Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jun 27, 2021): Mag-aarmas ang mamamayan laban sa terorismo ng estado
RAYMUNDO BUENFUERZASPOKESPERSON
BICOL REGIONAL OPERATIONAL COMMAND (ROMULO JALLORES COMMAND)
NEW PEOPLE'S ARMY
JUNE 27, 2021
Hindi nakapagtatakang desperado nang manawagan ang mga terorista at pahirap na gaya ni Duterte na mag-armas ang sibilyang populasyon. Lantad na lantad na ang pangangatog ng kanyang tuhod sa harap ng lumalakas na armadong paglaban ng mamamayan. Ngunit, hindi na kailangang udyukan ang mamamayang mag-armas. Ilang siglo na nila itong ginagawa at ginagamit upang ipagtanggol ang kanilang mga sarili – nga lamang, hindi upang pagsilbihan ang naghaharing uri, kung hindi upang isulong ang kanilang makatwirang digma. Buong higpit na tinatanganan ng mamamayan ang kanilang armas upang wasakin ang kasalukuyang sistema at itayo ang panibagong tunay na magsisilbi sa kanila.
Kailanman, hindi pipiliin ng mamamayang maging bahagi ng madugong gera at ipahamak ang kanilang kapwa. Bakit nila tutulungan ang mga pumaslang sa kanilang mga kamag-anak? Paulit-ulit silang naging saksi sa pagdanak ng dugo at pagsikil ng mga karapatan dulot ng gera kontra-droga, lockdown at iba pang operasyong militar at pulis at kawalan ng hustisya. Hindi kailanman sasayangin ng mamamayan ang kanilang buhay at lakas upang ipagtanggol ang isang estadong pumiga ng kanilang pawis at dugo para sa pagpapayaman at pagpapalakas ng kapangyarihan ng iilan.
Ngunit mayroong makatwirang dahilan ang mamamayang mag-armas. Sa mahigit limang dekada, sinusuportahan at linalahukan nila ang digmang bayan dahil ito ang nagbibigay sa kanila ng lakas upang ipagtanggol ang kanilang sarili mula sa tunay nilang kaaway – ang mga papet na kinatawan ng naghaharing-uri gaya ni Duterte at ang buong makinarya ng pasistang estado, ang malalaking panginoong maylupa, burgesya kumprador at mga imperyalistang kapangyarihan. Mulat, kusa at mapagpasya silang nag-aarmas para sa demokratikong rebolusyong bayan dahil handa silang itaguyod at ipagtanggol ang demokratikong interes nila at ng kanilang kapwa inaapi’t pinagsasamantalahan. Ito ang nagbibigay ng superyoridad at lakas sa rebolusyonaryong digmang ilinulunsad ng CPP-NPA-NDFP kumpara sa gerang iwinawasiwas ng AFP-PNP-CAFGU laban sa mamamayan.
Patuloy na lalakas at lalawak ang suporta ng mamamayan para sa digmang bayan hangga’t umiiral ang mga kundisyong nagtutulak sa kanilang magrebolusyon – ang walang puknat na pang-aapi at pagsasamantala sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na sistema ng lipunan. Para sa pagsulong at pananagumpay ng digmang bayan, higit na magpapakahusay ang mga kumander at mandirigma ng RJC-BHB Bikol sa pagsasapraktika ng taktikang gerilya at panghahawakan ang disiplinang bakal ng BHB.
Hinihikayat ng RJC-BHB Bikol ang sinumang nasa wastong edad, mayroong maayos na pangangatawan at pag-iisip at handang magsilbi sa taumbayang tumangan ng armas at maging bahagi ng makatarungan at makatwirang digma ng mamamayan. Bukas ang mga yunit ng Pulang hukbo at mga sonang gerilya kahit sa mga elemento ng AFP-PNP-CAFGU na handang magpanibagong-hubog at tunay na gampanan ang kanilang panatang ipagtanggol ang mamamayan.
Sama-sama, wawakasan at papanagutin ng mamamayan ang tiranong paghahari ni Duterte. Sama-sama, mag-aarmas sila upang makamit ang katarungan at kalayaan.
Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!
Sumampa sa Bagong Hukbong Bayan!
Ibayong isulong ang digmang bayan!
https://cpp.ph/statements/mag-aarmas-ang-mamamayan-laban-sa-terorismo-ng-estado/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.