Central Committee anti-Duterte propaganda editorial from Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Jul 26): Labanan ang anti-mamamayan at pasistang paghahari ng rehimeng US-Duterte (Fight the anti-people and fascist US-Duterte regime)
Komite Sentral, Partido Komunista ng Pilipinas
Malinaw na ang rehimeng Duterte ang siya na ngayong gumagampan ng papel ng neokolonyal na kliyenteng-estado ng mga imperyalistang US. Ang rehimeng US-Duterte, na siyang marapat na itawag dito, ay tuwirang kumakalaban sa sambayanang Pilipino. Ang mga deklarasyong “sosyalista” at “unang Kaliwang presidente ng bansa” ay natabunan ng kanyang pagpapailalim sa mga patakarang pang-ekonomya at panseguridad ng imperyalismong US kahit pa nakikipagkaibigan siya sa mga imperyalistang karibal ng US—ang China at Russia.
Nagtayo siya ng gubyernong pinangingibabawan ng mga upisyal na panatikong tagasunod ng imperyalismong US at ng adyendang neoliberal ng triad na US/IMF/WB. Nagpapatupad siya ng mga hakbanging nagpapanatili ng hegemonikong paghahari ng US sa Pilipinas sa malakolonyal at malapyudal na sistema ng Pilipinas.
Dahil sa ambisyong diktador ni Duterte at pagsandig sa militar na sinanay, tinuruan at pinondohan ng US, talagang magiging sunud-sunuran siya sa kapangyarihan ng imperyalistang US, laluna sa mga patakaran nito sa seguridad at “counterinsurgency”. Tinangka niya ngunit nabigong itulak sa pasipikasyon at kapitulasyon ang Partido at ang mga pwersang pambansa-demokratiko ng mamamayan.
Mabilis itong nagiging lantarang pasista at nagbabantang ipataw ang paghaharing diktador. Mga taktikang kamay-na-bakal ang gusto ni Duterte. Napakarami nang pinatay at winasak sa tatlong gerang kanyang inilunsad: ang tinaguriang gera kontra droga, ang gera laban sa mga Moro at ang todong-gera laban sa sambayanang Pilipino at kanilang mga pwersang rebolusyonaryo. Pinalawig at balak na palawakin ang batas militar sa Mindanao.
Ang rehimeng US-Duterte ang kasalukuyang tagapangasiwa ng naghaharing reaksyunaryong sistema. Nakatuon itong pabilisin ang neoliberal na tulak para lalong paluwagin ang pakikipagkalakalan at pamumuhunan. Pinangako nitong pupwersahin ang mga proyektong imprastrukturang pinondohan ng dayong pautang na pakikinabangan pangunahin ng malalaking dayong kapitalista at lokal na kasosyong malalaking burgesyang komprador at mga burukratang kapitalista na magbubulsa ng malalaking komisyon.
Dumaranas ang sambayanang Pilipino ng lalong sumasahol na mga anyo ng pang-aapi at pagsasamantala sa ilalim ng rehimeng US-Duterte at mga bago at ipinagpapatuloy nitong patakaran na nakasasama sa mga manggagawa at magsasaka, sa masang walang hanapbuhay, sa mga estudyante at titser, maliliit na propesyunal at iba pang may maliliit na kita. Ang kanilang mga pakikibakang masa at armadong paglaban ay matatag na sumusulong at lalong mabilis na susulong sa harap ng panlipunan at pang-ekonomyang krisis na nagpapasidhi sa kanilang mga hangaring pambansa at demokratiko.
1. Sunud-sunuran ang rehimeng US-Duterte sa mga patakarang panseguridad ng US.
a. Wala itong ginawang hakbang para ibasura ang umiiral na mga di pantay na tratadong militar sa pagitan ng Pilipinas at US, partikular na ang Mutual Defense Treaty (MDT), ang Visiting Forces Agreement (VFA), ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at iba pa.
