Sunday, February 27, 2022

CPP/NDF-Southern Tagalog: Mamamayan ng daigdig, magkaisa’t labanan ang monopolyo sa langis

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Feb 25, 2022): Mamamayan ng daigdig, magkaisa’t labanan ang monopolyo sa langis (People of the world, unite and fight the oil monopoly)



Patnubay de Guia
Spokesperson
NDF-Southern Tagalog
National Democratic Front of the Philippines

February 25, 2022

Dapat kundenahin ang mga imperyalistang bansa laluna ang Organization of Petroleum Exporting Countries sa pagmamanipula sa suplay at presyo ng langis para humuthot ng higanteng tubo. Labis nilang pinalalaki at ginagamit ang tensyon sa hangganan ng Russia at Ukraine upang ilusot ang pagpapasirit sa presyo ng langis. Resulta nito ang di na maabot na presyo ng mga produktong petrolyo at mga batayang bilihin na higit na nagpapahirap sa mamamayan ng daigdig laluna sa gitna ng pandemya.

Sa ngayon, lampas na ng $100 kada bariles ang presyo ng langis mula sa $65 kada bariles noong Disyembre 2021 na isa sa pinakamataas na inabot nito sa nakaraang pitong taon. Tuso nilang ikinakatwiran ang kasalukuyang girian sa Ukraine kung saan pinalalabas nilang may napipintong kakapusan sa mga produktong petrolyo kapag magsimula ang gera roon. Ibinubunton dito ng imperyalismong US ang sisi sa pagsirit ng presyo ng langis samantalang pinapaypayan naman ang tensyon sa hangganan ng Russia at Ukraine upang bigyang matwid ang papalaking gastusing militar at bentahan ng armas. Naglalaway ang US sa reserbang langis na makukuha nila sa Russia at mga kahanggan nitong bansa. Nais nitong ikonsentra ang suplay ng langis sa rehiyon at mamonopolyo ito sa pandaigdigang merkado. Bahagi ito ng iskema ng US upang talunin ang karibal nitong Russia na sunod sa US, ay ang pangalawa sa mga pinakamalaking exporter ng produktong petrolyo sa mundo.

Isa pang palusot na ginagamit ng mga monopolyo ang winter season o malamig na klima sa mga bansang nagsusuplay ng langis na diumano’y nagreresulta sa mas mahabang proseso ng produksyon ng langis. Dahil mababa ang suplay, natural lamang daw na tataas ang presyo nito ayon sa batas ng merkado, gayong sa katunayan, ang monopolyo sa suplay at produksyon ng langis ang pangunahing dahilan kaya arbitraryong naitatakda ang presyo nito. Gusto lamang samantalahin ng sakim na kartel sa langis ang pagtaas ng demand para sa langis kasabay ng pagbubukas ng mga pagawaan matapos ang paghupa ng mga restriksyong kaugnay ng pandemyang COVID-19.

Pinalalala ng kalagayang ito ang krisis na dinaranas ng mga mamamayan sa daigdig. Sa Pilipinas, pumalo ang implasyon ng 3% noong Enero bunsod ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Mula lamang nitong Enero, naitala na ang P4.70/litro netong pagtaas ng gasolina, P7.95/litro sa diesel at P7.20/litro sa kerosene. Hindi na maabot ng mamamayang Pilipino ang presyo ng mga pangunahing bilihin habang kinakaharap ang malawakang kawalan ng trabaho at mababang sahod ngayong pandemya. Dagdag pang pahirap ang mga neoliberal na polisiya gaya ng Oil Deregulation Law, TRAIN Law at paniningil ng value added tax (VAT) at expanded VAT. Binigyang-luwag ng mga batas na ito ang mga kumpanya ng langis na magpakasasa sa tubo sa kapinsalaan ng mamamayan.

Ginagatungan ng monopolyo sa langis ang pagkamuhi ng masang anakpawis sa imperyalismo kaya’t sumisiklab ang malalaking pagkilos sa iba’t ibang panig ng mundo. Nagprotesta ang mga mamamayan sa mga bansang France, Kazakhstan at iba pa upang tutulan ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa kanilang bansa. Tuluy-tuloy rin ang pagkundena ng mga progresibo at rebolusyonaryong pwersa sa Pilipinas sa mga kumpanyang nagtataas ng presyo ng langis at gayundin laban sa inutil na gubyerno. Inspirasyon ang mga tinurang pakikibakang bayan para pag-ibayuhin ang paglaban sa imperyalismo.

Nakikiisa ang NDFP-ST sa panawagang buwagin ang monopolyo sa langis ng mga imperyalistang bansa. Panahon nang magbigkis ang mamamayan sa buong daigdig upang tanggalin sa kamay ng iilan ang kontrol sa napakahalagang rekursong esensyal sa produksyon at pang-araw-araw na pag-iral ng lipunan. Kasabay nito, dapat palakasin ang pakikibaka para ibasura ang mga neoliberal na patakaran at mga di-pantay na kasunduan sa kalakalan at patakaran sa pagbubuwis na nagpapauna sa interes sa tubo ng iilan kaysa sa pangangailangan ng sangkatauhan.

Lumilinaw ang pangangailangang palitan ng bagong sistema ang parasitikong sistemang panlipunan upang maipagkaloob sa mamamayan ang kanilang mga demokratikong interes at kahilingan. Samakatuwid, ang lumalalang krisis ng monopolyo kapitalismo ang naglalapit sa mamamayan ng daigdig sa landas ng rebolusyong may sosyalistang perspektiba.###

https://cpp.ph/statements/mamamayan-ng-daigdig-magkaisat-labanan-ang-monopolyo-sa-langis/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.