Propaganda editorial from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Aug 7, 2019): Wakasan ang lagim ni Duterte sa Negros at buong Pilipinas
Limahid sa dugo ang isla ng Negros. Walang tigil na bumubuga ng laksang punglo si Rodrigo Duterte laban sa mga walang kalaban-labang mamamayan.
Muling naglunsad ang kanyang mga death squad sa isla ng sunud-sunod na pagpatay ng karaniwang mamamayan sa nakaraang buwan. HIndi bababa sa 16 ang pinaslang, kabilang ang isang dating meyor, isang halal na konsehal, isang prinsipal ng eskwelahan at iba pang may mga katungkulan sa burukrasyang sibil. Wala ring patid ang pamamaslang sa ordinaryong mga sibilyan. Karamihan sa kanila’y walang basehang pinaratangang sumusuporta sa rebolusyonaryong kilusan.
Walang ibang nasa likod sa mga pagpatay na ito kundi ang halimaw na si Duterte. Matindi ang kanyang pag-aalburuto sa pagkapuksa ng kanyang mga armadong tauhan noong Hulyo 18 nang ambusin sila ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa bayan ng Ayungon, Negros Oriental. Dahil dito, inudyukan niya ang kanyang mga alipures na higit pang maghasik ng pasistang lagim at pagbuntunan ng galit ang mga di armadong sibilyan.
Simula sa masaker sa Sagay noong Oktubre 2018, apat na serye nang konsentradong binigwasan ng karahasan ng rehimeng Duterte ang Negros. Halaw sa estilo ng sabay-sabay na pag-atake at pamamaslang ng mga pulis at sundalo sa mga komunidad sa ilalim ng tinaguriang Oplan Sauron, isinagawa ng armadong mga ahente ng AFP at PNP ang pamamaslang sa masinsin at magkakasunod na paraan. Imbing hangad nito na lambungan ng takot ang mamamayan ng Negros at lumpuhin ang kanilang paglaban sa pasistang rehimen.
Isa ang isla ng Negros sa dumaranas ng pinakamatinding kawalan ng lupa sa buong Pilipinas. Matingkad na makikita rito ang katangiang huwad ng “reporma sa lupa” ng reaksyunaryong estado. Patuloy na naghahari sa Negros ang malalaking asendero na tuluy-tuloy na nagpapakasasa sa libu-libong ektaryang tubuhan. Kasabay nito, pinaglalawayan ng malalaking kumpanya sa mina ang yamang mineral sa isla.
Napakasidhi ng pang-aapi at pagsasamantala sa masang magsasaka at manggagawang bukid sa mga tubuhan sa Negros. Gutom ang araw-araw nilang kinakaharap. Umaalingawngaw ang kanilang sigaw para sa katarungang panlipunan at tunay na reporma sa lupa bilang solusyon sa kanilang pagkalugmok sa kahirapan. Tuluy-tuloy na sumisigla sa Negros ang armadong rebolusyon dahil sa malalim at malawak na suporta ng masang anakpawis na naghahangad wakasan ang dantaong sistemang umaapi sa kanila.
Pinopondohan ng malalaking panginoong maylupa ang mga sundalo at pulis, pati na ang mga paramilitar na “death squad” sa Negros. Sa interes ng mga asendero, ginagamit ng rehimeng US-Duterte ang mga armadong tauhang ito para busalan ang masang magsasaka at supilin ang kanilang mga pakikibaka. Sa nagdaang mga buwan, masaker, pamamaslang, pag-aaresto at pagkukulong ang sagot ni Duterte sa mga magsasakang lumalaban sa Negros.
Sa pamamagitan ng Memorandum Order No. 32 na inilabas ni Duterte noong Oktubre 2018, inangkin niya ang karagdagang kapangyarihang ipataw ang paghaharing militar at pulis sa ngalan ng “pagsugpo sa karahasan.” Kabilang sa sinakop nito ang Negros na isinailalim sa di deklaradong batas militar. Matapos ang sunud-sunod na pagpatay noong Hulyo, ipinag-utos ang pagdaragdag ng 300 pang armadong tauhan ng Special Action Force sa isla. Lalo nitong pahihigpitin ng armadong pagsikil sa mamamayan sa isla.
Ang lagim na kumukubabaw sa Negros ay siya ring bumabalot sa maraming lugar sa kanayunan sa buong bansa. Pinakamalala ang kalagayan sa mga prubinsya sa Mindanao na mahigit dalawang taon nang nasa ilalim ng batas militar. Dagdag sa Negros, isinailalim din sa di deklaradong batas militar ang Bicol at Samar.
Sa kanayunan at mga liblib na lugar sa buong bansa, ang militar ang nakapangyayari at walang batas na mas mataas kaysa sa pasya nito. Sa ilalim ng National Task Force (NTF) at doktrina nitong “kontra-insurhensya,” ang buong burukrasya ng gubyernong Duterte ay nasa ilalim ng tuwiran at di tuwirang kontrol ng militar. Ang lahat ng ahensyang sibil ay ginagamit na sandata para sa digmang panunupil.
Sa buong bansa, walang-awat ang mga pamamaslang at pag-abuso ng militar sa kapangyarihan. Ginagamit ang pasistang karahasan ng estado upang patahimikin ang sigaw para sa tunay na reporma sa lupa at supilin ang kanilang pagtutol sa pagpasok ng mga dayong kumpanya sa pagmimina, mga plantasyon at mga proyektong pang-imprastruktura sa ilalim ng “Build, Build, Build” ng rehimen. Kakambal ng pasismo ang burukrata-kapitalistang pandarambong ni Duterte at ng kanyang pamilya.
Malupit man at walang pakundangan, maling isiping hindi magagapi ang halimaw na si Duterte. Ang kanyang kabangisan ay tanda hindi ng lakas, kundi ng kahinaan at kawalang kakayahan niyang mamayani nang walang lumalaban sa kanyang kabuktutan.
Batbat sa krisis ang pundasyon ng kanyang paghahari. Sa likod ng kanyang bangis at astang walang kinatatakutan, labis na nangangamba si Duterte na sama-samang magbangon ang sambayanang Pilipino para sabay-sabay siyang itumba sa kanyang poder at papanagutin sa kanyang mga krimen at korapsyon.
Tuluy-tuloy na nagbabangon ang mamamayan ng Negros at ang buong sambayanang Pilipino. Sigaw nilang wakasan ang malupit na paghahari ni Duterte. Patuloy silang sumusulong sa landas ng paglaban. Dapat mahigpit na magkaisa at ibayong palakasin ang kanilang mga organisasyon bilang sandata para igiit ang kanilang mga karapatan at hinahangad na katarungan. Dapat itaas ang kamulatan ng lahat at patatagin ang determinasyon at tapang na lumaban.
Lubos na pinatatatag ang Partido at ang lahat ng rebolusyonaryong pwersa. Sila ang nasa gulugod at unahan ng pakikibaka ng buong sambayanan. Pinamumunuan ng Partido ang BHB upang bigwasan si Duterte at basagin ang kanyang pasistang pangil. Hinihikayat ng Partido ang buong sambayanan na makibaka at tapusin ang lahat ng kabuhungan ni Duterte at isulong ang rebolusyonaryong pakikibaka para itatag ang bagong sistemang panlipunan sa Pilipinas.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippinesand is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://cpp.ph/2019/08/07/wakasan-ang-lagim-ni-duterte-sa-negros-at-buong-pilipinas/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.