Pinahintulutan nito ang militar ng US na isagawa ang 257 ehersisyo kasama ang AFP sa ilalim ng MDT at VFA. Sa ehersisyong Balikatan noong Mayo, di bababa sa 2,500 tropa ng US ang pumasok sa Pilipinas para magpakitang-lakas sa panghihimasok, maglunsad ng “war games” kabilang ang mga maniobrang paglusob mula sa dagat, pagpapaputok at pagpapasabog at magkasanib na maniobra. Nagsagawa sila ng mga operasyon sa Capiz, Leyte, Eastern Samar, Cebu, Aurora, Clark, Subic at iba pang lugar. Isinagawa nila ang gawaing halatang-halatang saywar tulad ng pakitang-taong pag-aayos ng mga eskwelahan, pagtuturo ng kalinisang dental, pagsasanay sa pagsasalba at iba pa.
b. Inanunsyo nito na itutuloy ng militar ng US ang pagtatayo ng mga pasilidad nito sa loob ng mga kampo ng AFP, partikular sa (a) Antonio Bautista Air Base (Puerto Princesa, Palawan); (b) Base Air Base (sa Floridablanca, Pampanga); © sa Fort Magsaysay (Nueva Ecija); (d) Lumbia Air Base (Cagayan de Oro); at (e) Benito Ebuen Air Base (Mactan, Cebu). Sinimulan na rin ng US ang pagtatayo ng mga permanenteng istruktura para sa pag-iimbak at pagpupwesto ng mga sandata.
k. Binigyan nito ang militar ng US, pati na ang mga kontraktor militar nito, ng pribilehiyong mag-istasyon sa Pilipinas ng kahit ilang tropa at tauhan sa mga pasilidad militar para magsagawa ng paniniktik at elektronikong sarbeylans, magsanay at magpayo sa lokal na militar alinsunod sa mga doktrina ng US, at tuwirang lumahok sa mga operasyong pangkombat. Isang halimbawa nito ang malamang na pinasimunuan at tuwirang nilahukan ng militar ng US na operasyon noong Mayo 23 para makuha ang pabuya sa pagdakip kay Isnilon Hapilon ng Abu Sayyaf na humantong sa mga sagupaan sa Marawi at sa naiulat na pagkamatay ng ilang daang tropa ng AFP katulad ng bulilyasong operasyong Mamasapano ng rehimeng US-Aquino noong Enero 2015. Kabilang sa unang ipinadala sa Marawi City noong Mayo 24 ay mga tropang Philippine Seals na nakabase sa Zamboanga, at ang daan-daang tropang ng malihim na Light Reaction Regiment na nakabase sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija. Kapwa yunit ay sinasanay at pinopondohan ng militar ng US.
d. Pinahintulutan nito ang pwersang nabal ng Pilipinas na lumahok sa pinagsanib na patrolya kasama ang US Navy sa Sulu Sea noong Hulyo 1. Bagaman pinagbawalan ni Duterte ang Philippine Navy na sumama sa pwersang US sa pagpatrolya sa South China Sea upang di galitin ang China, hindi siya tumututol sa pagpasok ng mga barkong pandigma ng US sa mga teritoryo sa dagat at ekslusibong sonang pang-ekonomya ng Pilipinas. Patuloy ang US sa mga operasyong “freedom of navigation” sa South China Sea at ginagamit ang mga barkong pandigma upang mapang-upat na lumapit sa mga teritoryong inaangkin ng China. Sunud-sunod ang mga barkong pandigma ng US na dumadaong sa Pilipinas.
e. Nagdeklara ito ng “gera laban sa terorismo” na may layuning supilin ang iba’t ibang armadong grupong Moro na umusbong laban sa Bangsamoro Basic Law (BBL). Sa nagdaang mga taon, aktibong itinutulak ng US ang BBL (at ang una nitong bersyon, ang Memorandum of Agreement on Ancestral Domain o MOA-AD noong rehimeng US-Arroyo). May ilang grupong Moro na tumutuligsa sa US sa aktibong pakikialam nito sa lokal na pulitika sa Bangsamoro upang patalsikin mula sa poder ang mga angkan o grupong kontra-BBL. Ang deklarasyong “gera laban sa terorismo” ni Duterte ay nagbigay-daan sa pinaigting na panghihimasok militar ng US sa ngalan ng “paglaban sa ISIS”. Ang pangmatagalang layunin ng panghihimasok militar ng US sa usaping Moro ay tiyaking mahawakan ang malaking bahagi ng mayamang likas na rekurso, laluna mga lupang pamplantasyon, rekursong mineral at tubig sa loob at paligid ng Bangsamoro para dambungin ng mga dayuhang kumpanyang US, maging Chinese at iba pa.
