Saturday, March 5, 2022

CPP/NPA-Southern Tagalog: Katarungan sa mga biktima ng Bloody Sunday! Digmang bayan, isulong, paigtingin!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 5, 2022): Katarungan sa mga biktima ng Bloody Sunday! Digmang bayan, isulong, paigtingin! (Justice to the victims of Bloody Sunday! People's war, advance, intensify!)


ARMANDO CIENFUEGO
SPOKESPERSON
NPA-SOUTHERN TAGALOG

March 5, 2022

Mala-demonyo ang rehimeng Duterte at AFP-PNP sa paghahasik ng karahasan at pagpapalaganap ng kultura ng impyunidad sa bansa. Isang taon na ang nakalilipas mula nang maganap ang Bloody Sunday noong Marso 7, 2021 sa Timog Katagalugan (TK) subalit nananatiling mabagal ang pag-usad ng hustisya para sa mga biktima at kanilang mga kaanak. Pinakamasahol ay ang paggawad ni Duterte ng pabuya at proteksyon sa mga sangkot dito. Nararapat pagbayarin nang mahal ang rehimeng Duterte at AFP-PNP sa krimeng ito at iba pang inutang nilang dugo sa bayan.

Tinaguriang Bloody Sunday ang singkronisadong operasyon na Coplan Asval ng PNP-CALABARZON na pumaslang sa siyam na aktibista sa Cavite, Laguna, Batangas at Rizal noong Marso 7 ng nakaraang taon. Buktot na pinalalabas ng rehimeng Duterte na ito ay isang lehitimong operasyong “kontra-terorismo” gayong pulos mula sa mga ligal na organisasyon ang mga biktima. Maanomalya pa ang mga warrant na ginamit sa operasyon dahil wala ang rehiyon sa saklaw ng hurisdiksyon ng mga bayaran at pasistang huwes na nag-isyu nito. Lalong hindi kapani-paniwala ang ipinalalaganap ng mga berdugo na “nanlaban ang mga biktima kaya binaril” na sirang plakang palusot ng estado. Hindi ito katanggap-tanggap lalo sa mga kaanak ng biktima na saksi sa karumal-dumal na pagpatay.

Sa isang taong nagdaan, lalong nagpupuyos sa galit ang mamamayang ng TK at mga kaanak ng mga biktima ng Bloody Sunday dahil bukod sa hindi pa nakakamit ang hustisya ay nagpapatuloy pa ang kabi-kabilang paglabag ng AFP-PNP sa karapatang tao. Binubudburan pa ni Duterte ng asin ang kanilang mga sugat sa pagbibigay ng promosyon kay General Felipe Natividad na utak sa likod ng Bloody Sunday. Lalong namumuhi ang mamamayan ng rehiyon dahil malaya ang PNP-CALABARZON na magsagawa ng pasistang krimen nang walang pananagutan.

Samantala, malaking karuwagan ng AFP-PNP at rehimeng Duterte ang paggamit ng dahas ng estado laban sa sambayanan sa ngalan ng ipinatutupad nitong anti-komunistang gera laban sa CPP-NPA-NDFP. Desperado ang rehimeng Duterte na makamit ang pangarap nitong malipol ang rebolusyonaryong kilusan sukdulang idamay nila ang mga inosente at di-armadong mamamayan. Nais din nitong ikintal sa puso at isipan ng taumbayan ang takot at teror para supilin ang anumang lehitimong pakikibaka para sa karapatan at demokrasya. Ginagawa pa nilang tropeo ang mga biktima upang may ipagmalaking resulta sa marumi at madugong gera nito laban sa mamamayan.

Ang nagpapatuloy na terorismo at kawalang katarungan sa ilalim ng rehimeng Duterte ay lalong nagtutulak sa mamamayang tahakin ang pambansa-demokratikong rebolusyon at hanapin dito ang tunay na hustisya. Sa halip na matakot, nagngingitngit ang buong bayan sa pasistang diktadura. Kailangang patuloy nilang palakasin ang mga anti-pasistang kampanya upang labanan ang puting lagim ng estado. Dapat din nilang suportahan ang armadong rebolusyon bilang sandigan nila laban sa kamay-na-bakal ng estado.

Bukas ang mga larangan at yunit ng MGC-NPA ST sa mamamayang naghahangad ng katarungan at nagnanais na ipagtanggol ang sarili laban sa teroristang rehimen. Makakaasa ang malawak na sambayanan sa MGC sa paggawad ng rebolusyonaryong hustisya sa mga krimen ng AFP-PNP at ng rehimen. Pursigido ang mga Pulang mandirigma ng MGC na parusahan ang malupit na estado at labanan ang terorismo nito.

Patuloy na ilulunsad ng mga yunit ng NPA sa rehiyon ang paparaming bilang ng mga taktikal na opensiba para durugin ang kaaway at tanggalan sila ng kakayahang lumaban. Tangang inspirasyon ang mga dakilang martir ng sambayanan, determinado ang NPA-ST na itaas ang antas ng digmang bayan at isulong ang armadong rebolusyon hanggang tagumpay.#

https://prwcinfo.wordpress.com/2022/03/05/katarungan-sa-mga-biktima-ng-bloody-sunday-digmang-bayan-isulong-paigtingin/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.