NPA-Kalinga propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Jul 24): Unang Taon ni Duterte: Lalong Naghihirap ang Masa!
Walang tunay na pagbabago, lalong naghihirap ang masang Pilipino!
Ka Tipon Gil-ayab, Spokesperson
NPA-Kalinga (Lejo Cawilan Command)
24 July 2017
Matapos ang unang taon ng panunungkulan ay muling magbibigay ng kanyang State of the Nation Address (SONA) si Presidente Rodrigo Duterte sa darating na Hulyo 24, 2017. Mataas ang ekspektasyon ng sambayanan dahil na rin sa dami at garbo ng mga naipangako ni Duterte noong panahon ng kampanya para sa eleksyon 2016. Mga pangakong wawakasan ang salot ng droga, malinis at tapat na pamamahala, pagbabagong pampulitika at pag-unlad pang-ekonomiya ang nagluklok sa noon ay Davao City Mayor bilang pinakamataas na lider ng bansa. Sa kabuohan, matapos ang isang taon, mas lalong tumitindi ang paghihirap ng mamamayan. Kontraktwal at walang kasiguraduhan sa trabaho ang manggagawang Pilipino. Wala pa ring sariling lupa ang masang magsasaka. Dumaranas pa rin ng pambansang kaapihan ang hanay ng pambansang minorya.
PATULOY NA NAGHIHIRAP ANG MASA
Sa probinsya, nananatiling P210 ang minimum wage na malayo sa kahilingan na itaas ito sa P16,000 sa antas pambansa. . Hirap at kayod-kabayo na sa araw-araw na trabaho, maliit pa ang kinikita na hindi sasapat ipambili ng mga produktong sobrang tataas ng presyo. Nagtaasan na lahat ng presyo ng batayang pangangailan gaya ng pagkain, kuryente, langis, serbisyo pampubliko gaya ng kalusugan at edukasyon ngunit ni isang kusing na omento sa sahod ay wala. Laganap pa ang disempleyo na pinatitindi ng kawalan ng pambansang industriyalisasyon at neoliberal na mga polisiya sa agrikultura.
Malawakan ang pang-aagaw ng lupang-ninuno sa ngalan ng pagsusulong ng ginintuang panahon ng imprastruktura sa ilalim ng Dutertenomics. Sistematikong ibinubukas ng gobyerno ang Kalinga at ang buong Kordilyera, sa mga repormistang proyekto at patakarang sisira sa likas na yaman ng kalupaan gaya ng minas, dam, logging, at turismo sa tulong ng pagpapaigting ng pasismo sa lugar. Halimbawa na lamang ng tangka ng gobyerno sa ilalim ng public-private partnership (PPP) na itayo ang Lucog Dam sa Tabuk City na tinutulan ng mga mamamayan. Panganib at perwisyo ito para sa kabuhayan ng mga residente ngunit tiyak na super ganansya para sa mga malalaking kapitalista.
Walang epektibong programa ang gobyerno upang tugunan ang pangangailangang-agrikultural ng mga magsasaka sa probinsya. Kulang ang ayuda para sa mga magsasakang dumaranas ng krisis dulot ng mga kalamidad. Ang patubig o irigasyon na dapat sana ay libre ay ginawang negosyo ng National Irrigation Authority (NIA). Nagtatago naman sa maskara ng National Greening Program (NGP) ang sistematikong pang-aagaw ng lupain ng mga pambansang minorya. Sa halip na isulong ang ekonomiyang nakasasapat sa sarili, sa impluwensya ng dayuhang interes ay itinutulak ng pamahalaan ang mga magsasaka sa pagtatanim ng mga produktong cash crop gaya ng BT-Corn na walang ibang naidudulot kung hindi pagkabaon sa utang ng mga magsasaka at pagkasira ng taba ng lupa. Masahol pa rito, nananatiling mababa ang presyo ng produkto ng mga magsasaka gaya ng bigas, kape, at saging na dulot ng pagsasabwatan ng mga lokal na naghaharing-uri at mga malalaking kapitalista.
Walang signipikanteng pagbabago ang naganap sa buhay ng mga mamamayan ng Kalinga at maging ng buong bansa. Patuloy na naghihirap ang masang-anakpawis na siyang bumubuhay at pundasyon ng ekonomiya ng bansa.
TUMITINDI ANG MILITARISASYON
Mula sa paglulunsad ng war on drugs, martial law sa Mindanao, at all-out-war laban sa rebolusyonaryong kilusan – walang pagkakailang militarista ang atake ng rehimeng Duterte sa paglutas ng mga kinahaharap na suliranin nito. Malayo sa pangako ng isang payapang Pilipinas, lalong pinaigting ni Duterte ang militarisasyon sa buong bansa.
Ang war on drugs ay naging kampanyang anti-mamamayan kung saan libo-libong inosenteng sibilyan ang nadadamay habang walang sistematikong solusyon na ibinibigay ang gobyerno sa tunay na ugat ng kahirapan sa bansa. Kaugnay nito, ay naging utak-pulbura ang gobyerno sa pagpapataw ng martial law sa buong Mindanao. Ibinugso nito ang mararahas na atakeng-militar laban sa teroristang Maute-ISIS na sa katunayan ay mga inosenteng sibilyan ang naapektuhan.
