Monday, April 24, 2017

CPP/NDF-PKM: Paigtingin ang mga pakikibakang magbubukid, buwagin ang mga asyenda at isulong ang rebolusyong agraryo!

NDF-PKM propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Apr 23): Paigtingin ang mga pakikibakang magbubukid, buwagin ang mga asyenda at isulong ang rebolusyong agraryo!



Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid

24 April 2017

Ang laban sa Hacienda Luisita, gaya ng sa iba pang malalawak na lupaing pag-aari at kontrolado ng malalaking panginoong maylupa at dayuhang korporasyon, ay salamin ng maigting na buhay-at kamatayang pakikibaka ng magsasakang Pilipino laban sa pyudal at mala-pyudal na pagsasamantala at pasismo ng estado.

Nararapat na panghawakan ng mga magsasaka ang pinagtibay na pusisyon ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) para sa libreng pamamahagi lupa na isang mayor na resulta ng nakalipas na ika-apat na serye ng usapang pangkapayapaan.

Ito ay bunga ng matibay na pagiggiit at pakikibaka ng masang magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa na kinatatampukan ng mga masisiglang pakikibakang magbubukid sa buong bansa.

Ang panawagang libreng pamamahagi ng lupa ay magpapapakilos sa milyun-milyong mga magsasaka at manggagawang bukid para sa higit na pagpapalawak ng baseng masa ng rebolusyon, pagpapalakas at pagpapasaklaw ng Pulang kapangyarihan pampulitika sa kanayunan at pagrerekluta ng pinakamaraming mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan.

Bitbit ang panawagang ito, ilang ulit na mapalalaki ang kasapian ng mga pambansa demokratikong samahang magsasaka, mangingisda, kababaihang magbubukid, mga manggagawa sa agrikultura at kabataan sa kanayunan.

Gayundin, makakabig nito sa rebolusyon ang kasapian ng iba pang organisasyong magsasaka, mga tradisyunal na samahan ng agrarian reform beneficiaries, at iba pa. Mapapanday ang maraming mga lider-magsasaka at masang aktibista mula sa kampanya para sa libreng pamamahagi ng lupa.

Ang mga manggagawa, kabataan at estudyante, propesyunal, taong-simbahan, kababaihan at iba pang progresibong sektor ay mainam na makipamuhay sa mga magsasaka at magsulong ng rebolusyong agraryo sa kanayunan. Likhain natin ang malakas na anti-pyudal na kilusang masa sa buong bayan.

Laban sa Hacienda Luisita

Ngayong Abril 24, 2017, ookupahan ng mga magsasaka, manggagawang bukid at mga taga-suporta ng Hacienda Luisita ang binakurang bahagi ng malalawak na lupain na patuloy na inaangkin ng mga Cojuangco-Aquino at mga kasosyo nito. Dati na itong binubungkal ng mga magsasaka mula 2004-2005, sa panahon ng welga at masaker sa Hacienda Luisita.

Ang sama-samang bungkalan sa Hacienda Luisita ay militanteng paraan ng paggigiit ng karapatan sa lupa. Limang taon na mula nang magdesisyon ang Korte Suprema na ipamahagi ang lupain ng asyenda, ngunit wala pa ring kontrol sa lupa ang mga magsasaka at tinaguriang “benepisaryo.”

Muling gumawa ng iba’t-ibang maniobra ang pamilyang Cojuangco-Aquino upang hindi maipamahagi ang lupa sa mga magbubukid. Isinagawa ang huwad at mapanlinlang na ‘tambiolo raffle land reform’ noong 2013, nagtambak ng mga militar at gwardya sa buong Hacienda Luisita upang harasin at takutin ang mga magbubukid at mamamayan. Nilansi at binulok ang ilang lider-magsasaka upang manghati sa hanay ng mga taga-Luisita.

Sumanib na rin ang pamilyang Lorenzo ng Mindanao sa mga Cojuangco-Aquino bilang isang pangunahing mamumuhunan ng Central Azucarera de Tarlac. Pinalaganap ang masahol na sistemang ‘aryendo’ o leaseback upang tuluyang mawalan ng kontrol sa lupa ang mga magsasaka.

Ang marahas na mga maniobra ng mga panginoong maylupa at mga internal na kahinaan ng kilusan sa loob mismo ng Hacienda Luisita ang sumagka sa naipundar na lakas at paglaban ng mga magsasaka at manggagawang bukid. Ang rebolusyonaryong kilusan ay nakahandang magwasto upang harapin ang mga hamon sa muling pagpapasigla at pagpapaigting ng pakikibaka.

Paigtingin ang mga pakikibakang magbubukid at rebolusyong agraryo

Sa mga susunod na buwan, ilulunsad pa ang mas maraming bungkalan at okupasyon ng lupa, kampuhan at barikadang magsasaka sa mga malalawak na hacienda at landholdings.

Paiigtingin din ang mga kampanya at pakikibakang anti-pyudal sa mga malalawak na dayuhang plantasyon, mga minahan, mga lupaing inireserba para sa mga pamantasan at militar, mga lupaing kinakamkam ng mga panginoong maylupa, burgesya kumprador at iba pa. Magpapakilos ng libu-libo sa mga aksyon at protestang magsasaka sa mga probinsya at rehiyon.

Isasagawa ang mga ito nang may malinaw na direksyon sa pagkakamit ng mas maraming tagumpay sa minimum na programa ng rebolusyong agraryo kabilang ang pagpapababa ng upa sa lupa at pagpawi sa usura, pagpapatataas ng presyo ng mga produktong bukid, pagpapataas ng sahod at pagpapabuti ng kalagayan ng mga manggagawang bukid at iba pang ganansyang makakabenepisyo sa milyun-milyong pamilyang magsasaka, manggagawa sa agrikultura at pambansang minorya sa buong kapuluan.

Ang panawagang “Buwagin ang mga Hacienda” ay dadagundong sa pagpapaigting ng antipyudal, anti-pasista at anti-imperyalistang pakikibaka ng mamamayan.

Bibiguin natin ang Oplan Kapayapaan at ang pasismo ng estado na pumapaslang sa mga magsasaka, pambansang minorya at mamamayan sa kanayunan. Umaabot na sa 50 ang biktima ng mga pampulitikang pamamaslang at 48 dito ay mga magsasaka. Ang pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa ay tigib ng dugo ng mamamayan subalit handa nating harapin ang lahat ng kahirapan at sakripisyo.

Isulong ang rebolusyong agraryo! Pataasin ang antas ng rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan!
Ipatupad ang rebolusyonaryong reporma sa lupa sa mas masinsin at malawak na saklaw!
Magsasaka at manggagawang bukid, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Biguin ang Oplan Kapayapaan ang pasismo ng estado!
Isulong ang digmang bayan sa mas mataas na antas!

https://www.philippinerevolution.info/statements/20170424-paigtingin-ang-mga-pakikibakang-magbubukid-buwagin-ang-mga-asyenda-at-isulong-ang-rebolusyo

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.