g. Ang kautusan nito sa AFP na kubkubin ang Marawi ay inilunsad at isinagawa alinsunod sa mga kaparaanan at gamit ang mga sandatang US. Ang walang habas na aerial bombardment o paghuhulog ng bomba ay nagresulta sa lubos na pagwasak sa Marawi City at sa pagbakwit ng mahigit nang 410,000 sa loob at paligid ng syudad. Ang gerang ito ay kopya sa walang habas na pambobomba ng US sa distritong Allepo at Raqqa sa Syria at sa syudad ng Mosul sa Iraq upang lumikha ng “blangkong papel” para sa malalaking kapitalista. Sa kampanyang pambobomba, lalong naging palaasa ang AFP sa mga sarplas at gamit na mga panalakay na helikopter ng US pati na sa tinaguriang mga “smart bomb.” Naging pagkakataon rin ito para subukin at ibenta ang pinakabago nitong mga panggabing pang-atakeng drone. Tugmang-tugma ito sa “disaster capitalism” na pagluwal ng malawakang pagkawasak upang magbukas ng oportunidad para sa kapitalistang pamumuhunan sa mga serbisyong pandigma (mga kontratistang militar) pati sa sibilyang imprastruktura at rekonstruksyon. Umaaligid na ang mga bwitreng negosyante sa Marawi kahit ang mga napalayas ay di pa nga nakauuwi at nakababalik sa normal na pamumuhay.
h. Patuloy na binubuo ng rehimeng US-Duterte ang pasistang makinarya nito. Itinutulak nito ang pagpapatupad ng National ID System na gagawing armas para sa malawakang pag-eespiya at pagsupil sa mga kalayaang sibil ng mamamayan. Mahalagang sangkap ng pasistang makinarya nito ang pagkontrol sa istruktura ng impormasyon. Pinagbantaan ni Duterte ng panggigipit sa negosyo at hayagang panunupil ang mga kritikong masmidya. Gumastos ng malalaking halaga ang kanyang mga tagasunod sa pulitika upang magtayo ng lambat ng pekeng mga internet account para manipulahin ang opinyong publiko sa pamamagitan ng pagbaha sa social media ng dagsa ng mga inimbentong komento. Sa kabilang banda, tinanggal ang mga lehitimong account na tumutuligsa sa rehimen. Lumikha sila ng pekeng imahe ng malawak na suporta para sa pasismo ni Duterte, sa kanyang pagsamba kay Marcos, todong paghamak sa mahihirap, pagkasuklam sa karapatang tao, lubos na pagwalang-bahala sa pamamayani ng batas at iba pang todong-reaksyunaryo at kontra-mamamayang mga patakaran. Maraming ulit na lumubha ang pagsupil sa katotohanan sa pagpataw ng batas militar sa Mindanao. Isang patunay ang ganap na pagkontrol ng AFP at mga Amerikanong opereytor nito sa kalagayan ng impormasyon sa pagkubkob sa Marawi, at pinakilos maging ang sarili nilang “media” upang kontrolin ang naratibo ng batas militar hinggil sa umano’y mga teroristang ISIS, pagsupil sa mga naglalantad ng abusong militar at pagdambong sa mga kabahayan ng mamamayan at maraming iba pa.
2. Tumatalima ang rehimeng US-Duterte sa doktrinang counterinsurgency ng US.
a. Mula nakaraang taon, ipinatutupad nito ang patakarang todong-gera laban sa Partido, Bagong Hukbong Bayan (BHB), NDFP at sambayanang Pilipino. Kahit noong mayroong dapat na magkasabay at tumbasang unilateral na deklarasyong tigil-putok sa pagitan ng GRP at NDFP, ang AFP ay nagpakat ng mga tropa nito sa mga sonang gerilya at naglunsad ng mga opensibong operasyon. Sa katapusan ng 2016, sinimulan nito ang Oplan Kapayapaan na nagpatuloy at nagpaigting ng mga operasyong saywar, paniniktik at pangkombat ng natapos na Oplan Bayanihan na gera ng panunupil laban sa mga rebolusyonaryong pwersa, na ipinadron sa US counterinsurgency guide.
b. Noong Marso 9, 2017, iniutos ni Duterte sa AFP na “patagin ang mga bundok” at ipinagamit ang lahat ng jetfighter, helikopter at lahat ng ibang kagamitang pandigma upang magsagawa ng aerial bombardment at panganganyon. Naglunsad mula noon ang AFP ng di bababa sa 20 kampanyang pambombomba na tumatarget sa mga komunidad na malapit sa mga pinaglabanan ng AFP at yunit ng BHB. Inilalagay sa peligro ng gayong pambobomba ang mga sibilyan at sumisira sa mga bukid at kalikasan. Ang mga ito’y ganap na paglapastangan sa pandaigdigang makataong batas. Idineklara ni Duterte na “pasensya na lang kung may madamay” nang lubos na walang pagpapahalaga sa buhay ng mga sibilyan.
