Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Apr 21): Manggagawang Pilipino: Magkaisa at lumaban! Itanghal ang bandila ng Partido!
Kabilang sa pinakamalalaking tungkulin ng ating Partido ang malawakang pag-oorganisa at pagpapakilos sa masang manggagawang Pilipino sa landas ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Sa darating na Mayo Uno, Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa, bigyang-pansin natin ang mga kagyat na dahilan para lalong mahigpit na panghawakan at tupdin ang mga tungkuling ito.
Kailangang-kailangang palakasin ang demokratikong pakikibaka ng mga manggagawang Pilipino upang pangibabawan ang dinanas nilang malawak na pinsala dulot ng halos apat nang dekada ng kaayusang neoliberal. Mula dekada 1980, walang habas na inatake ang karapatan ng mga manggagawa sa pag-uunyon, sa seguridad sa trabaho at sa disenteng sahod. Sa panahong ito, walang kapantay sa kasaysayan ang iniatras ng antas ng kabuhayan, kalagayang panlipunan, mga demokratikong karapatan at pampulitikang kalayaan ng mga manggagawang Pilipino. Sa pamamagitan ng pasistang karahasan, tuwirang pagsikil, pambabraso, pananakot at panlilinlang, pati na sa pakikipagsabwatan ng mga lider-dilawan at taksil, malawakang sinupil ang karapatan ng mga manggagawa sa pagbubuo ng unyon. Mula 12% noong maagang bahagi ng dekada 1980, bumagsak ang bilang ng mga manggagawang Pilipino na nakapaloob sa mga unyon tungo sa mahigit na lamang 3%. Ang malawakang pagwasak sa mga unyong manggagawa ang susing salik para maipataw ng malalaking burges at dayong monopolyong kapitalista sa Pilipinas ang napakasasahol na patakarang anti-manggagawa. Isinabatas noong 1989 kapwa ang Herrera Law (nirebisang Batas sa Paggawa) at ang Wage Rationalization Act. Ang mga ito ang nagbigay-daan at nagsilbing salalayan ng kontraktwalisasyon at iba’t ibang anyo ng pleksibleng pag-eempleyo, deregulasyon ng mga pamantayan sa paggawa, paglalansag sa pambansang minimum na sahod at pagpatupad ng iba’t ibang iskema upang hilahin pababa ang sahod ng mga manggagawa. Ang mga patakarang ito ay nakatuon sa pagbabaklas ng lahat ng regulasyon sa pag-eempleyo sa paggawa at pagwasak sa mga naipagwagi nang mga karapatan ng mga manggagawa. Ibinigay sa malalaking kapitalista ang buong-laya na sagarin ang oras ng pagtatrabaho at sulitin ang bawat pisong pasahod upang huthutin ang maksimum na labis na halaga mula sa lakas-paggawa. Ipinaiilalim ang mga manggagawa sa pinakamalalalang anyo ng pagsasamantala, kabilang ang pinakamasasahol na kaayusan sa pagtatrabaho (kontraktwal, “apprenticeship,” “student training,” walang sahod na pagtrabaho sa mga prangkisa ng may-ari ng eskwelahan at iba pa). Pinalala nito ang atake sa mga unyon sa pamamagitan ng palagiang bantang masisante ang mga kontraktwal na mangangahas na bumuo ng unyon o sumapi dito. Ipinatupad ng reaksyunaryong estado ang liberalisasyon sa pamumuhunan sa pagluluwag o tuluyang pag-aalis ng dating mga regulasyon sa pangangalaga sa kapakanan at kalusugan ng mga manggagawa (pati na sa kapaligiran) para lamang makapagtipid ang kapitalista kahit pa katumbas nito’y kaligtasan ng mga manggagawa mula sa sunog at iba pang aksidente. Pinakamatindi ang dinaranas na pagsasamantala ng mga manggagawa sa mga pabrika sa loob ng tinaguriang export processing zone o mga engklabo sa paggawa. Ang mga engklabong ito ay langit para sa mga kapitalista at impyerno para sa mga manggagawa. Sa nagdaang 20 taon, labis nang nahuli ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa sa bilis ng pagsirit ng presyo ng mga bilihin. Ang kasalukuyang abereydds na ₱454 minimum na sahod sa NCR ay wala pa sa kalahati ng kinakailangang ₱1,119 para mabuhay nang disente ang anim kataong pamilya. Dapat muling palakasin ng masang manggagawa ang kanilang organisadong lakas upang maipaglaban ang pagbabalik ng mga karapatang dati na nilang tinamasa. Dapat organisahin ang milyun-milyong manggagawa, regular man o kontraktwal, kapwa sa mga unyon at asosasyon. Malawak na organisahin ang mga manggagawa sa loob ng mga engklabo. Ang malawakang pakikibaka ng mga manggagawa para sa umento sa sahod at laban sa kontraktwalisasyon ay maghuhugis sa kaliwa’t kanang pagputok ng