Monday, April 24, 2017

CPP/Ang Bayan: 4 na magsasaka, pinatay

Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Apr 21):4 na magsasaka, pinatay

APAT NA MAGSASAKA ang pinatay, isang estudyante ang dinukot at libu-libo ang pinalikas sa mga operasyong militar sa nakaraang dalawang linggo. Sa kabila ng mga ito, walang naparurusahan sa mga salarin, bagkus ay kinukupkop at hinihikayat pa ng rehimeng Duterte sa isinasagawang mga operasyong mapanupil.
Nitong Abril 21, alas-7 ng umaga, walang habas na pinagbabaril ng mga elemento ng 39th IB ang tatlong sibilyan sa Sityo Macadis, Brgy. Datal Biao, Columbio, Sultan Kudarat. Papunta ang naturang mga sibilyan sa gubat upang mangaso ng kanilang pagkain. Agad na namatay sina Jorry Peles, 27, at Macmac Peles, 13. Malubhang sugatan naman ang 19-taong gulang na si Jurry Lavella. Sa Davao del Norte, binaril si Elias Pureza, 60, sa loob ng kanyang bahay sa Purok Palmera, Barangay Mamangan, San Isidro, bandang alas-8 ng gabi noong Abril 6. Si Pureza ay aktibong kasapi ng Samahang Magsasaka sa San Isidro, at nakapaloob sa Pederasyon sa mga Mag-uuma ug Lumad sa Agusan ug Davao. Samantala, iligal na inaresto ng 60th IB si Maui Bago, 21-taong gulang na Lumad sa Sitio Natulinan, Palma Gil, Talaingod. Inaresto siya matapos siyang ituro ng Alamara, isang grupong paramilitar, bilang kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Isinailalim siya sa interogasyon, kinulata at binimbin ng mahigit 24 na oras bago pinakawalan. Sa Compostela Valley, binaril din ng mga ahente ng militar sa ilalim ng 71st at 46th IB si Bernardo Calan Ripdos, magsasaka na nakatira sa Barangay Sangab, Maco noong April 8. Kasapi ng Hugpong sa mga Mag-uuma sa Walog Compostela (HUMAWAC) si Ripdos. Sa Abra, tinangkang harangin ng mga elemento ng 24th IB ang mga myembro ng Cordillera Human Rights Alliance na magsasagawa ng imbestigasyon sa mga naganap na paglabag sa karapatang-tao sa barangay ng Buanao, Umnap, Lat-ey at Mataragan sa Malibcong, Abra noong Abril 4. Inokupa ng 24th IB ang mga barangay ng Umnap, Lat-ey at Mataragan. Sa Buanao, nilimitahan ng mga sundalo ang kilos ng mga residente sa kanilang komunidad. Sa Panay, nagsagawa rin ng imbestigasyon ang Alyansa ng Panay para sa Karapatan at ang National Union of People’s Lawyers noong Abril 6-8 para idokumento ang mga paglabag sa karapatang-tao sa Cabatangan, Lambunao sa Iloilo. Iniulat ng mga residenteng katutubo na inokupa ng 61st IB ang kanilang lugar at mistulang nakapailalim sila sa batas militar. Apektado rito ang 30 pamilya. Sa Nueva Ecija, pinaputukan ng mga armadong kalalakihan ang mga magsasakang myembro ng Alyansa ng Mamamayang Nagkakaisa sa 3,100 sa Sityo Minalkot, Brgy. San Isidro, Laur noong Abril 16, alas-5 ng hapon. Apat sa labingwalong magsasaka ay mga menor de edad. Binubungkal nila ang lupang noong pang 1991 idineklarang dapat ipamahagi ng Department of Agrarian Reform.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info.  Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/2017april21-4-na-magsasaka-pinatay/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.