Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Nov 23, 2020): Ang larawan ng terorismo ng AFP-PNP sa panahon ng kalamidad
CLEO DEL MUNDOSPOKESPERSON
NPA-QUEZON
APOLONIO MENDOZA COMMAND
SOUTHERN TAGALOG REGIONAL OPERATIONAL COMMAND
MELITO GLOR COMMAND
NEW PEOPLE'S ARMY
NOVEMBER 23, 2020
Sa nakaraang halos isang buwan, kasabay ng mapaminsalang bagyo sa lalawigan ng Quezon, ay ang mga engkwentro sa pagitan ng New People’s Army at Armed Forces of the Philippines.
Matapos manalasa ng bagyong Quinta, isang engkwentro ang nangyari sa Barangay Lavidez, General Luna noong hapon ng Oktubre 29. Dalawa pang labanan ang naganap sa Barangay Lahing at Barangay San Nicholas, Macalelon pagkatapos namang manalasa ng bagyong Ulysses noong umaga ng Nobyembre 12 at hapon ng Nobyembre 15.
Sa pananalasa ng Bagyong Rolly, Siony at Tonyo, nagkakailan pang pag-atake ng mga sundalo ang iniwasan ng NPA para magsaalang-alang sa kalagayan ng mga barangay na nasalanta ng bagyo.
Sa mga naturang labanan, walang tinamong pinsala sa panig ng pulang hukbo, taliwas ito sa balita na inilabas ng AFP na may 12 kaswalti ang NPA kabilang ang mga babaeng gerilya sa isang labanan sa Macalelon.
Sa kabilang banda, maraming mapagkakatiwalaang ulat mula sa mga residente ng barangay ang nagsabing may namatay bukod pa ang sugatan sa panig ng reaksyunaryong hukbo ng 59IB at 85IB sa naturang tatlong labanan.
Napabalita rin na buo-buong barangay ng Lavidez sa General Luna at barangay P.Herrera, Lahing, Malabahay, San Vicente at San Nicholas sa Macalelon ang pinalikas ang sibilyang mamamayan at ngayon ay okupado ng sundalo ang nasabing mga lugar. Kabi-kabila ang pagpapakalat ng balita na sosonahin para bombahin ang mga nasabing barangay.
Resulta nito, hindi nakakapunta sa kanilang sakahan ang mga residente, nagpapatupad ang AFP-PNP katulong ang LGU ng mahigpit na checkpoint, blokeyo sa pagkain at iba pang mapanggipit na hakbang sa mga bayan ng Macalelon, General Luna, Lopez at Catanauan.
Maging ang relief and rehabilitation operation ng mga humanitarian groups na nagmula sa simbahan at pribadong institusyon ay hindi pinapahintulutan ng lokal na pamahalaan kasabwat ang mga sundalo at pulis dahil lamang sa paghihinalang may kaugnayan ito sa mga progresibong samahan.
Noong Nobyembre 14, naging biktima ng pagpaslang si Mando Buisan na dating kagawad ng Barangay Magsaysay, General Luna. Si Buisan ay sapilitang pinasuko ng 85IB noong nakaraang taon matapos maaresto sa kanyang bahay si Alex Pacalda.
Katawa-tawang ibinibintang ngayon ng AFP sa NPA ang pagpaslang kay Buisan, gayong may malinaw silang babala sa asawa ng biktima na “Aminin mo nang NPA ang pumatay sa asawa mo. Wala yang pakinabang sa amin. Kung tinanggap niya ang pera na ibinibigay namin hindi iyan mangyayari sa kanya.”
Para sa kaalaman ng publiko, walang anumang pagkakasala si Mando Buisan sa CPP-NPA, kahit pa totoong pumaloob siya sa programang pagpapasuko ng AFP-PNP. Walang dahilan ang rebolusyunaryong kilusan para patayin ang dating mabuting kagawad ng barangay.
Bukod rito, ilang residente ang iligal nang inaresto ng sundalo, tinakot, sinaktan at sapilitang pinapaamin na may kaugnayan sila sa CPP-NPA. Kabilang sa kanila ang isang myembro ng kooperatiba sa Barangay Recto ng General Luna, Ruel Paminian ng Barangay San Nicholas, at si Dante Lorella ng Barangay P. Herrera ng Macalelon.
Noong umaga ng Nobyembre 15, sa Barangay Olongtao Ilaya, Macalelon, walang-habas na pinagbabaril ng mga sundalo ang dalawang pinaghinalaan nilang NPA na muntik-muntikan nang ikadamay ng mga residenteng sibilyan at kanilang kabahayan.
Sa kalagayang ito, lubhang nababahala ang rebolusyunaryong kilusan sa naging epekto sa mamamayan ng pinabangis na focused military operations sa lalawigan dahil sa pagkukumahog ng AFP na kamtin ang utos ng rehimeng US-Duterte na durugin ang CPP-NPA bago matapos ang 2020.
Nadudurog ang aming puso para sa magsasaka ng Quezon dahil sa patuloy na pagkakait ng mga sundalo sa batayang karapatan nila para sa pagkain at kabuhayan. Sinalanta na nga ng magkakasunod na bagyo ang mamamayan ng lalawigan, walang kahihiyan ang Southern Luzon Command ng AFP na unahin ang gyera laban sa NPA sa halip na seryosong gawin ang tungkulin ng mga armadong organisasyon sa panahon ng kalamidad at krisis — maghatid ng tulong at pansamantalang ihinto ang operasyong kombat.
Malayo pa sa pagkalutas ang pandemyang Covid-19, at sa gitna ng kalunos-lunos na kalagayan ng mamamayan pagkatapos ng pananalanta ng mga bagyo ay walang pagsasaalang-alang na naglulunsad ng gyera ang sundalo ni Duterte — ito ang tunay na larawan ng terorismo.
Nananawagan kami sa buong rebolusyunaryong kilusan sa lalawigan na gawin ang ubos-kayang mga paraan upang salagin, labanan at biguin ang pinakahuling pagtatangka na rehimeng US-Duterte na durugin ang rebolusyunaryong base ng CPP-NPA.
Kailangang patuloy na magtiwala sa masang api sa mga pulang purok. Kailanman ay hindi mananagumpay ang pamamaraang pananakot at paghahasik ng teror ng halimaw na sundalo at pulis ni Duterte. Kailanman ay hindi maaagaw ang puso at isipan ng maralitang anakpawis na para sa kanilang pulang hukbo.
Pagkatapos ng mga nagdaang unos, ito ang panahon ng sama-samang pagbangon ng mamamayan para biguin ang JCP-Kapanatagan ng AFP-PNP at pabagsakin ang rehimeng US-Duterte.#
https://cpp.ph/statements/ang-larawan-ng-terorismo-ng-afp-pnp-sa-panahon-ng-kalamidad/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.