Mistulang hindi pa nakuntento, dineklara ni Duterte ang all-out-war laban sa buong rebolusyonaryong kilusan bilang ganti sa pagbawi ng CPP-NPA-NDF sa deklarasyon nito ng tigil-putukan dahil na rin sa hindi kinaseryoso at paglabag dito ng gobyerno. Ang all-out-war ay hindi lamang laban sa rebolusyonaryong kilusan kung hindi kontra-mamamayan sa kabuohan. Sinasagasaan nito ang interes ng sambayanan sa pagkamit ng makatarungang kapayapaan at progresibong pag-unlad para sa lahat. Sa probinsya ay mas lalong umiigting ang militarisasyon matapos maibaba ang all-out-war at kahit pa noong panahon ng tigil-putukan. Walang habas na nagsasagawa ng combat, intel, at saywar na mga operasyon ang tropa ng 50IBPA sa mga baryo sa balat-kayo ng bayanihan noon at kapayapaan ngayon. Aktibo ang 50IBPA at mga intel assets nito sa panghaharass at panggigipit sa mga lider-masa at aktibista. Halimbawa na lamang ang harassment at panggigipit ng militar sa mga delegado ng Cordillera Day 2017 na ginanap sa Bulo, Brgy. Balantoy, Balbalan at ang patuloy na paniniktik at pananakot sa mga mamamayang tumututol sa pagtatayo ng Lucog Dam. Sa ilalim ng all-out-war ay isinalegal ng rehimeng Duterte ang ang paglapastangan ng AFP sa karapatang-tao ng mamamayan na siyang parating biktima ng mga operasyong militar. Gayon pa man, ilang ulit namang binibigo ng NPA ang mga pagtatangka ng 50IBPA na durugin ang rebolusyonaryong pwersa sa probinsya. Ang mga naganap na labanan sa mga bayan ng Balbalan at Pasil ay pawang mga bigong tangka ng 50IBPA na nagdulot sa mga ito ng matitinding kabiguan at mabibigat na kaswalti. Dagdag pa rito, hindi iginagalang ng AFP, halimbawa sa Kordilyera, ang Katutubong Istruktura Sosyo-Pulitiko (KISP) ng mga pambansang minorya bagkus ay aktibong ginagamit ito upang magdulot ng tribal war sa pagitan ng mga tribu. Gumagamit ang AFP ng IP-centric approach ang militar upang guluhin at pag-awayin ang mga tribu sa pamamagitan ng sapilitang pagpapaloob sa mga armadong pwersa nito at ng NPA sa bodong o peace pact upang gipitin at singilin ang mga tribu at pamilya ng mga tukoy na NPA tuwing may magaganap na mga labanan. Aktibo rin ang pagrerekrut ng AFP sa hanay ng mga pambansang minorya para gamitin ang mga kaugalian ng mga tribu sa bentahe ng militar.
Walang ibang naidulot ang militaristang postura ng rehimeng Duterte kung hindi takot at perwisyo sa mga mamamayan imbes na epektibong solusyunan ang kahirapang dinaranas ng bansa.
ISULONG ANG MAKA-MASA AT PROGRESIBONG PAGBABAGO!
Nanatiling bukas ang rebolusyonaryong kilusan sa usapang pangkapayapaan dahil interes at kagalingan ito ng sambayanan. Nagkakaisa ang buong rebolusyonaryong kilusan na dapat seryosong pag-usapan at resolbahin ang ugat ng armadong tunggalian. Ang panawagan para sa usapang pangkapayapaan ay panawagan ng mga mamamayang naghahanap ng tunay at progresibong pagbabago. Dapat kilalanin ng gobyerno ng Pilipinas (GRP) ang pangangailangan na mapagkasunduan at malagdaan ang Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER) upang ugatin at masolusyonan ang pang-ekonomiyang problema ng masang Pilipino. Dapat irespeto at tumalima ang GRP sa mga naunang napagkasunduan gaya ng Comprehensive Agreement on the Respect of Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Marapat na irespeto ng GRP ang karapatang-tao ng lahat ng mamamayan kabilang na ang pambansang minorya sa pamamagitan ng military pull-out sa mga komunidad. Dapat itigil ang kahibangan at utak-pulburang pagtugon sa mga suliranin ng bansa. Itigil ang martial law at all-out-war at papanagutin ang AFP sa mga krimen nito kontra-mamamayan.
Isulong ang maka-masa at progresibong pagbabago, hindi puro pangako! Ano at ano pa man, wala sa kamay ng iisang indibidwal – kahit na ng Presidente ng bansa – ang pagkamit ng makatarungan at tunay na pagbabago ng buong lipunan. Dapat ay aktibo at sustenidong kumilos ang masa upang iabante ang kanilang mga demokratikong interes at ipagtanggol ang kanilang mga karapatan. Paulit-ulit na nating napatunayan ang lakas ng ating sama-samang pagkilos, mula sa tagumpay ng pakikibaka laban sa Chico Dam noon hanggang sa muling pagsiklab ng mga pagkilos ng masa sa ngayon laban sa tuloy-tuloy na pagtatangkang nakawin ang yaman ng ating lupang-ninuno. Magsisilbing inspirasyon ang tuloy-tuloy na paglaban ng masa kontra sa planong pagtatayo ng Lucog Dam upang sindihan muli ang mitsa ng mga malalakihang pagkilos upang depensahan ang lupa, buhay at kalayaan ng pambansang minorya laban sa mga mapanirang proyekto at patakaran. Ang maka-masa at progresibong pagbabago ay nasa ating aktibo at sama-samang pagkilos.
MAKA-MASA AT PROGRESIBONG PAGBABAGO, HINDI PURO PANGAKO!
ITULOY ANG USAPANG PANGKAPAYAPAAN!
ITIGIL ANG MILITARISASYON! ITIGILANG ALL-OUT-WAR AT MARTIAL LAW!
BOTAD! LABANAN ANG PASISMO!
DIGMANG BAYAN! KAPAYAPAAN NG BAYAN!
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.