From the Philippine Information Agency (Mar 22, 2021): Tagalog News: Dalawang kabataang mandirigma ng teroristang CPP-NPA sumuko sa bayan ng San Mariano (By 5th Infantry Division)
GAMU, Isabela, Marso 22 (PIA) -- Demoralisado at paralisado na ang rebeldeng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa Cagayan Valley kung kaya boluntaryong sumuko sa hanay ng 95th Infantry Battalion at ng kapulisan ang dalawang kabataang mandirigma ng rebeldeng grupo noong ika-19 ng Marso taong kasalukuyan sa bayan ng San Mariano, Isabela.
Kinilala ang mga nagbalik-loob na sina Alyas Gina/Iyan, 18 taong gulang, medical officer, na sumampa sa rebeldeng kilusan noong taong 2017 matapos marekrut ni alyas Bunso na sumuko na rin sa pamahalaan at Alyas Mar/Jero, 19 taong gulang, supplyofficer, na narekrut noong taong 2018 ni Alyas Dennis na isa ring dating rebelde.Kapwa sila mga residente sa bayan ng San Mariano at dating miyembro ng Regional Sentro De Grabidad, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley ng teroristang CPP-NPA.
Ayon sa kanila, dahil sa sunod-sunod na pag-aklas ng suporta ng kanilang mga masa sa kilusan at sa pagkakamatay ng kanilang lider na si alyas Yuni, tuluyang naging demoralisado ang rebeldeng grupo.
Ayon sa mga sumukong dating rebelde, hindi na makagalaw ang teroristang CPP-NPA dahil sa pagkamatay ng kanilang lider. Wala na rin silang makuhang tulong at suportang galing sa masa.
Nakakaranas ang rebeldeng kilusan ng matinding gutom, pagod at takot at ito ang nagtulak sa dalawa na magbalik-loob at makipagtulungan sa pamahalaan laban sa mga teroristang CPP-NPA. Ninanais din ng dalawa na masagip din ang iba pa nilang kasamahan na matagal ng gustong bumaba.
Pinuri naman ni MGen Laurence E. Mina, commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang naging desisyon nina Alyas Gina/Iyan at Alyas Mar/Jero.
“Paralisado na ang rebeldeng CPP-NPA. Wala na rin silang matatakbuhan pa, dahil mismong mga residente na ang umaayaw sa kanila. Sa katunayan, ang mga mamamayan ang nagbibigay ng tumpak at napapanahong impormasyon sa kinaroroonan ng mga rebelde, kung kaya’t sunod-sunod ang mga naging engkwentro laban sa rebeldeng grupo sa Apayao, Cagayan, Isabela at Kalinga,” ani Mina
Mariin ding kinondena ng heneral ang patuloy na paggamit ng mga rebeldeng CPP-NPA ng mga batang mandirigma.
“Ito ay tahasang paglabag sa International Human Rights at Humanitarian Law na mahigpit na nagbabawal sa pagrekrut at paggamit ng mga batang mandirigma. Nanawagan ang pamunuan ng 5ID sa Commission on Human Rights upang imbestigahan ang paglabag na ito ng teroristang CPP-NPA,” dagdag niya. (MDCT/PIA-2)
https://pia.gov.ph/news/articles/1070203
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.