Sunday, November 22, 2020

CPP/NDF-ST-KM: Sumulong sabay sa rebolusyonaryong agos!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Nov 22, 2020): Sumulong sabay sa rebolusyonaryong agos!

VICTORIA MADLANGBAYAN
SPOKESPERSON
KABATAANG MAKABAYAN-LAGUNA
NDF-LAGUNA | NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

NOVEMBER 22, 2020


Militanteng pagbati mula sa Kabataang Makabayan Laguna!

Ang lipunan na hindi nababahid ng rebolusyon ay isang lipunan na kailanma’y hindi magbabago. Sentral sa bawat lipunan ang paglipas ng mga luma at umaagnas na tradisyon at ang pagsulong ng bayan tungo sa mas mataas at makabagong antas.

Umuugong ang progresibo at rebolusyonaryong diwa sa probinsya ng Laguna, at sa buong bansa. Sa bawat araw ng pagpatuloy ng rehimeng US-Duterte sa kaniyang kahibangan, patuloy rin na napupukaw at sumusulong ang diwang mapanlaban ng sambayanan.

Sa kabila ng mga mapanupil na atake ng mga pasistang mersenaryo, patuloy na nagkakaisa ang mamamayan sa Laguna tungo sa makabayang hangarin. Kasabay nito, patuloy ring lumalakas ang rebolusyonaryong kilusan sa lahat ng sektor at uri. Sa kabila ng mga operasyong militar ng mga reaksyunaryo, napapatunayan ng Partido Komunista at ng Bagong Hukbong Bayan ang kanilang tapang at lakas, na nagmumula sa mahigpit na pagsandig nito sa masa.

Bangkarote at hungkag ang lahat ng mga pakanang atake ng pasistang estado! Alam nila na kailanma’y hindi nila matatalo ang diwang rebolusyonaryo ng sambayanan, kung kaya’t kinukuntento nila ang sarili nila sa pagtugis sa demokratikong kilusang masa. Binabalot nila sa “kontra-insurhensya” ang mga atake sa mga organisasyong masa at mga lider nito, at nagpapanggap sila na ito ay mga “tagumpay” laban sa naglalagablab na kilusan.

Dalawa ang hangarin ng mga payaso. Una, layunin nilang takutin at sindakin ang masa mula sa pagpapahayag ng kanilang saloobin. Umaasa sila na sa ganitong paraan, mapapatahimik ang mamamayang may lehitimong mga panawagan, at maipagpatuloy nila ang pansarili nilang interes.

Alinsunod dito, ginagamit ng mga reaksyunaryong pwersa ang buong lakas ng estado: ang pulis, militar, korte, mga batas at mga institusyon ng gobyerno, upang supilin ang karapatan ng mamamayan at ipagtanggol ang interes ng mga dambuhalang komprador at panginoong maylupa.

Ito ang rason kung bakit tahimik ang estado sa kabila ng patuloy na panununog at pagpapalayas ng Ayala Land sa mga magsasaka sa Sitio Buntog, Hacienda Yulo. O kaya kung bakit iligal na dinetina ng pinagsamang tropa ng PNP at AFP ang 11 na aktibista noong Hulyo 4 sa Brgy. Pulo, Cabuyao. Nalalantad ng mga atakeng ito ang katangian ng estado bilang nagsisilbi lamang sa sariling interes at sa interes ng naghaharing sistema.

Ang pangalawang layunin ng mga reaksyunaryong pwersa ay nais nilang ihiwalay ang rebolusyonaryong kilusan mula sa masa. Umaasa sila na sa pamamagitan ng sustenidong black propaganda at paninindiak ay isusuka ng mamamayan ang Partido, ang Hukbo, at ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa na sumusuporta sa kanila tulad ng KM.

Ito ang rason kung bakit patuloy na pinapasok ng pulis at militar ang mga pamantasan at komunidad sa huwad na balangkas ng “Kabataan Kontra Droga at Terorismo”, kung bakit pinipilit na “pinapasuko” nila ang mga manggagawa mula sa Coca-Cola bilang mga “kasapi ng NPA”, o kung bakit inuubos nila ang pera ng bayan sa mga tarpaulin at pahayag na pilit na kinukunekta ang mga ligal na organisasyon sa rebolusyonaryong kilusan.

