Editorial in the Tagalog language edition of Ang Bayan (July 21): Editorial -- Puspusang labanan ang pagpapalawig ng batas military
Dapat magkaisa ang buong sambayanang Pilipino at lahat ng rebolusyonaryong pwersa para buong-lakas na labanan ang balak ng rehimeng Duterte na palawigin ang batas militar sa Mindanao hanggang sa katapusan ng taon.
Ang pagpapalawig ng batas militar ay tiyak na magreresulta sa lalong paglala ng mga abusong militar at pulis. Lalo pa nitong patatagalin ang pagdurusa ng mamamayan sa isinasagawang paghihigpit laban sa kanilang mga kalayaang sibil at pampulitika at palalalain ang mga paglabag sa kanilang mga demokratikong karapatan.
Lalo ring titindi ang pagtatakip sa katotohanan ng malawakang mga paglabag sa karapatang-tao upang tiyakin na ang laganap na salaysay tungkol sa batas militar sa Mindanao ay pabor sa AFP, kay Duterte at sa US. Ang katotohanan sa pagkubkob sa Marawi City, laluna ang tunay na mga dahilan, ang dami ng mga namatay na sibilyan at sundalo ng AFP at lawak ng armadong paglaban ay pilit na tinatabunan ng sala-salabat na mga kwentong barbero ng tagapagsalita ng AFP.
Patuloy na inilalatag ni Duterte ang pundasyon ng paghaharing diktador na nakapailalim sa kapangyarihan ng imperyalismong US. Malamang na kaagad pagtitibayin ng kanyang supermayorya ng mga alipures sa kongreso ang pagpapalawig ng batas militar. Laway na laway na sila sa makukuha nilang pakinabang sa mga inihahanay na malalaking proyekto ni Duterte na nais iratsada sa ilalim ng batas militar.
Nais ni Duterte na palawigin ang batas militar sa Mindanao sa hangal na paghahangad na ganap na supilin ang armadong paglaban ng iba’t ibang armadong grupong Moro sa Marawi City. Naglunsad siya roon ng gerang di niya kayang tapusin. Lalong itinulak ng gerang Duterte-US-AFP ang mamamayang Moro na mag-armas upang singilin ang malawak na pagkamatay at pagkawasak na idinulot ng pasistang pagkubkob at walang patumanggang pambobomba sa Marawi City. “Tama na!” ang sigaw ng mamamayan ng Marawi upang makabalik na sila sa kanilang mga winasak na bahay.
Isinumite ni Duterte ang binagong borador ng Bangsamoro Basic Law at pinagmamadali ang kongreso na pagtibayin ito sa maling pag-aakalang mapahuhupa nito ang galit ng mamamayang Moro. Taliwas sa hangad ni Duterte, ang pagpapatibay ng BBL at ang hungkag niyang deklarasyong “pagbuo ng bagong bansa sa ilalim ng konstitusyon” ng mapanupil na reaksyunaryong estado ay magbubunsod lamang ng panibagong gera para tunay na maisulong ang kanilang karapatan sa pagpapasya-sa-sarili. Nagbabadyang sumiklab ang malawakang apoy ng armadong paglaban ng Bangsamoro.
Ang pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao ay nakatuon rin sa pagpapatuloy at lalong pagpapaigting ng todong-gera ni Duterte laban sa Bagong Hukbong Bayan (BHB). Sa nakaraang dalawang buwan sa ilalim ng batas militar sa Mindanao, walang habas ang mga opensiba ng AFP laban sa BHB at laban sa mga pinagsususpetsahang sumusuporta sa BHB. Isinagawa ang paghuhulog ng bomba at panganganyon sa North Cotabato, Bukidnon, Davao del Sur, Davao City, Davao del Norte, Compostela Valley at iba pang mga prubinsya. Sinupil ang mga karapatan ng mga manggagawa. Binuwag ang mga piketlayn. Tumindi ang mga atake at pagsakop ng AFP laban sa mga komunidad. Lalong lumakas ang loob ng mga paramilitar sa pananakot at pagharas sa mga Lumad. Sa Mindanao, hindi bababa sa 10,000 ang pwersahang nagbakwit sa nagdaang dalawang buwan ng todong-gera ng AFP sa ilalim ng batas militar, dagdag sa 410,000 bakwit mula sa Marawi at mga kanugnog na lugar.
Ang batas militar ni Duterte, sa Mindanao man o sa buong bansa, ay tahasang paglapastangan sa mga karapatan at kalayaan ng bawat Pilipino. Ikinukubli nito ang tuwirang panghihimasok sa Pilipinas ng mga pwersang militar ng US sa isinasagawa nitong elektronikong paniniktik, paggamit ng mga drone sa pambobomba laluna sa gabi at pagdidirihe ng operasyon ng AFP. Nais din ni Duterte na paspasan ang pagtatatag ng buong pasistang makinarya ng panunupil. Kabilang dito ang planong ipatupad ang isang National ID system na maaaring gawing armas para higpitan ang karapatan ng mga tao sa malayang pagkilos at bilang kasangkapan para sa malawakang sarbeylans. Sa ilalim ng pinalawig at posibleng pinalawak na batas militar sa Mindanao, maaaring gamitin ni Duterte ang kanyang kapangyarihan para isagasa ang planong bagong mga buwis at iba pang mga patakaran sa ekonomya sa kapinsalaan ng mga karapatan at interes ng bayan.
Kaya’t dapat ubos-kayang labanan ng buong sambayanang Pilipino ang planong pagpapalawig at posibleng pagpapalawak ni Duterte sa batas militar sa Mindanao. Mahigpit na nagkakaisa at lubos na determinado ang lahat ng rebolusyonaryong pwersa na labanan ang planong ito ni Duterte.
Dapat patuloy na magpalakas ang Bagong Hukbong Bayan sa buong bansa. Dapat mabilis na magrekrut ng bagong mga Pulang mandirigma, buuin ang bagong mga regular at lokal na yunit gerilya. Dapat kunin ng BHB ang inisyatiba sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba at kontra-aksyon sa buong bansa upang gapiin ang batas militar sa Mindanao at todong-gera sa buong bansa.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170721-puspusang-labanan-ang-pagpapalawig-ng-batas-militar/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.