Monday, April 24, 2017

CPP/Ang Bayan: Welga sa mga plantasyon ng saging, matagumpay

Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Apr 21): Welga sa mga plantasyon ng saging, matagumpay

Welga sa mga plantasyon ng saging, matagumpa             
 
Dalawang welga ng mga manggagawa sa plantasyon ng saging sa Compostela Valley ang naipagtagumpay nitong nakaraang linggo.

Nagwagi ang welga ng Maparat-Montevista Workers’ Union na inilunsad noong Abril 18 laban sa iskemang “pakyawan” ng dambuhalang Sumitomo Fruits Corporation (Sumifru). Sa isang pormal na areglo noong 2015, pinagkasunduan nang ipagbawal ang iskemang ito dahil nagpapaliit sa kita ng mga manggagawa. Sa loob lang ng 13 oras, napilitan ang Sumifru na harapin ang mga manggagawa at ipatigil ang sistemang “pakyawan.” Sa Brgy. Kingking, Pantukan, nagtagumpay din ang Musahamat Workers Labor Union noong Abril 19 laban sa pambubuwag ng Musahamat Farms, Inc. sa kanilang unyon at pagpapatupad ng kumpanya ng iskemang “gardening system.” Ikinasa nila ang welga noong Abril 12 upang tutulan ang iskemang lalong nagpapasidhi sa di-makataong kundisyon sa trabaho dahil pinipilit ang isang manggagawa na solong i-mentina ang limang klase ng gawain sa tatlong ektaryang sagingan. Ang sobrang trabahong ito ay nagresulta sa pagkaka-ospital ng ilang myembro ng unyon. Upang buwagin ang unyon, iligal ding tinanggal ang dalawang upisyal ng unyon matapos nilang tutulan ang paglilipat ng trabaho. Dahil sa welga, naibalik sa trabaho ang dalawang upisyal ng unyon at napagkasunduang ibaba sa 2.5 ektarya at apat na klase ng gawain na lang ang imementina ng isang manggagawa. Magsasagawa rin ng time and motion study ang unyon at DOLE upang imbestigahan ang epekto ng “gardening system” sa mga manggagawa. Bago nito, nagwelga ang mga manggagawa ng Shin Sun Tropical Fruit Corp. noong Abril 6. Noong Abril 8 naman, ikinasa ng Freshmax Workers Union ang welga sa harap ng ilang buwang hindi pagpapasahod ng kumpanya sa kanila, hindi pag-entrega ng pondo ng unyon at pagpapahinto ng trabaho dahil umano sa welga ng mga manggagawa ng katabing Shin Sun TFC. Pilit na itinatago ng maneydsment na iisa ang may-ari ng Freshmax Corp at Shin Sun TFC. Hindi natinag ang hanay ng welga ng dalawang unyon sa harap ng bantang pagbuwag ng mahigit 60 armadong pulis na ipinadala ng kumpanya noong Abril 19. Sa kabuuan, mahigit 800 manggagawa sa plantasyon ng saging ang lumahok sa mga welgang ito. Naglunsad naman ng kani-kanilang kilos-protesta ang mga manggagawa sa iba pang mga planta at plantasyon ng saging sa prubinsya bilang suporta sa nagwelgang mga unyon. Sa pamumuno ng Banana Industry Growers and Workers Against Sumifru (Bigwas) at ng National Federation of Labor Unions-Kilusang Mayo Uno (NAFLU-KMU), naglunsad ng protesta bilang simpatya sa nagwewelgang mga manggagawa ang walong unyon noon ding Abril 18. Halos isang libong manggagawa ang nakiisa at nagsagawa ng pagtigil sa trabaho at slowdown sa kani-kanilang mga planta at plantasyon ng saging sa prubinsya. Malaganap na pinaiiral ng mga dayuhang kapitalista sa mga plantasyon sa Compostela Valley ang mga neoliberal na patakarang nagtitiyak ng kanilang dambuhalang kita samantalang binubusabos ang mga manggagawa at nilalabag ang kanilang karapatang mag-unyon. Sa Musahamat Farms Inc. noong nakaraang taon, nagprotesta rin ang mga manggagawa nang sinuspinde ng maneydsment nang 30 araw ang mga myembro ng unyon matapos manalo ang MWLU sa certification election (CE). Ang CE ang nagtatakda sa isang unyon bilang upisyal at nag-iisang negosyador sa kapitalista para sa dagdag na sahod, karapatan, at iba pa. Partikular sa mga plantasyong hawak ng Sumifru, liban sa iskemang pakyawan, ilang taon na ring nirereklamo ng mga manggagawa sa planta at plantasyon ng saging nito ang malawakang kontraktwalisasyon sa pamamagitan ng mga huwad na kooperatiba at ahensya sa paggawa, pagmamatigas na kilalanin at makipagnegosasyon sa kanilang mga unyon at paglabag sa mga pamantayan ng makataong kundisyon sa trabaho gaya ng patuloy na paggamit ng nakamamatay na pestisidyong Omega sa mga packing plant nito. Ngunit para sa mga unyonista rito, sadyang kakambal na ng pagiging manggagawa ang paglaban sa mga pakana ng kapitalista. “Patunay itong nagpapatuloy ang laganap na militanteng paglaban ng mga manggagawa sa agrikultura sa mga di-makataong iskema, sukdulang pambubusabos at pambubuwag sa mga unyon na kagagawan ng mga dayuhang kapitalista,” anang isang welgista. Mula noong 2013 matapos salantain ang Compostela Valley ng Bagyong Pablo, halos kada taon ay may ikinakasang welga, slowdown o protesta ang manggagawa sa plantasyon ng saging sa harap ng iba’t ibang porma ng panggigipit ng mga may-ari nito. “Paulit-ulit, sinubukan kaming buwagin ng kapitalista pero tinatalo namin sila. Kahit pa man nilalabanan namin ang pambubusabos at pagsasamantala ng kapitalista, alam naming magtatagal pa ang pakikibakang ito dahil patuloy ding tinuturing ng mga kapitalista dito ang unyon na malaking balakid sa kanilang inaasam na supertubo,” wika ng isang unyonista noong 2015.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info.  Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/2017april21-welga-sa-mga-plantasyon-ng-saging-matagumpay/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.