Tuesday, June 6, 2023

CPP/NPA-Kalinga: Pinakamataas na pagpupugay kay Kasamang Baliwag “Ka Bombo” Buccol: Huwaran ng katatagan at rebolusyonaryong diwang palaban!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Jun 6, 2023): Pinakamataas na pagpupugay kay Kasamang Baliwag “Ka Bombo” Buccol: Huwaran ng katatagan at rebolusyonaryong diwang palaban! (Highest tribute to Comrade Baliwag “Ka Bombo” Buccol: Model of stability and revolutionary fighting spirit!)
 


Tipon Gil-Ayab
Spokesperson
NPA-Kalinga
Ilocos-Cordillera Regional Operational Command (Chadli Molintas Command)
New People's Army

June 06, 2023

Mayo 30, 2023 | Pinakamataas na pagpupugay ang iginagawad ng buong rebolusyonaryong kilusan para kay Kasamang Baliwag “Ka Bombo” Buccol, martir at bayani ng Bagong Hukbong Bayan. Nagbuwis ng buhay si Ka Bombo sa isang labanan sa pagitan ng yunit ng BHB na kanyang kinapapalooban at pasistang tropang 50IB noong alas-kwatro ng hapon ng Mayo 03, 2023 sa Sityo Angod, Barangay Poswoy, Balbalan, Kalinga. Dalawa naman ang kumpirmadong nasawi sa hanay ng pasistang kaaway.

Makulay ang naging buhay rebolusyonaryo ni Ka Bombo. Nagmula sa tribong Guilayon, pinanganak siya sa Barangay Nambucayan, Tabuk City, Kalinga. Nagmula sa uring mahirap na magsasaka, hindi kailan man nakatapak si Ka Bombo sa burges na paaralan. Maaga siyang nasabak sa trabaho bilang mag-uuling noong sibilyan pa lamang siya. Dahil sa kalupitan ng kaaway kaya natulak si Ka Bombo na sumampa sa BHB. Pinaratangan siyang taga-suporta ng BHB at dumanas siya ng pandarahas at tortyur mula sa kaaway. Sa takot at galit na rin, na baka maulit uli ang nangyari si Ka Bombo mismo ang umugnay sa mga kasama na noon ay ilang baryo pa ang layo ng kinaroroonan mula sa lugar nila. Nagpursige siya hanggang makaugnay sa pangteritoryong yunit ng BHB, noong una ay bilang taguyod lamang hanggang sa napagdesisyunan niyang magpultaym taong 1992.

Sa loob ng 31 taong pagsisilbi sa sambayan, pinakamatingkad na katangian ni Ka Bombo ang katatagan sa hirap at rebolusyonaryong diwang palaban. Inabutan ni Ka Bombo ang yugto na nagwawasto ang rebolusyonaryong kilusan sa gabay ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto (IDKP) kung saan napakatindi ng demoralisasyon sa hanay ng Hukbo dulot ng mga kamalian ng dis-oryentasyon. Bultuhan ang naging pagbaba ng mga kasama, may panahong magigising na lang sila Ka Bombo na wala na ilang mga kasama sa kampo dahil nagsitakas na ang mga ito. Matindi rin ang naging reserbasyon at paniningil ng masa sa mga naiwang membro ng BHB dahil sa mga naging kalabisan noong dis-oryenyasyo pero lahat ng ito ay pursigidong hinarap nila Ka Bombo at mga kasamang nanindigan sa kawastuhan ng rebolusyon. Sila ang naging binhi ng muling pagbabagong-sigla ng rebolusyonaryong kilusan sa Kalinga.

Mula ng sumampa si Ka Bombo ay ni minsan di man lamang siya naghapag ng dalaw sa pamilya. Para sa kanya ay sapat ng malaman niyang nasa maayos silang kalagayan. May pangamba siyang kung malalaman ng kaaway na inuugnayan niya ang kanyang mga kapamilya ay baka sila naman ang pag-initan ng mga pasista. Hindi nagkamali si Ka Bombo dahil marami ng pangyayaring pamilya ng mga Pulang Mandirigma ang ginigipit, dinarahas at nilalapastangan ng pasistang kaaway para mapilitang mapasuko ang mga ito.

Sa tagal na ni Ka Bombo bilang Hukbo maraming masa ang nakakakilala sa kanya sa alyas na Liswag/Media/Supyat. Minsan nga ay napadpad ang yunit nila sa isang recovery area na halos dekada ng di nababalikan, may pagdududa ang masa sa mga kasama dahil nga mga bagong mukha pero ng makita nila si Ka Bombo ay nawala ang pangamba nila dahil naaalala pa nila ito mula noong huling nagpunta sa baryo nila. Hindi malilimutan ng masa ang taglay na kasipagan at husay sa handicrafts at pagkanta ng mga rev songs ni Ka Bombo. Dahil nga sa di siya nakapag-aral ay naging mahiyain at di gaanong masalita si Ka Bombo. Pero ang limitasyong ito ay di hadlang sa kanya para mahusay na makaprop sa masa, di man sa salita ay sa gawa. Tuwing nasa gawaing masa ang yunit, isa si Ka Bombo sa parating nagboboluntaryong pumunta sa masa para tumulong sa kanilang gawain sa produksyon. Magaling siyang maghabi ng bayong at gumawa ng mga kubyertos at iba pang handicrafts mula sa kahoy na madalas niyang ibinibigay sa mga masang nakakasalamuha. Kapag panahon ng mga pangkulturang aktibidad, hindi papahuli si Ka Bombo sa pagkanta ng paborito niyang “Armado a Pannakilaban” at iba pang kanta na naaral niya bilang bahagi ng literasi program ng yunit ng BHB.

Hindi magkakailang malaking puwang ang iniwan ni Ka Bombo sa kanyang pagkawala. Ang tatlong dekadang iginugol niya sa walang pag-iimbot at buong pusong pagsisilbi sa masa ay di matatawaran. Ngunit, iniwan naman niya sa atin ang inspirasyon at hamon na magpatuloy sa pagsusulong ng armadong pakikibaka. Hindi madali ang magrebolusyon pero patunay ang buhay ng mga kagaya ni Ka Bombo na sa pagkapit sa prinsipyo at masa at sa patuloy na pakikipaglaban ay tumatatag tayo at napapanday ang ating rebolusyonaryong diwang palaban. Nawa’y kapulutan natin ito ng aral at patuloy na ihanda ang sarili na tumangan ng mas mabibigat na responsibilidad at sakripisyo sa ngalan ng pagkamit sa isang lipunan may tunay na demokrasya at kalayaan.

Pagpupugay kay Kasamang Baliwag Buccol!
Pambansang minorya, itaguyod ang rebolusyon, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

https://philippinerevolution.nu/statements/pinakamataas-na-pagpupugay-kay-kasamang-baliwag-ka-bombo-buccol-huwaran-ng-katatagan-at-rebolusyonaryong-diwang-palaban/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.