k. Sa ilalim ng rehimen, patuloy na dumarami ang mga kaso ng paglabag sa mga karapatang-tao. Lumakas ang loob ng mga tauhan ng militar at pulis na abusuhin ang karapatang-tao dahil sa pasistang pananalita ng militaristang Duterte. Noon pang Nobyembre 2016, sinakop ng mga pasistang tropa ng AFP ang di bababa sa 500 barangay na pinagsususpetsahan nilang bahagi ng baseng masa ng BHB. Ang armadong pwersa ng reaksyunaryong estado ay nasa likod ng halos 70 kaso ng ekstrahudisyal na pagpatay (o mahigit isa kada linggo) laban sa mga di armadong aktibista, karamihan mga aktibistang magsasaka. Pinakamarami ang pinatay ng Eastern Mindanao Command, ang paboritong kumand ni Duterte. Dagdag sa napakaraming pinalikas sa Marawi City, mahigit 10,000 mamamayan sa Mindanao ang pwersahang nagbakwit bunga ng aerial bombardment ng AFP, pananakot at okupasyong militar sa mga komunidad. Ang mga aktibista sa hanay ng mga manggagawa, estudyante, kababaihan at iba pang sektor ay isinasasilalim sa sarbeylans, pagbabanta at pananakot. Patuloy na tumataas ang bilang ng mga bilanggong pulitikal.
d. Tinangka ng rehimeng US-Duterte na ipailalim, patahimikin at pasukuin ang Partido, ang bayan, ang kanilang mga pwersang rebolusyonaryo at ang mga hayag na pambansa-demokratikong pwersa sa pamamagitan ng pananalita at pakitang-taong gawa. Ang pagtakda ng ilang hinirang ng NDFP sa kanyang gabinete ay kinontra ng malayong mas malaking bilang ng mga militarista at tagapagtaguyod ng neoliberalismo. Nangako siyang palalayain ang mahigit 400 detenidong pulitikal subalit 19 lamang na konsultant ng NDFP ang binigyan ng pansamantalang kalayaan. Hungkag ang mga deklarasyon nitong pamamahagi ng lupaing pampubliko sa mga magsasaka.
e. Alinsunod sa doktrinang counterinsurgency ng US, interesado lamang si Duterte sa negosasyong pangkapayaaan ng NDFP-GRP para kasangkapanin sa pagtulak ng pagsuko at pasipikasyon ng mga pwersang rebolusyonaryo. Sa magkakasunod na pag-uusap, itinulak ng GRP ang NDFP na sumang-ayon sa isang pangmatagalang tigil-putukan na nagsisikap unahan ang negosasyon at kasunduan sa mga repormang panlipunan, pang-ekonomya at pampulitika. Matapos tumanggi ang NDFP na tanggapin ang gayong iskema ng pagpapasuko, at sa payo ng mga utusan ng US na upisyal ng AFP, kinansela ni Duterte ang ikalimang pag-uusap at naglatag ng karagdagang mga di katanggap-tanggap na kundisyon na nagtatapos na rin ng negosasyong pangkapayapaan.
g. Isinaalang-alang ng Partido at mga rebolusyonaryong pwersa na ang lumalalang krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema, ang tumitinding kontradiksyon sa hanay ng mga naghaharing uri at ang interaksyon ng mga salik na ito sa pag-iral na ng mundong multipolar ay makapagluluwal ng isang rehimeng hahamon sa imperyalistang dominasyon ng US at babasag sa malapyudal na pang-ekonomya at pampulitikang base nito. Sa batayang ito, inalok ng Kaliwa ang nabubuo pa lamang na rehimeng Duterte ng posibilidad ng alyansa laban sa imperyalismong US at para sa mga repormang progresibo para sa pakinabang ng bayan. Subalit mabilis na ipinakita ni Duterte ang kanyang hangaring maging diktador sa inspirasyon ni Marcos sa paglunsad niya ng madugong gera sa droga at sa okupasyon ng daan-daang sibilyang komunidad sa unang ilang buwan ng kanyang paghahari. Sa pagkahumaling niya sa mga patakarang kamay-na-bakal, napailalim siya sa kapangyarihan at kontrol ng mga imperyalistang US at mga ahente nito sa AFP.
