Saturday, March 5, 2022

CPP/NPA-Palawan: MAREX22 sa Palawan, salaminan ng pagkubabaw ng imperyalismong US sa Pilipinas habang nagpapalakas sa Indo-Pasipiko

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 4, 2022): MAREX22 sa Palawan, salaminan ng pagkubabaw ng imperyalismong US sa Pilipinas habang nagpapalakas sa Indo-Pasipiko (MAREX22 in Palawan, a reflection of the rise of US imperialism in the Philippines while strengthening the Indo-Pacific)


ANDREI BON GUERRERO
SPOKESPERSON
NPA-PALAWAN
BIENVENIDO VALLEVER COMMAND

March 4, 2022

Kinukundena ng Bienvenido Valleber Command – NPA Palawan ang katatapos na Marine Exercises 2022 (MAREX22) ng Western Command (WesCom) at United States Marine Corps mula Enero 27 hanggang Pebrero 2. Bahagi ito ng pagpapahigpit ng kontrol ng imperyalismong US sa Pilipinas at pagtitiyak ng presensyang militar nito hindi lamang sa bansa kundi sa buong rehiyon ng Indo-Pasipiko para kontrahin ang mga pagsisikap ng China.

Ang MAREX ay isang taunang magkatambal na ehersisyong militar sa pagitan ng Pilipinas at US Marine Corps na may layuning paunlarin ang mga pinagsamang operasyon sa dagat at lupa. Kalakip nito ang pagsasanay sa pagpapagana ng mga kagamitang militar ng katambal na bansa, pagpapalitan ng mga eksperto at paglulunsad ng mga integradong operasyon sa dagat tulad ng search and seizure operations at taktikal na pagmamaniobra. Kabilang sa mga kalahok sa ilalim ng WesCom ang 3rd Marine Brigade (3MBde) at Marine Battalion Landing Team 4 (MBLT-4) na kapwa nakapakat sa lalawigan ng Palawan.

Lalo lamang pinalalala ng US ang matagal nang tensyonadong sitwasyon sa South China Sea sa pagitan ng China at mga bansang may lehitimong claim sa mga teritoryo rito kabilang ang Pilipinas. Inilalagay ng US ang Pilipinas sa balag ng alanganin sa paglulunsad ng mga kahalintulad na aktibidad para tuluy-tuloy na udyukan ang China na lalo namang nagpapalakas ng presensyang militar nito sa mga inaangking teritoryo. Sa halip na itulak ang China na dumaan sa diplomasya sa pagresolba sa mga sigalot, pinapaypayan pa ng US ang militaristang hakbangin ng China na lalong nagpapainit ng tension sa rehiyon, tulad ng ginawa niyang pang-uupat ng gera sa Europa sa pagitan ng Russia at Ukraine. Ito ay sa ultimong layunin ng US na tiyakin at pangalagaan ang geopulitikal na interes nito sa Asya-Pasipiko.

Samantala, mistulang tuwang-tuwa pa si Maj. Gen. Ariel Caculitan, komandante ng Philippine Marine Corps sa pagsasabing “lalahukan ang MAREX ng ating dayuhang counterpart at ating pangunahing alyado, ang United States Marine Corps, na malaon nang nagsasanay kasama natin at kabahagi natin sa tungkuling pangalagaan ang kapayapaan at seguridad sa rehiyon.”

Sa tabing ng pagpapaunlad ng pagresponde sa mga natural na kalamidad at pagpapalakas ng kakayahan sa mutwal na depensa, tiyak na nakabalangkas din ito sa pagtugon sa gera kontra “terorismo” ng imperyalismong US at rehimeng US-Duterte laban sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayang lumalaban.

Samantala, takot at pagkabahala ang idinulot ng MAREX sa mamamayang Palaweño. Paulit-ulit itong nagpapalipad ng mga helikopter sa bayan ng Brooke’s Point. Hindi rin ipinabatid ang nasabing ehersisyong militar sa mga residente na nagulat na lamang sa mga sasakyang panghimpapawid. Masahol pa, kinasangkapan ng mga militar ang lokal na gubyerno ng probinsya upang maisakatuparan ito.

Dapat mariing kundenahin ng mga Palaweño ang mga ehersisyong militar ng US sa Pilipinas! Ginagamit lamang na kasangkapan ng imperyalismong US ang kolonya at malakolonya nito para masunod ang imbing layuning maglunsad ng digma para sa kanyang kapakinabangan tulad ng nagaganap ngayon sa Europa sa pagitan ng Rusya at Ukraine. Maging mapagmatyag tayo sa mga maaaring maging aksyon ng US at pagkasangkapan nito sa Pilipinas para udyukang maglunsad ng gyera ang China. Kasunod nito, dapat igiit ng mamamayan ang isang malayang patakarang panlabas at ang pagwawakas sa mga tagibang na kasunduan ng Pilipinas at US na nagpapahintulot sa paggamit ng US sa Palawan at iba pang mga base militar sa bansa bilang forward military base at huling prontera ng imperyalistang dominasyon nito sa Timog Silangang Asya.

Kasabay nito, dapat patuloy na tutulan at labanan ng mamamayang Palaweño ang pagpapaigting ng FMO at RCSPO ng AFP-PNP sa kapinsalaan ng mamamayan sa probinsya! Wasto ang isinagawang pag-iingay at pagkwestyon sa social media ng mga Palaweño laban sa MAREX22. Bukod dito, dapat na tuluy-tuloy na makibaka ang mga Palaweño laban sa paghahasik ng terorismo ng estado, at pagprayoritisa ng rehimen sa paggastos sa modernisasyon ng AFP sa halip na para sa serbisyo sa mamamayan. Determinado ang BVC-NPA Palawan na patuloy na magpunyagi para labanan ang brutal na gera kontra-rebolusyon ng rehimeng Duterte. Wawakasan ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan ang pagiging malakolonya ng Pilipinas sa US at siyang magbibigay ng malakas na bigwas sa imperyalismo!

Ibagsak ang papet at pasitang rehimeng US-Duterte!
Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang CPP-NPA-NDFP!
Kamatayan sa imperyalismo!

https://prwcinfo.wordpress.com/2022/03/04/marex22-sa-palawan-salaminan-ng-pagkubabaw-ng-imperyalismong-us-sa-pilipinas-habang-nagpapalakas-sa-indo-pasipiko/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.