Thursday, January 14, 2021

CPP/NPA-Mindoro: Helikopter ng SOLCOM, matagumpay na inambus ng NPA-Mindoro!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jan 13, 2021): Helikopter ng SOLCOM, matagumpay na inambus ng NPA-Mindoro!

MADAAY GASIC
SPOKESPERSON
NPA-MINDORO (LUCIO DE GUZMAN COMMAND)
SOUTHERN TAGALOG REGIONAL OPERATIONAL COMMAND (MELITO GLOR COMMAND) NEW PEOPLE'S ARMY

JANUARY 13, 2021



Matagumpay na inambus ng isang tim ng LDGC-NPA Mindoro ang helikopter ng 203rd Brigade na may lulang matataas na opisyal ng SOLCOM. Naisagawa ang matagumpay na opensiba ng NPA sa So. Mantay, Brgy. Monte Claro, San Jose Occidental Mindoro bandang alas-10:30 ng umaga noong Enero 9.

Pinaulanan ng putok ng mga pulang mandirigma ang helikopter habang papalapag ito upang ibaba ang mga matataas na opisyal ng SOLCOM. Dahil tinamaan ng mga putok ng NPA ang nasabing helikopter, agad itong tumalilis. Ligtas namang nakaatras ang yunit ng NPA na nagsagawa ng operasyon.

Naganap ito sa eksaktong araw na itinakdang pagbisita ni General Antonio Parlade Jr. sa sityo Mantay upang humarap sa mga pekeng surrenderees, pasinayaan ang mga pekeng proyekto sa pamayanan at muling ipangalandakan na paubos na ang CPP-NPA-NDF sa Mindoro at sa buong bansa.

Dahil sa taktikal na opensibang ito, dali-daling humugos pauwi habang mabigat na gwardyado ng kanyang tropa ang hambog na si General Parlade kasama ang matataas na opisyal ng NTF-ELCAC at ng Provincial Task Force -ELCAC sa pangunguna ni Governor Ed Gadiano na nauna nang nailapag ng bagong biling helikopter na S70i BlackHawk. Naglakad na lamang ang mga pasistang opisyal militar at opisyal ng Local Government Unit (LGU) pauwi imbes na muling gumamit ng helikopter.

Ang matagumpay na operasyon ng LDGC-NPA-Mindoro ay patunay ng pagkasuklam ng mamamayang Mindoreño sa nagpapatuloy na pang-aabuso sa karapatang-tao ng 203rd Brigade. Matatandaang ilang beses nang ginamit ng 203rd Brigade ang mga helikopter upang bombahin, walang habas na pagbabarilin at takutin ang mga katutubong Mangyan sa mga bayan ng Victoria, Socorro, Bongabong, Roxas, Mansalay ng Oriental Mindoro; Magsaysay, San Jose, Calintaan, Rizal at Sablayan ng Occidental Mindoro noong 2020.

Nagsisilbing mensahe ito laban sa mga kasinungalingang ibinabandila ng berdugo at hambog na si General Parlade. Taong 2017 nang buong yabang na idineklara ng nasabing heneral na tatapusin niya ang CPP-NPA-NDFP sa Mindoro sa loob ng dalawang taon. Sa pagkumahog na makamit ang hibang na planong ito, hindi simpleng pahirap ang ginawa niya sa mga Mindoreño habang siya ang kumander ng 203rd Brigade-Phil Army sa isla mula 2015 hanggang 2018.

Sa panahon ni Parlade bilang kumander ng 203rd Brigade pinatindi ang panganganyon, pambobomba at strafing sa mga komunidad at sakahan ng mga magsasaka at katutubong Mangyan. Hinadlangan niya ang daloy ng pagkain [food blockade] sa mga pamayanan    saanman may engkwentro sa pagitan ng pwersa ng AFP-PNP at mga NPA kahit magutom ang mamamayan dito.

Hindi makakalimutan ng mga Mindoreño ang ginawa ni Parlade na pagharang ng pagkain sa kabila ng pananalasa ng epidemyang tigdas sa mga pamayanan na nagdulot ng pagkamatay ng ilandaang mga bata at kabataan. Inokupa ng mga berdugong tropa niya ang mga pampublikong pasilidad sa mga pamayanan na labag sa batas ng digma at CARHRIHL (Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law).

Animo’y martial law ang ginawang pagkontrol sa mga residente ng mga    pamayanan. Kabilang sa hangal na patakaran nila ang pagbawal na pumunta sa kaingin    ang mga magsasaka at katutubo dahil nagpapakain diumano ng NPA. Ipinagbawal din ang pagpausok sa mga kaingin sa dudang ipinagluluto ng mga masa ang NPA roon. Sa kabundukan, hindi iilang kaso ang ginawa nilang pagsilab ng mga tirahan ng mamamayan na pinagdudahan ng militar na nagpapatuloy sa mga NPA. Naging karaniwang gawa na lamang sa mga tropang hawak ni Parlade ang iligal na pag-imbestiga kasabay ng mental at pisikal na pagtortyur sa mga lider ng katutubo at lahat ng pinaghihinalaan nilang may kinalaman sa rebolusyonaryong kilusan.

Pananagutan ni Parlade at ng 203rd Brigade sa mga Mindoreño ang libong dinahas, sapilitang pinasuko, iligal na ininteroga, tinortyur, sapilitang pinalikas at pinaslang. Ito ang tunay na mukha ng mga mersenaryong sundalo ni Duterte na nagpapanggap na mababait sa ilalim ng pamumuno ng pasista at hambog na si Parlade.

Hindi titigil ang LDGC sa paggampan ng kanilang sagradong tungkulin na ipagtanggol ang pambansa at demokratikong interes ng sambayanang Pilipino. Sa tulong ng mamamayan, isasakatuparan nito ang mga taktikal na opensiba upang igawad ang rebolusyonaryong hustisya sa mga pangunahing kapural at salarin sa mga krimen laban sa mamamayan.

Gagawin ng mga rebolusyonaryong Mindoreño ang lahat upang hawanin ang landas sa pagpapabagsak ng diktador at teroristang rehimeng US-Duterte! ###

https://cpp.ph/statements/helikopter-ng-solcom-matagumpay-na-inambus-ng-npa-mindoro/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.