Saturday, March 5, 2022

CPP/NPA-Southern Tagalog: Labanan ang pasismo ng estado! Kababaihan, sumapi sa NPA!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 5, 2022): Labanan ang pasismo ng estado! Kababaihan, sumapi sa NPA! (Fight state fascism! Women, join the NPA!)



ARMANDO CIENFUEGO
SPOKESPERSON
NPA-SOUTHERN TAGALOG

March 5 , 2022

Nagpupugay ang Melito Glor Command (MGC)-NPA Southern Tagalog sa lahat ng palaban at nakikibakang kababaihan ngayong ika-111 taon ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Sa harap ng patuloy na paghahasik ng pasismo ng rehimeng Duterte, patuloy na sumusulong ang kababaihan para ipagtanggol ang kanilang karapatan at ng buong bayan.

Pinakamataas na parangal ang iginagawad ng MGC sa mga dakilang martir ng rebolusyon sa rehiyon noong 2021 na sina Charity “Ka Rise” Diño na naging kagawad ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komiteng Rehiyon at Cristina “Ka Billy” Estocado mula sa uring manggagawa na pataksil na pinaslang ng estado sa isang reyd sa Laguna at sa iba pang mga dakilang martir ng sambayanan. Inspirasyon sila ng malawak na mamamayang Pilipino at Pulang mandirigma sa Timog Katagalugan upang patuloy na isulong ang rebolusyon hanggang tagumpay. Kasabay nito, pinagpupugayan din ng MGC ang daan-daang kababaihang Pulang kumander at mandirigma ng BHB na magiting na hinaharap ang bangis ng atake ng kaaway. Larawan sila ng katatagan at katapangan sa gitna ng napakaraming sakripiyo at kahirapan.

Sumisigaw ng katarungan ang buong bayan sa mga krimen ng rehimeng Duterte at AFP-PNP. Sa rehiyon, lalong pinaigting ng rehimen ang kontra-rebolusyonaryong gera laban sa sambayanan para lamang sa hibang na pangarap na lipulin ang rebolusyonaryong kilusan bago matapos ang termino sa Hunyo 2022. Nahihibang si Duterte na gumagamit ng todo-gera at terorismo para pigilan ang paglakas ng rebolusyon at putulin ang ugnayan ng masa at Hukbo.

Buktot na ginagamit ng AFP-PNP ang Anti-Terror Law upang maisagawa ang pasistang panunupil nito sa ngalan ng “paglaban sa terorismo”. Hindi rito pinalalampas kahit ang mga kababaihan. Noong 2021, may naitalang anim na kaso ng karahasan sa kababaihan at mga bata sa Timog Katagalugan. Kabilang dito ang kaso ng isang buntis na naagasan sa Brgy. Monteclaro, San Jose, Occidental Mindoro dahil sa matinding takot at sikolohikal na stress ng iligal na panghahalughog ng mga nag-ooperasyong sundalo at pulis sa kanilang tahanan. Bukod pa ang mga babaeng biktima na naitala sa iba pang mga kaso ng paglabag. Noong Marso 7, 2021, kasama sa pinatay ng rehimen sa Bloody Sunday si Chai Lemita, kasapi ng organisasayong pangkalikasan na Ugnayan ng Mamamayan Laban sa Pagwawasak ng Kalikasan at Kalupaan (UMALPAS KA) at iligal na inaresto sina Elizabeth “Mags” Camoral, tagapagsalita ng BAYAN-Laguna at Nimfa Lanzanas, kasapi ng KAPATID-TK. Kasama rin ang kababaihan at mga bata sa libu-libong lumilikas sa tuwing nagsasagawa ang AFP-PNP ng pambobomba sa himpapawid, panganganyon, pang-iistraping at walang puknat na FMO at RCSPO sa buong rehiyon.

Sa kabila nito, patuloy na nilalabanan ng kababaihan ang pasismo ng estado. Nagpupugay ang MGC sa katapangang ipinamalas ng kababaihan sa harap ng pasistang pang-aatake ng AFP-PNP. Kakapit-bisig nila ang malawak na hanay ng mamamayang nagsusulong ng anti-pasistang kampanya laban sa teroristang rehimen.

Nitong Enero, matapang na isiniwalat at inihabla ng isang menor-de-edad na babaeng biktima ng panggagahasa ng isang CAFGU at pagtortyur ng mga elemento ng 59th IBPA noong Hunyo 2020 ang kahayupan ng mga militar. Sinampahan nya ng kasong rape, serious illegal detention with rape, violence against women and children ang isang kasapi ng CAFGU na si Leoven Julita. Kinasuhan din ng biktima at kanyang mga kaanak ng paglabag sa Anti-Torture Act sina Gen. Antonio Parlade, hepe ng SOLCOM noong panahong iyon, MGen Arnulfo Burgos, dating kumander ng 2nd ID at Lt. Col. Edward Canlas ng 59th IBPA na may responsibilidad sa pangyayari bilang mga namumuno. Nagtamo ang krimen ng AFP ng kabi-kabilang pagbatikos, maging ng internasyunal na komunidad na humantong sa pagpataw ng US ng sangksyon sa mga sagad-saring pasistang heneral na sina Lorenzana, Esperon, Año, Sinas at Parlade. Nararapat itong tularan ng iba pang mga biktima ng paglabag sa karapatang tao, laluna sa hanay ng kababaihan.

Nararapat na tumindig ang mga kababaihan para ipagtatanggol ang kanilang mga karapatan. Kailangan nilang makiisa sa buong sambayanan sa paglaban sa pandarahas ng pasistang rehimen. Suportahan nila ang armadong rebolusyong isinusulong sa kanayunan at biguin ang anti-komunistang gera ni Duterte at ng NTF-ELCAC. Bukas ang mga yunit ng MGC na tanggapin ang mga makabagong kababaihang naghahangad ng pagbabago at nagnanais lumaban at ipagtanggol ang kanilang sarili sa pasistang estado.

Lagi’t laging kasama at katuwang ang kababaihan sa pagtatayo ng tunay na gubyerno ng mamamayan sa kanayunan at iba pang base ng rebolusyonaryong kilusan. Dito itinataguyod ang interes ng mga kababaihan at ang karapatan at kagalingan ng buong sambayanan para sa isang lipunang malaya, masagana at pantay-pantay.###

https://prwcinfo.wordpress.com/2022/03/05/labanan-ang-pasismo-ng-estado-kababaihan-sumapi-sa-npa/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.