h. Ang Oplan Kapayapaan at “todo gera” ng rehimen ay ibayong pinalala ng pagpataw ng batas militar sa Mindanao. Laban ito hindi lamang sa mamamayang Moro, kundi laban din sa mga pwersang pinamumunuan ng Partido, laluna laban sa BHB at baseng masa nito na mabilis na sumusulong sa isla sa nagdaang mga taon. Tinutukoy ng “Operational Directive 02-17” ng AFP na kabilang sa mga susing tungkulin nito ang “(pagpapahina ng) armadong kakakayahan ng BHB,” sa kabila ng naunang paggigiit na ang batas militar sa Mindanao ay nakatuon lamang sa Marawi. Mula nang ipataw ang batas militar, naghuhuramentado ang mga pasistang tropa ng AFP sa pambobomba mula himpapawid sa North Cotabato, Bukidnon, Davao del Sur, Davao del Norte, Davao City, Compostela Valley at iba pang prubinsya. Ang batas militar ang napalakas ng loob ng mga paramilitar na inarmasan ng AFP para magbanta at manakot laban sa mga titser ng paaralang Salugpungan sa Talaingod, Davao del Norte. Ang pananakot ng mga sundalo at paramilitar laban sa mga paaralang Lumad na ALCADEV at TRIFPPS sa Lianga, Surigao del Sur ay pumwersa sa komunidad ng Lumad na muling magbakwit sa takot na maulit ang naganap noong 2015 na mga pagpatay ng mga paramilitar laban sa kanila.
3. Nagpapatupad ang rehimeng US-Duterte ng mga patakarang neoliberal sa pang-ekonomyang diktang imperyalista.
a. Ang mga batayang patakarang pang-ekonomya nito ay sumusunod sa dominanteng patakarang neoliberal ng triad na US-IMF-World Bank. Taliwas sa iginigiit ng mamamayang Pilipino na mapagpasyang pagkalas sa nagdaang apatnapung taon ng liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon, ang tinaguriang 10-puntong pang-ekonomyang adyenda at “Philippine Development Plan 2017-2022” ng rehimen ay nagpapatuloy lamang sa serye ng mga “planong pangkaunlaran” ng mga nagdaang rehimen na nakabatay sa disenyo ng IMF/WB. Inilatag nito ang layuning kamtin ang isang “panggitnang-uring lipunan” pagsapit ng 2040, isang patunay na walang magiging pagbabago sa kalagayan ng mga inaapi’t pinagsasamantalahang sektor sa susunod na ilang taon.
b. Tulad sa nakaraan, ang mga patakarang pang-ekonomya nito ay nakatuon sa pag-akit ng mga dayuhang pautang at pamumuhunan sa pamamagitan ng murang lakas-paggawa, mababang buwis at garantisadong ganansya. Sang-ayon dito, nagpanukala ito ng programa sa reporma sa buwis na magpapababa sa buwis sa dayuhang pamumuhunan, mga indibidwal na may malaking kita at lokal na malalaking negosyo; at magtataas sa bayaring buwis ng mga mababang kita sa pamamagitan ng pagtataas ng buwis sa mga produktong pangkonsumo upang makapagkamal ng karagdagang P600 bilyon na taunang kita na magtitiyak sa mga dayuhang nagpapautang na may pondo para sa pagbayad.
k. Itinutulak din ng supermayorya nito sa kongreso na amyendahan ang konstitusyong 1987 upang umayon ito sa todong liberalisasyon sa pamumuhunan. Aktibo rin itong nangangampanya upang tumulong sa pagtatatag ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) sa pamumuno ng China na mangangailangan ng pagbaklas sa lahat ng sagka sa pagsasanggalang sa pambansang patrimonya at lokal na mga negosyo laban sa di-pantay na dayuhang kompetisyon.
d. Ipinagpatuloy nito ang patakaran ng mura at supil na paggawa. Tumanggi itong dinggin ang sigaw ng mga manggagawa para sa dagdag na sahod. Wala itong ginawang hakbangin para itigil ang pagbagsak ng sahod at sa halip ay pinahintulutan ang mga patakaran tulad ng “two-tier wage system” upang ipagpatuloy ang pagpapababa ng sahod ng mga manggagawa sa pinakaminimum. Nananatiling ligal ang mga kaayusang kontraktwal na pag-eempleyo sa ilalim ng bagong patakarang inilabas ng departamento sa paggawa (DOLE Order # 174) sa ilalim ni Duterte. Patuloy na walang-habas na nilalabag ang karapatan ng mga manggagawa sa loob ng mga engklabo sa paggawa.
