From the Tagalog language edition of Ang Bayan (July 21): AKP sa panahon ng batas military
Sa nakaraang tatlong buwan, halos 200 mga kadre ng Partido at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan ang matagumpay na nakapagtapos ng Abanteng Kurso ng Partido (AKP) sa Mindanao. Hindi napigilan ng batas militar ng rehimeng Duterte ang kapasyahan ng Partido na ilunsad ang mga pormal na edukasyon para ibayong itaas ang kaisahan at kamulatan sa Marxismo-Leninismo-Maoismo ng kasapian. Bahagi ito ng lahatang-panig na pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan sa buong isla.
Pinakahuli rito ang halos mag-kasabay na pagdaraos ng pag-aaral ng dalawang bats sa dalawang rehiyon noong Hunyo. Idinaos sa NCMR ang unang bats ng mga mag-aaral. Binuksan ang pag-aaral sa pamamagitan ng isang programa kung saan itinanghal ng mga kasama ang kanilang mga talentong pangkultura. Sa takbo ng pag-aaral, aktibo at masigla ang pagbabahaginan ng mga estudyante ng kanilang mga karanasan at naintindihan sa mga teorya. Dagdag na napalamnan ang borador na sumada ng rehiyon sa kolektibong pag-aaral ng mga grupo, kung saan pinalawig ang diskusyon sa burukratismo. Pinagaan naman ng mga instruktor ang kanilang mga aralin sa pamamagitan ng biswal na mga presentasyon at mga pagpapatawa na nakapagpasaya sa mga estudyante. Sa mga kasamang huli nang nakarating, ang mga kagrupo na nila ang tumulong para makahabol sa mga aralin.
Umabot sa 42 ang mga estudyanteng nakapagtapos at walo ang nagrepaso. Nagtapos ang pag-aaral sa isang programa kung saan tinanggap ng mga mag-aaral ang kanilang mga diploma, nagbigay ng kani-kanilang mensahe at mga presentasyong kultural ang bawat grupo. Kinanta ng steering committee ang Pakunotay sa Agtang (Pagkunutan ng Noo) at AKP jingle na ginawa noong 2015. Sayaw-galaw naman sa awit na Muog na Buo ang naging presentasyon ng isang grupo. Mapanghamon ang naging mga mensahe ng mga instruktor, gayundin ng mga punong-abala. Mainit na tinanggap ng lahat ang balitang isinalin na sa Bisaya ang praymer na Batayang Prinsipyo ng Marxismo-Leninismo na sinulat ni Jose Maria Sison at mababaon na nila ito sa kanilang pagbalik sa kani-kanilang mga larangan ng gawain.
Sa SMR, natipon ang bats ng 36 na mag-aaral para sa isa pang serye ng AKP noong Hunyo. Binuo ang 18-kataong kwerpo ng mga instruktor mula sa mga estudyante ng naunang mga bats. Sa loob ng 15 araw, nagtulong-tulong ang mga instruktor, gamit ang makulay at mapanlikhang mga tulong-biswal, para maayos na idaos ang limang kurso. Mula pilosopiya hanggang sa praktika ng konstruksyong sosyalista, kolektibong natuto ang mga instruktor at estudyante sa isa’t isa. Halo ang mga estudyante, mayroong mga petiburges na nakapagtapos ng matataas na kurso sa kolehiyo, mga manggagawa, gayundin ang mga magsasakang hindi nakatuntong sa elementarya at sa kilusan na natuto ng literasiya. Masigla rin ang pagbabahaginan, mga “debate” at mga diskusyong lumalapat sa kanilang sariling mga karanasan. Isa rito ang pagpapalalim sa usapin ng empirisismo at ang iba’t ibang anyo nito sa kani-kanilang mga larangan.
Sa pagitan ng mga lektura, regular ang mga balitaan, palabas na bidyo at meryendang tsamporado. Bago gumabi, nagtitipon ang mga estudyante sa kani-kanilang mga grupo na halong petiburges, manggagawa at magsasaka para tasahin ang lektura at maghanda para sa susunod na araw. Itinatanong ang mga nakaligtaang itanong, binubuod ang mga pag-aaral ng grupong inatasang mag-“recap” at nagbabahaginan ng mga naintindihan.
Lalong mapadadali ang paglu-lunsad ng AKP ngayong dumarami na ang mga maaaring gumampan bilang mga instruktor. Inaasahan ng Partido na makakamit ang target nitong patapusin ang lahat ng namumunong kadre at mandirigma hanggang sa antas subrehiyon sa loob ng kasalukuyang taon hindi lamang sa Mindanao kundi sa buong kapuluan.
Ang kaalamang naibabahagi sa mga pormal na kurso ng Partido ay armas hindi lamang para sa kagyat na pagsulong ng digmang bayan, kundi pati sa pagharap ng mga hamon pagtakapos ng tagumpay nito.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170721-akp-sa-panahon-ng-batas-militar/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.