MA. PATRICIA ANDAL
NDF-MINDORO
March 5, 2022
Mariing kinukundena ng NDF-Mindoro at buong mamamayang Mindoreño ang walang patumanggang pambobomba, panganganyon at pang-iistraping mula sa ere ng SOLCOM at 203rd Infantry Bde. sa kabundukang bahagi ng Brgy. Lisap, Bongabong, Oriental Mindoro.
Noong Pebrero 26, 2022 sa pagitan ng ala una at alas dos ng madaling araw binomba ng dalawang (2) FA50 ang mga pamayanan ng pambansang minoryang Buhid sa pagitan ng Alyanon at Nalbong, mga sityong nasasakupan ng Brgy. Lisap. Sinundan ito ng artillery shelling ng hindi bababa sa 10 bala ng Howitzer pagsapit ng alas 5 hanggang alas 7 ng umaga. Nang umagang iyon, sumahimpapawid ang dalawang (2) Blackhawk helikopter na nangligalig, nang-istraping at nagbaba ng tropa ng dalawang beses.
Kinabukasan, Pebrero 27, dalawang beses pang binomba ng Howitzer at muling nang-istraping ang dalawang (2) Blackhawk helikopter sa So. Gaang, Brgy. Lisap bandang alas-12 ng tanghali at naglapag ng tropa.
Noong Marso 1, pinulong ng mga berdugong militar ang mga pamayanang saklaw ng barangay at sapilitang pinasusuko ang mga minoryang Buhid. Tinakot na paliliparan ng kanyon ang mga sityo/pamayanan kapag hindi sumuko. Mala-batas militar ding kinontrol ang pamumuhay ng mga minorya nang takdaan sila ng curfew —maaari lang lumabas sa baryo tuwing alas-8 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon. Napakalaking epekto nito sa buhay at kabuhayan ng mga katutubo.
Mahigit isang buwan na ang walang puknat na mga operasyong militar sa mga bayan sa Timog Mindoro laluna sa mga bayan ng Bongabong, Roxas, Mansalay, San Jose at Rizal. Upang kamtin ang ibayong pagsinsin at pagtindi ng mga operasyon, idinagdag ang berdugong batalyong 68th IBPA at isang bahagi ng 80th IBPA.
Nangangarap ng gising ang mga pasista na malilipol nila ang rebolusyonaryong kilusan sa isla ng Mindoro bago magtapos ang pasistang rehimeng US-Duterte. Napakalaki ng interes ng mga naghaharing uri na dambungin ang likas na kayamanan sa isla sa Mindoro. Nais nilang bigyang laya ang operasyon ng mapangwasak sa kabuhayan at kapaligirang malakihang pagmimina, pagtatayo ng mga dam sa tabing ng diumanong Tamaraw Reservation Expansion Project. Batid nilang napakalaking sagka ang rebolusyonaryong kilusan sa mapandambong at mapangwasak na malalaking proyektong ito sa kalikasan.
Karapatan ng mamamayang Mindoreño at pambansang minoryang Mangyan na mabuhay nang mapayapa at malaya. Hindi nararapat na magdusa sila sa terorismo ni Duterte, na gamitin laban sa kanila ang mga modernong armas at sasakyang pandigma ng AFP habang hinahayaan nitong agawin ng mga dayuhan ang teritoryo ng West Philippine Sea. Hindi makatarungan para sa mamamayan na patawan ng walang kapantay na pandarahas kung mayroon sa hanay nila ang namumulat at lumalaban para sa kanilang mga karapatan, kung mayroon sa hanay nila ang hindi na makatiis sa kahirapan, pag-aaglahi at pagpapabaya ng inutil, kriminal, magnanakaw, sinungaling, pasista at tiranong rehimeng US-Duterte.
Ang rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng CPP-NPA-NDFP ay nagsikap para sa isang makabuluhang usapan upang lutasin ang ugat ng armadong labanan sa pagitan ng GRP at CPP-NPA-NDFP. Subalit walang pakundangang sinabotahe ng tiranong rehimeng Duterte ang usapang pangkapayapaan at tinugis ang mga konsultant ng CPP-NPA-NDF sa “peace talks”. Sukdulang ipinataw ang EO 70 upang buuin ang Inter-Agency Task Force (IATF) na de facto umaaktong hunta militar para sa walang sagkang panlulupig at proteksyon sa pansariling interes ng imperyalistang amo nito at ng sariling pamilya at kroni ni Duterte.
Nananawagan ang NDF-Mindoro sa lahat ng mamamayan sa isla, kasama na ang mga makabayang lingkod ng bayan na buong lakas na labanan ang terorismo at pandarambong na isinasagawa ng rehimeng Duterte sa isla ng Mindoro sa pamamagitan ng SOLCOM, 203rd Bde. at PNP-MIMAROPA. Tinatawagan rin ang mga panggitnang pwersa at tagapagtanggol sa mga karapatang-tao—mga institusyon, organisasyon, propesyunal at indibidwal na makipagkaisa sa mamamayang Mindoreno laluna mga pambansang minoryang Mangyan upang ilantad, tutulan, itigil at panagutin ang mga salarin ng terorismo ng rehimen laban sa mamamayan. Kailangan na idagdag ang mga pandarahas na ito sa 126,000 biktimang Mindoreño sa mga paglabag sa karapatang pantao at internasyunal na makataong batas ng GRP-AFP-PNP sa nakaraang tatlong taong (2019-2021) pananalasa ng JCP-Kapanatagan.
Gawing inspirasyon ang makasaysayang pagkakaisa at sama-samang pag-aalsa ng mamamayan sa EDSA noong Pebrero 25, 1986 na nagwakas sa 14 na taong teroristang paghahari ng diktadurang Marcos.
Ang tumitinding terorismo ng rehimeng Duterte ay nagpapatibay lamang sa pagiging makatarungan ng pambansa-demokratikong rebolusyong bayan.
Buong lakas na labanan ang terorismong hasik ng 203rd Bde at PNP-MIMAROPA sa isla ng Mindoro!
Labanan ang pagbubukas ng mapangwasak sa kabuhayan at kalikasang dayuhan at malakihang pagmimina!
Labanan ang Tamaraw Reservation Expansion Project! Ipagtanggol ang mga lupang ninuno!
Igalang ang karapatan sa pagpapasya sa sarili ng mga pambansang minorya!
Rebolusyon, hindi Eleksyon!
https://prwcinfo.wordpress.com/2022/03/05/binomba-kinanyon-at-inistraping-ng-solcom-at-203rd-brigade-ang-mga-pamayanang-buhid-sa-barangay-lisap-bongabong/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.