e. Walang puwang ang mga patakarang neoliberal nito para sa reporma sa lupa bilang hakbangin para sa katarungang panlipunan. Taliwas sa sigaw ng libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasakang walang lupa, itinutulak ng rehimen ang pagpapalit-gamit ng malalawak na lupain tungong mga plantasyon na pinatatakbo ng malalaking dayuhang mga kumpanya. Isa sa mga teritoryong pinagtatalunan sa lugar ng Bangsamoro ay ang 1,100 ektaryang plantasyon ng oil palm sa Lanao del Sur na ang operasyon ay natigil dahil sa pagkontra ng lokal na mamamayang Moro.
g. Puspusan ang pagsisikap nitong magpapasok ng malalaking halaga ng pautang at ayuda ng China. Noong Oktubre 2016, nangako ang China ng $24 bilyong pakete ng pautang ($19 bilyon) at ayuda ($5 bilyon) para sa samu’t saring proyektong imprastruktura. Itinutulak ng rehimeng Duterte ang 200-ektaryang proyektong reklamasyon ng daungan sa Davao, ang sistema ng tren sa Davao-Tagum, ang sistema ng tren ng Mindanao at iba pang proyekto. Nakakuha rin ito ng $4.4 bilyong pakete ng pautang mula sa JICA (Japan International Cooperation Agency) para sa Metro Manila Subway System.
h. Inianunsyo ng mga upisyal ni Duterte ang planong gumastos ng $9 na trilyon sa susunod na limang taon. Layunin niyang kunin ang interes ng pinakamalaking posibleng bilang ng malalaking burgesya kumprador upang makuha ang kanilang solidong suporta. Para kay Duterte, ang dambuhalang halaga ng pautang at ayuda mula sa China at iba pang imperyalistang bansa ang susi sa pagbubuklod at pagkokonsolida niya sa malalaking burgesya kumprador, mga panginoong maylupa at mga burukrata kapitalista. Nilalayon niyang gamitin ang kapangyarihang diktador upang pabilisin ang pagpapatupad ng mga proyektong ito, tiyaking magkaroon ang bawat isa ng kani-kanyang parte sa $24-bilyong tikoy ng China, patahimikin ang oposisyon at pagbantaan ang mga korte laban sa paglabas ng mga restraining order.
4. Hinahayaan ng imperyalismong US ang huwad na nagsasariling patakarang panlabas at anti-US na mga pagdadrama ni Duterte.
a. Nagbigay ng mga talumpating anti-US si Duterte nitong nakaraang taon na nagdeklarang “hihiwalay na sa US” ang kanyang gubyerno upang magtatag ng alyansa sa China at Russia. Tinuligsa niya ang mga abuso ng US noong pananakop nito sa Pilipinas, maging laban sa agresyong US sa Iraq at iba pang bansa. Nagbanta siyang ipawalambisa ang EDCA at pauwiin ang mga sundalong Amerikano na naka-istasyon sa Mindanao. Nagdeklara siyang wala nang pinagsanib na mga ehersisyong militar kasama ang US.
b. Napatunayang puro hangin lamang ang mga pagtuligsa ni Duterte sa US. Walang ipinatupad na kongkretong hakbanging pampatakaran na humahamon sa presensyang militar at interbensyon ng US sa Pilipinas. Hindi rin tumindig si Duterte laban sa pagpapakitang-gilas ng US ng kapangyarihan sa South China Sea o maging laban sa presensya at interbensyon at kontrol ng US sa AFP sa pamamagitan ng indoktrinasyon at pagsusuplay ng mga armas.
k. Ang anti-US at pekeng nagsasariling patakarang panlabas na mga retorika ni Duterte mula Agosto hanggang Setyembre noong nakaraang taon sa kabuua’y malaking palabas lamang upang hikayatin ang China na magbigay ng malaking halaga ng ayudang pang-ekonomya at militar para sa kanyang gubyerno. Nakuha ni Duterte ang $24 bilyong pautang at ayuda nang bumisita siya sa China noong Oktubre 2016. Sa kanyang pagbalik, kapansin-pansin ang pagbawas ng tono ni Duterte sa kanyang mga biradang anti-US at nagsimulang magbigay-diin sa pakikipagtulungan at pakikipagkaibigan sa gubyernong Trump.
