Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Apr 21): Kundenahin ang sabwatang Lapanday-PNP!
MAILAP PA RIN ang inaasam na lupa ng mga magsasaka ng Madaum Agrarian Reform Beneficiaries, Inc. sa Tagum City, Southern Mindanao.
Mismong kalihim ng Department of Agrarian Reform (DAR) ng GRP na si Rafael “Ka Paeng” Mariano ang sumama upang pormal na ibalik ang 159 magsasaka sa 119.25-ektaryang lupa sa Brgy. Madaum noong Abril 18. Ngunit hindi pa man nakakapasok sa erya, nalantad na sa mga magsasaka at sa DAR, kasama ng libu-libong mga taga-suporta nila mula sa iba’t ibang panig ng rehiyon, ang hayagang sabwatan ng makapangyarihang pamilya ng mga Lorenzo na may-ari ng Lapanday Foods Corp. at ng Philippine National Police (PNP). Mahigit 700 armadong gwardya ng LFC, kabilang ang mga bayarang paramilitar na Lumad, ang nakabantay sa portipikadong tarangkahan ng plantasyon. Tumanggi ang PNP na sumama sa DAR sa kabila ng usapan sa espesyal na komite ng prubinsya na itinalagang tumulong sa pagbabalik. Nangako si Sec. Mariano na gagawin ang lahat para mabawi ng mga magsasaka ang lupang ilang dekada nang ginawang gatasan ng tubo ng pamilyang Lorenzo. Hanggang ngayon, nakakampo pa rin ang mga magsasaka kasama ng dumating na mga taga-suporta nila sa harap ng LFC at nanawagan kay GRP Pres. Rodrigo Duterte na mamagitan para sa kapakanan ng mga magsasaka. Samantala, nagbabala ang NDFP-SMR sa pamilyang Lorenzo at PNP laban sa paggamit ng dahas upang pigilan ang mga magsasaka na maangkin ang kanila lupa. Ayon kay Rubi del Mundo, tagapagsalita ng NDFP-SMR, “handa at kayang depensahan ng demokratikong gubyernong bayan ang mga magsasaka sakaling humantong ang sitwasyon sa pagkakait ng karapatan nilang angkinin ang lupa.” Hindi ito ang unang pagkakataon na kinasabwat ng mga panginoong maylupa ang PNP sa Davao del Norte upang pigilin ang makatarungang pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka. Noong 2014, naipanalo ng 112 magsasaka ng Checkered Farms Employees Agrarian Reform Beneficiaries Association, Inc. ng Brgy. Tibungol, Panabo City, Davao del Norte ang kanilang kaso sa Korte Suprema ng Pilipinas. Pinagtibay ng korte ang kanilang karapatan sa 281-ektaryang lupa na ginawang plantasyon ng saging. Nang pigilan ng higit-kumulang 200 armadong gwardya ng katabing plantasyon ng Tagum Development Corporation (TADECO) ang pagpasok ng mga magsasaka sa plantasyon, mismong ang PNP ang umatras at tumangging ipagtanggol ang karapatan ng mga magsasaka.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/2017april21-kundenahin-ang-sabwatang-lapanday-pnp/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.