Hindi magtatagumpay ang mga pakanang ito. Patunay ng ilang dekada ng rebolusyonaryong pakikibaka na hindi mahihiwalay ang isda sa tubig na linalanguyan niya — na hindi mahihiwalay ang Partido sa masang buong-pusong yumayakap sa kanya. Sa katunayan, lalong lumalakas ang kilusang masa sa bawat pagkakataon na tinatalikuran ng estado ang tungkulin nitong magsilbi sa bawan, at kasabay nito, ang patuloy na pagpapalakas ng pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosysalistang perspektiba.

Habang kuntento na magpatuloy si Duterte sa pagsunod sa kaniyang mga dayuhang amo, magpapatuloy rin ang pagkilos ng mamamayan. Habang nagpapatuloy ang mga katulad ni SOLCOM chief Antonio Parlade sa panggigipit sa mga magsasaka at mamamayan sa Laguna, patuloy tayong bibigwas at lalaban.

Kasalukuyang tungkulin ngayon ng kabataan na lumahok sa pambansa-demokratikong pakikibaka. Sa bawat panahon, ang lugar ng kabataan ay sa harap ng pakikibaka, kasama ang mga pinaka-aping uri ng lipunan.

Paalabin natin ang diwa at ala-ala nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto na nagsulong ng makatarungang pakikibaka laban sa mga Kastila noong Rebolusyon ng 1896! Isulong natin ang rebolusyonaryong simulain nina Rizalina Ilagan at Melito Glor na nangahas na lumaban kontra diktadurang US-Marcos! At ipagpatuloy natin hanggang sa tagumpay ang digmaang kung saan inialay nina Jeramie Garcia, John Carlo Alberto, at libu-libo pang martir ng sambayanan ang kanilang buhay.

Ngayong huling kwarto ng 2020, tungkulin natin ngayon na i-angat ang pakikibaka tungo sa mas mataas na porma. Lumalala ang krisis ng bayan bunga ng pasismo, terorismo ng estado, at lantarang kapabayaan. Danas ito ng kabataan sa porma ng pagtalikod ng CHED, DepEd, at mismo ni Duterte sa pangangailangan ng kabataan sa edukasyon.

Bilang mga rebolusyonaryo, tungkulin nating i-abante ng makatarungang paglaban ng sambayanan para sa kanilang karapatan tungo sa paglutas sa tunay na ugat ng kahirapan: ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo. Hindi mahihiwalay ang usapin ng pambansang demokrasya sa krisis na kinakaharap ng sambayanang Pilipino.

Dakilang hamon sa lahat ng rebolusyonaryong kabataan-estudyante na sumandig sa masang anakpawis. Patuloy na mamulat at imulat ang masa sa mga problemang danas nila sa pang araw-araw. Magsagawa ng mga malawakang pulong masa, study circle, educational discussion, konsultasyon, at iba pang porma ng gawaing edukasyon. Suriin ng mabuti ang konkretong kalagayan ng kabataan sa mga pamantasan at komunidad, at kasama silang magbuo ng solusyon at kampanya na tutugon sa kanilang mga batayang suliranin.

Patuloy na mag-organisa at magpukaw ng limpak-limpak at daan-daang rebolusyonaryo sa ating hanay. Hamigin at magrekluta ng pinakamalawak na bilang ng kasapi ng KM na handa ring isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon. Sa mga rebolusyonaryo sa kalunsuran, patuloy na umugnay sa masa sa kanayunan at tumugon sa kanilang batayang problema. Isapuso ang linyang masa at yakapin ng buo ang diwang sakripisyo para sa masa.

Paalon tayong kumilos habang patuloy na nagmumulat at nag-oorganisa. Kasama ng sambayanan, patuloy na igiit ang mga batayang karapatan sa lahat ng sektor, at kasama dito, ipanawagan ang pagkabagsak ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo. Hingin sa kagyat ang pagpapatalsik sa numero unong terorista ng bayan na si Rodrigo Duterte.

Bilang kabataan, tayo ang susi sa pagpapatuloy at pagsulong ng rebolusyon. Patuloy tayong sumulong kasabay ng rebolusyonaryong agos ng sambayanan, patungo sa tagumpay!

https://cpp.ph/statements/sumulong-sabay-sa-rebolusyonaryong-agos/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.