Propaganda news story posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Nov 24, 2020): KASAMA-CPDF binigyang-pugay si Wilfredo “Ka Hoben” Aloba, isang mahusay na guro ng masang anakpawis
Matagumpay at ligtas na nailunsad ang parangal para kay Wilfredo “Ka Hoben” Aloba sa isang lugar sa Kordilyera nitong Nobyembre 2020 sa pangunguna ng Kalipunan ng Samahan ng mga Mala-Manggagawa-Cordillera People’s Democratic Front (KASAMA-CPDF).
Si Ka Hoben ang isa sa mga nagpunla ng binhi sa kilusan ng maralitang tagalunsod na kalauna’y umunlad tungo sa kilusang mala-manggagawa sa Kordilyera. Ang kanyang tiyaga, talas at husay sa pagbibigay ng pag-aaral ay nagsibing susi sa tuloy-tuloy na konsolidasyon at paglawak ng kilusang maralitang lunsod. Halos limang dekada niyang ginugol ang kanyang buhay para sa pambansa demokratikong rebolusyon. Si Ka Hoben ay namatay sa karamdaman noong Nobyembre 9, 2019.
“Ang pagtitipon ay naglalayong gunitain ang buhay at mga kontribusyon ni Ka Hoben at bigyan ito ng pagkilala at pagpupugay.” ayon kay Ka Ezer, Tagapangulo ng KASAMA-CPDF. Dagdag pa niya, ”Napapanahon ang pagtitipon upang magbigay inspirasyon at lakas sa bawat isa sa harap ng matindi at mahirap na kalagayang kinakaharap ng rebolusyonaryong kilusan at ng masang anakpawis.”
Ibinahagi ni Ka Siony, malapit na kaibigan at matagal na kasamahan ni Ka Hoben na mahusay at matatag na ginampanan ni Ka Hoben ang kanyang mga rebolusyonaryong gawain sa harap ng mahirap na kalagayan. Aniya, “Tampok na kalakasan ni Hoben ang pagbibigay ng pag-aaral at ang mahusay na pakikitungo sa mga kasama, sa kanyang mga pinamumununan, at higit sa lahat sa masang anakpawis na kanyang pinaglingkuran.” Dagdag pa, “Ang kanyang pagsisilbi sa masang anakpawis at pambansang minorya sa rehiyon, kapwa sa kalunsuran at kanayunan, ay tunay na kahanga-hanga at dapat magsilbing hamon at insipirasyon sa bawat isa.”
“Ipinamalas ni Ka Hoben hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay ang katangian ng isang mahusay na komunista.” ani ni Ka Tera, dating kasamahan ni Ka Hoben.
Ibinahagi rin ang kasalukuyang kalagayan, pagsisikap, at hamon na kinakaharap ng rebolusyonaryong kilusan at ng masang anakpawis. Ayon kay Ka Namnama, “Para sa ating nabubuhay pa, walang ibang daan kung hindi ipagpatuloy ang laban na sinimulan at niyakap ni Ka Hoben at ng iba pang nauna sa atin. Sa kasalukuyan, tumitindi ang panunupil ng pasistang estado, ang kawalan ng medikal na solusyon sa pagharap sa pandemya, ang kapabayaan ng gubyerno sa mga biktima ng kalamidad, at ang pagyurak sa kabuhayan ng mga mamamayan. Ang rebolusyonaryong kilusan ng masang anakpawis sa rehiyon ay nasa higit na pagsisikap upang pangingibabawan ang mahirap na kalagayan at mga kahinaan sa nakaraan upang patuloy na magkamit ng mga tagumpay at maisulong ang digmang bayan sa mas mataas na antas.”
Dinaluhan ang pagtitipon ng mga kaibigan, mga dating kasamahan, at mga kasapi ng KASAMA-CPDF. Nakadalo rin ang mga kabataa’t estudyanteng kasapi ng Kabataang Makabayan-DATAKO. Mahigpit namang isinaalang-alang ang mga protokol sa seguridad at kalusugan para sa kaligtasan ng lahat ng dumalo sa aktibidad.
Ang pagtitipon ay nagtapos ng may mataas na kapasyahan at optimismo upang patuloy na lumahok at sumuporta sa pambansang demokratikong rebolusyon sa iba’t ibang pamamaraan.###
https://cpp.ph/statements/kasama-cpdf-binigyang-pugay-si-wilfredo-ka-hoben-aloba-isang-mahusay-na-guro-ng-masang-anakpawis/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.