NDF-Bicol propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Jul 24): Pahayag ng NDF-Bikol Hinggil sa Ikalawang Sona ni Duterte
Maria Roja Banua, Spokesperson
NDFP Bicol Region (Region V)
24 July 2017
Isang taon makalipas ang unang State of the Nation Address ni Rodrigo Duterte, nananatiling retorika ang kanyang mga pangako ng pagbabago. Walang laman ang kanyang mabikas na tindig sa pagpapapatupad ng mga makabuluhang reporma upang bigyang-daan ang pagtatapos ng armadong sigalot sa bansa. Postura lamang ang kanyang pagnanais nakumawala mula sa lagpas pitong dekadang kontrol ng imperyalistang US.
Simula pa lamang ng kanyang panunungkulan, tumitingkad na ang paninindigan niyang panatilihin ang paghahari ng uring malaking burgesya kumprador at panginoong may-lupa. Kasabay ng panununuyo niya sa kapitalistang kapangyarihang Tsina at Rusya para sa pautang at mga armas, nagpapatuloy ang panghihimasok ng imperyalistang US sa bansa. Sa halip na makabuluhang reporma ay patuloy niyang sinunod ang balangkas ng US sa usapin ng ekonomya, pulitika at higit sa lahat sa larangang military. Sa pagluluklok ng 59 retiradong sundalo at kapulisan sa mga susing pusisyon sa gubyerno, lalong pinalibutan ni Duterte ang kanyang sarili ng mga pinakamasusugid na alagad ng US na titiyak na mapapanatili ang pagiging mala-kolonyal at mala-pyudal ng lipunang Pilipino. Lalo niyang pinatindi’t pinasinsin ang todo-gera laban sa mamamayan.
Nakikiisa ang NDF-Bikol sa paghugos ng mamamayan sa lansangan upang singilin si Duterte sa kanyang mga pangakong napako at igiit ang kanilang mga emokratikong interes. Kinukundena rin ng NDF-Bikol at buong sambayanan ang todo-gera ng rehimeng Duterte at kanyang kasundaluhan. Ipinananawagan ng mamamayan ang pagtutuloy ng usapang pangkapayapaan at ang tapat na pagresolba sa mga panlipunang suliranin ng mamamayan sa balangkas ng Comprehensive Agreement on Socioeconomic Reforms (CASER).
Narito ang mapait na reyalidad ng unang isang taon ni Duterte sa pagkapangulo:
DUTERTENOMICS: PAGPAPATULOY NG NEOLIBERAL NA DISENYO NG IMPERYALISMO
Ipinagyayabang ng rehimeng Duterte na naiiba at progresibo umano ang kanyang plano para sa ekonomi-ya kumpara sa mga naunang rehimen. Ayon sa kanya, bibigyang prayoridad ang pagtitindig ng pambansang industriya at pauunlarin ang mga pinakamahalagang sektor ng ekonomya tulad ng agrikultura. Subalit hindi ito ang nilalaman ng Philippine Development Plan (PDP) 2017-2022 na ilinunsad ng bagong rehimen.
Sentral na programa ng PDP 2017-2022 ang bukambibig na ‘Build, build, build’ ng mga teknokrata ni Duterte na umano ay magpapahusay sa imprastruktura ng bansa hanggang 90%. Ang mga proyektong nakapila sa naturang programa ay popondohan sa pamamagitan ng public-private partnership (PPP), official development assistance (ODA) o utang panlabas at kumbinasyon ng dalawa (hybrid PPP). Sa iskemang PPP, sasagutin ng pribadong sektor ang paggastos sa pagtatayo ng mga imprastruktura at pagkatapos ay pamamahalaan nila ito upang mabawi ang puhunan at kumita. Sa esensya, negosyo ang turing sa mga serbisyo at yutilidad na produkto ng PPP. Walang iba kundi mamamayan ang papasan sa dagdag na presyo at iba pang bayarin na malayang maipapataw ng mga namamahalang negosyante. Ang ODA naman ay manggagaling sa pautang ng malalaking kapitalistang bansa tulad ng Tsina. Muli, mamamayan ang papasan ng pagbabayad nito sa pamamagitan ng kanilang mga buwis. Tulad ng unang dalawa, kung hindi man mas malala pa nga, mamamayan ang gipit sa iskemang hybrid PPP. Dito, buwis ng mamamayan ang direktang tutustos sa gastos ng pagtatayo ng mga imprastruktura samantala ang pamamahala ay muling ipauubaya sa pribadong sektor. Bukod dito, ang mga itatayong imprastruktura tulad ng pagpapahusay o upgrade ng mga export enclaves, plantasyon at minahan, pagtatayo ng mga kalsada, daungan at paliparan ay magsisilbi lamang sa pangangailangan ng dayuhang pamilihan at ekonomya ng mga kapitalistang bansa.Ibig sabihin, sa likod ng propagandang magbubunsod umano ito ng ‘golden age of infrastructure’ at magpapalago sa ekonomiya ng bansa, isinusulong ng PDP ng rehimeng Duterte ang neoliberal na disenyong magluwal ng pinakapaborableng kundisyon para sa pagkakamal ng tubo mga dayuhang mamumuhunan. Samakatwid, papasanin ng taumbayan ang bulto ng gastusin mula sa pagtutustos, pagtatayo, at operasyon ng mga susing imprastruktura sa bansa samantala papakinabangan ng mga kapitalista ang kikitain sa operasyon ng mga ito.
Tahimik ang PDP sa mga usapin tungkol sa pagpapaunlad ng mga lokal na industriya at pagsuporta sa agrikultural na sektor. Sa agrikultura, walang kongkretong hakbangin upang lansagin ang mga anti-magsasakang batas at wakasan ang malawakang monopolyo sa lupa. Sa usapin ng pambansang industriyalisasyon, walang ilinatag na programa ang rehimeng Duterte upang bigyang daan ang pagpupundar nito. Kakambal ng lalong pagbibigay-luwag sa mga dayuhang korporasyon ay ang lalong pagkalugmok ng mga manggagawa.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.