalabag sa karapatang pantao ninuman.

Hindi rin umano papalampasin ng CHR ang mga ginagawang pang-aabuso ng mga NPA sa karapatang pantao lalo na ng ating mga katutubo. Ayon sa kinatawan ng CHR, ang paggamit sa mga kabataan upang maging panangga sa mga engkwentro at magamit sila sa mga krimen ay maliwanag na hindi lamang paglabag sa ating batas kundi paglabag din sa kanilang karapatan.

Samantala, sinabi naman ni Lt. Col Angelo C. Saguiguit, commanding officer ng 17IB na kaisa ang kasundaluhan sa pagprotekta sa karapatang pantao ng bawat isa.

"Magbalik-loob na sila sa pamahalaan na bukas ang pinto para sa inyong pagbabagong buhay. Wala ng mapupuntahan at matataguan pa ang mga rebeldeng CPP-NPA dahil mismong ang residente na ang nakikipagtulungan sa pwersa ng pamahalaan upang masugpo ang insurhenisya sa kani-kanilang mga lugar," ani Saguiguit. (MDCT/PIA-2)

https://pia.gov.ph/news/articles/1070202

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.