d. Kung susuriin sa pinakabatayan, ang pangakong $24 bilyon ng China ay paunang bayad kapalit ng patuloy na pananahimik ni Duterte at pagpayag sa sunud-sunod na pagtatayo ng China ng mga pasilidad militar sa Spratly Islands at pagpakat ng paparaming barkong pandigma sa South China Sea.
e. Hayagang niligawan ni Duterte ang Russia para sa ayudang militar. Sa kanyang pakikipagpulong kay President Putin ng Russia noong Mayo, humiling siya ng mababang interes na pautang mula sa Russia upang makabili ng mga sandata mula sa bansa. Nagpapakana siya ng multong anti-ISIS upang hikayatin ang suporta na kagamitang militar mula sa Russia. Gayunpaman, sa kasalukuyan ay hindi interesado ang Russia na kantiin ang paghahari ng US sa Pilipinas. Minimal lamang mga suportang militar ng Russia sa mga bansa sa Southeast Asia.
g. Bukas ang imperyalismong US sa malalaking pamumuhunan ng China sa Pilipinas dahil nakakatulong ito sa pagpapanatili ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa ilalim ng imperyalismong US, laluna sa gitna ng pandaigdigang matagalang depresyon ng sistemang kapitalista. Habang mulat na mulat sa pangmatagalang layunin ng China na kontrahin ang kapangyarihan sa militar at ekonomya ng US sa South China Sea, hindi itinuturing ng US ang mga pakete ng pautang at ayuda mula sa China bilang kagyat na hamon sa paghahari nito. Sa kabilang banda, alam ng China na ang AFP ay nananatiling estratehikong haligi ng paghahari ng imperyalismong US sa bansa. Para pagyamanin ang pakikipag-mabutihang loob sa rehimeng Duterte, nagbigay ito ng P370 milyong-halaga ng mga bagong armas, kabilang ang 3,000 ripleng armalite. Gayunpaman, mistulang tinanggihan ng AFP ang bulto ng armas sa pagtanggap nito ng 100 lamang habang ibinigay ang karamihan sa PNP.
h. Patuloy na hahayaan ng mga imperyalistang US ang pagdadramang anti-US at pro-China/Russia ni Duterte hangga’t ang mga ito ay hindi banta sa estratehikong paghahari ng US. Idineklara mismo ni Duterte kamakailan na mananatili ang pakikipag-alyansang militar ng bansa sa US. Sa kabilang banda, kailangang panatilihin ni Duterte ang pakikipagkaibigan sa China (kabilang na ang pananahimik sa mga pasilidad militar ng China sa Spratly Islands) upang tiyakin na lahat ng ipinangakong pautang at ayuda ay magmamateryalisa bilang mga proyektong imprastruktura. Gayunpaman, ang dominasyon ng US sa Pilipinas ay pangmatagalang konsiderasyon ng China at makapipigil sa kanya na magbigay ng mas malalaking pang-ekonomyang tulong sa Pilipinas.
5. Dapat labanan ng mamamayang Pilipino ang rehimeng US-Duterte habang sinasamantala ang kontradiksyon ng naghaharing sistema.
a. Dapat tutulan ng mamamayang Pilipino ang paghaharing kontra-mamamayan at pasista ng rehimeng US-Duterte. Dapat kundenahin ang kanyang tatlong gera at tumindig para igiit ang katarungan para sa lahat ng pamamaslang at iba pang brutalidad na ihinasik niya laban sa malawak na masa. Dapat singilin ang rehimeng US-Duterte sa lahat ng mga bigong pangako nito.
Sa pagiging sunud-sunuran sa imperyalismong US at paggamit ng mga taktikang kamay-na-bakal, lalong itinutulak ng rehimeng Duterte ang mas dumaraming mamamayan na tumindig at lumaban. Mabilis na lumilitaw ang malawak na nagkakaisang prente ng mamamayang Pilipino at Moro laban sa rehimeng US-Duterte. Dapat nilang isulong ang kanilang mga demokratikong pakikibakang masa at igiit ang kanilang karapatan at interes:
Igiit ang kagyat na pag-alis ng batas militar sa Mindanao. Puspusang labanan ang pagpapalawig at pagpapalawak nito.
Ilantad at labanan ang malaganap na pang-aabuso ng militar sa ilalim ng batas militar at all-out war sa ilalim ng Oplan Kapayapaan.