mga welga sa mga pabrika at empresa. Kasabay nito’y dapat buuin ang malawak na kilusang manggagawa para ibasura ang kontraktwalisasyon, laluna sa harap ng nakapakong pangako ng gubyernong Duterte na wakasan ito. Singilin ang obligasyon ng estado na tiyakin ang trabaho. Ipaglaban ang pangkalahatang umento sa sahod at pagtatakda ng pambansang minimum. Isigaw ang pagwawakas sa patakaran ng pagluluwas ng mga manggagawang kontraktwal. Ang mga pakikibakang ito ng masang manggagawang Pilipino ay bahagi ng mas masaklaw na pakikibaka ng sambayanang Pilipino laban sa mga imperyalistang patakarang neoliberal. Ang buong saklaw ng mga patakarang ito ay nagdulot ng matinding pinsala sa sambayanang Pilipino at naglugmok sa Pilipinas sa mas malalim na krisis. Kaakibat ng pagsusulong ng mga pakikibakang ito, nasa balikat din ng uring manggagawang Pilipino ang tungkuling pamunuan ang demokratikong rebolusyong bayan upang wakasan ang malakolonyal at malapyudal na sistema ng lipunan at sumulong sa landas ng sosyalistang kinabukasan. Ang makauring pamumuno ay ginagampanan ng proletaryong Pilipino sa pamamagitan ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang kanilang partidong pampulitika. Upang pahigpitin ang pamumuno ng uring manggagawa sa demokratikong rebolusyong bayan, mahigpit na tungkulin ng Partido na malawakang pukawin, pakilusin at organisahin ang masang manggagawa. Palaganapin sa hanay ng masang manggagawa ang pag-aaral sa Marxismo-Leninismo-Maoismo, ang ideolohiya ng uring manggagawa, para gamiting sandata sa pagdurog sa mga kaisipang burges at pyudal na pinalalaganap ng naghaharing uri. Dapat ilantad ng kilusang manggagawa ang pandaigdigang krisis ng kapitalismo, ang dominasyon ng mga dayuhang monopolyong kapitalista sa lokal na ekonomya at kung papaano nila ginagamit ang kanilang kontrol sa mga kasangkapan sa produksyon sa Pilipinas para huthutin ang likas na yaman ng bansa at pagsamantalahan ang lakas-paggawa ng mga manggagawang Pilipino. Dapat ipaglaban ng masang manggagawang Pilipino ang pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa bilang mga susing hakbangin na wakasan ang ekonomyang atrasado at nakasalalay sa dayuhang pamumuhunan at pagpapautang, sa pagluluwas ng mala-manupakturang produkto at murang lakas-paggawa. Sa gayong paraan lamang mailuluwal ang modernong ekonomyang makalilikha ng sapat na trabaho para sa lahat. Dapat patampukin ito sa pagsuporta sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP. Dapat ilantad at labanan ang dominasyon at panghihimasok ng imperyalismong US sa militar at pulitika, ang paggamit nito sa mga tagibang na kasunduang militar tulad ng EDCA at VFA, sa mga baseng militar at presensya ng mga tropang militar nito sa Pilipinas upang pangalagaan ang estratehikong interes ng mga korporasyong US sa Pilipinas at sa Asia-Pacific. Ang malawakang pagkilos ng masang manggagawa sa kalunsuran ay magsisilbing matatag na salalayan ng paglahok ng mga petiburgesyang lungsod (laluna ang mga estudyante) at iba pang mga panggitnang pwersa sa pambansa-demokratikong kilusan. Dapat silang malawakang pakilusin para makiisa sa mga pakikibaka ng batayang masa sa kalunsuran at kanayunan. Kaakibat ng pagsusulong ng kanilang mga pakikibakang pang-ekonomya, dapat malawakang kumilos ang masang manggagawa at mala-manggagawa sa kalunsuran para magbigay ng suporta at tuwirang lumahok sa mga pakikibakang antipyudal ng masang magsasaka sa kanayunan. Ilantad at labanan ang militarisasyon at mga pasistang pang-aabuso ng AFP sa kanayunan. Dapat malawakang pakilusin ng Partido ang mga manggagawa para lumahok sa armadong rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan. Kailangang kailangan ang libu-libong mga kadreng manggagawa (gayundin ang mga kadre mula sa mga petiburges na intelektwal) upang balikatin ang papalaking mga tungkulin para palakasin ang BHB at paigtingin ang armadong pakikibaka, isulong ang rebolusyong agraryo at itayo ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa buong bansa.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/2017april21-manggagawang-pilipino-magkaisa-at-lumaban-itanghal-ang-bandila-ng-partido/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.