Thursday, July 16, 2020

CPP/NPA-Palawan: Pananakot ng PAF – WESCOM sa mga Sibilyang Residente, Kinukundena ng NPA Palawan!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jul 15, 2020): Pananakot ng PAF – WESCOM sa mga Sibilyang Residente, Kinukundena ng NPA Palawan!

SALVADOR LUMINOSO
SPOKESPERSON 
NPA-PALAWAN
BIENVENIDO VALLEVER COMMAND
NEW PEOPLE'S ARMY

JULY 15, 2020



Nakarating sa aming pagkakaalam ang ginagawang panghaharas at pananakot ng mga elemento ng Philippine Air Force sa mga residenteng naninirahan sa nasasakupan ng AFP – WesCom Reservation, at dahil sa sukdulang kasamaan ginagamit ng mga mersenaryong ito ang pangalan ng New People’s Army!

Nagkakalat ang PAF-TOW-West ng teror sa mga sibilyang tumututol sa iligal na pagbabakod at pagpapasara ng WesCom sa daanan ng mga residente. Dobleng talim, ito dahil kasabay nang malisyosong paggamit sa pangalan ng NPA ay palihim silang nag-susurbeylans kung sino ang mga aktibong residente na tumututol sa kanilang ginagawang panggigipit.

Hindi kataka-takang gamitin ng AFP – PAF ang pangalan ng NPA upang mapalapit sa masa, pagkat alam nilang NPA ang sinusulingan ng mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan ng gobyerno. Mapag-imbot nila itong ginawa upang lansihin at kunin ang tiwala ng mga taong alam nilang lalaban sa ngalan ng kanilang karapatan para sa lupang panirikan. Sa gayon ay walang kahirap hirap nilang ma-nyutralisa at ma-patahimik ang mga kritiko ng WesCom na diumano, naninindigan para sa kanilang karapatan sa disenteng pamamahay at lupang panirikan.

Naninindigan ang NPA Palawan na hanggat hindi nasosolusyunan ang mga kronikong krisis ng lipunang mala-kolonyal at mala-pyudal, patuloy na magiging iskwater ang mga Palawenyo sa sariling bayan nito. Walang kumprehensibong programa para sa pabahay ang gobyerno ni Jose Chavez Alvarez (JCA) at higit na binibigyang pabor ang mga army reservation upang pagbigyan ang kapritso ng mga pasistang sundalo.

Wala ring kabalak-balak si JCA na bigyan ng libre o abot-kayang disenteng pamamahay ang mga Palawenyo na sa panahon ng krisis sa pandemyang Covid-19 ay isinasabay pa ang mga demolisyon sa iba’t ibang parte ng Palawan. Maraming Palawenyo ang inalisan ng pangunahing kabuhayan sa ngalan ng ispekulasyon sa lupa at eko-turismo. Alam na alam ng mga Palawenyo kung paano sila pinahihirapan ng pagkiling sa dayuhan at malalaking negosyante ng mga pamahalaang lokal at maging ng pamahalaang panlalawigan.

Ipinapaabot ng Bienvenido Vallever Command ang mahigpit na pakikiisa sa mga Palawenyong ginigipit sa kanilang lupang panirikan, hindi malayong umabot ito sa kasukdulang magtangan din sila ng armas upang ilaban ng buhay at kamatayan ang kanilang panirikan at kabuhayan. Sa paghagupit pa ng todo teror at atake ng estado gamit ang binalangkas na Anti-Terror Law, tiyak na lalong mahihiwalay ang rehimeng US – Duterte sa mamamayang Pilipino! Habang ang pangil ng batas na ito ay nakaturol sa mamamayang naninindigan para sa kanilang batayang karapatan laging bukas ang rebolusyunaryong kilusan para sa mga mamamayang api at malaon ng pinagsasamatalahan ng bulok na reaksyunaryong gobyerno.

Mga Palawenyo, magkaisa at ipagtanggol ang karapatan sa panirahan at kabuhayan!

Mabuhay ang Sambayanang Lumalaban!
Mabuhay ang CPP-NPA-NDFP!
Mabuhay ang Rebolusyon!

https://cpp.ph/statement/pananakot-ng-paf-wescom-sa-mga-sibilyang-residente-kinukundena-ng-npa-palawan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.