Igiit ang pagwawakas sa presensyang militar ng US sa Pilipinas. Igiit ang pagtukoy sa lahat ng tropa at sandata ng US at ang agarang pagpapalayas sa mga ito. Ilantad at labanan ang lahat ng patakarang neoliberal sa ekonomya at mga planong higit na liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon.
Tutulan ang Tax Reform Law. Igiit na wakasan ang pagbabawas ng badyet sa serbisyong panlipunan, pagwawakas ng pribatisasyon ng pampublikong serbisyo at pagpapalawak ng libreng serbisyong pangkalusugan, edukasyon, pabahay, kuryente, internet, atbp.
Igiit ang pagwawakas sa awtomatikong pagbabayad ng utang. Igiit ang pagbubukas sa publiko ng mga papasuking mga kasunduan sa bagong utang. Ipanawagan ang pananagutan sa lahat ng planong proyektong imprastruktura at ang proteksyon ng mamamayan at kalikasan.
Ipanawagan ang demilitarisasyon sa South China Sea, ang pagpapaalis sa lahat ng barkong pandigma ng US at paglalansag sa mga pasilidad militar ng China sa Spratly Islands. Ipanawagan ang pagputol ng suportang militar at pinansyal sa batas militar ni Duterte mula sa US, pati na mula sa China at Russia.
Igiit ang kagyat na pagtalima sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Ipanawagan ang pagpapalaya sa lahat ng bilanggong pulitikal. Ikampanya ang pagwawakas sa pambobomba sa mga komunidad. Igiit ang pagtigil sa okupasyon ng AFP at mga paramilitar sa mga komunidad.
Ipanawagan ang muling pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan ng NDFP-GRP na walang paunang kundisyon alinsunod sa The Hague Joint Declaration. Igiit ang pagsunod ng GRP sa CARHRIHL at sa JASIG.
Igiit ang pagbuwag sa lahat ng asyenda at plantasyon at isulong ang libreng pamamahagi ng lupa. Isulong ang kolektibong okupasyon at bungkalan ng mga tiwangwang na lupa.
Igiit ang pagbabasura sa kontraktwalisasyon. Itayo o muling itayo ang mga unyon ng mga manggagawa at ipaglaban ang regularisasyon ng mga manggagawa, pagtataas sa sahod at makataong kalagayan sa paggawa.
b. Nananawagan ang Partido sa mamamayang Pilipino, laluna sa mga kabataan, na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) at maglunsad ng rebolusyunaryong armadong pakikibaka para labanan ang pasista at maka-imperyalistang US na mga tropa ng AFP at iba pang armadong grupo ng reaksyunaryong estado, maglunsad ng rebolusyong agraryo at itayo ang demokratikong gubyernong bayan.
Dapat isulong ng BHB ang masaklaw at maigting na pakikidigmang gerilya sa papalawak at papalalim na baseng masa. Dapat tuluy-tuloy na sagpangin ang inisyatiba at ilunsad ang higit na paparaming taktikal na opensiba at kontra-aksyong militar sa buong bansa para biguin ang all-out war ng rehimeng US-Duterte sa ilalim ng Oplan Kapayapaan sa harap ng sobrang pagbatak ng pwersa at tauhang militar at labis na pagsandig sa suporta ng US.
Dapat abutin ng BHB ang pagpaparami ng bilang ng armas pangunahin sa pagsamsam ng parami nang paraming armas mula sa kaaway at sa iba pang pamamaraan. Maaaring ituon ang pangunahing bigwas laban sa pinakamasahol na pasistang kriminal at salarin sa pinakabrutal na anyo ng abusong militar at paglabag sa karapatang-tao, maging ang pinakamalalaking mandarambong ng kalikasan at yaman ng bayan.
Dapat pabilisin ng BHB ang paglaki sa sikad ng rekrutment ng mga bagong Pulang mandirigma laluna sa harap ng lumalaking bilang ng mamamayan, laluna mga aping magsasaka at manggagawa, mga Moro, at ibang katutubo, na dismayado na sa rehimeng US-Duterte at naghaharing sistema.
Haharapin ng rehimeng US-Duterte ang lahatang-panig na paglaban ng mamamayang Pilipino at Moro, at nanganganib na mas malala ang sapitin kaysa kinamuhiang diktadurang US-Marcos.
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/201707-laxadbaxadnan-ang-anxadti-maxadmaxadmaxadyan-at-paxadsisxadtang-pagxadhaxadhaxadri-ng-rexadhixadmeng-us-duxadterxadte/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.