Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Feb 21): Malaganap na mga aksyong militar ng BHB (Extensive military actions of the NPA)
Masiglang ipinagtanggol ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang mga rebolusyonaryong base at mga sonang gerilya sa pananalakay ng AFP, PNP at iba pang grupong militar. Ito ay mula nang iatas ng Pambansang Kumand sa Operasyon ng BHB na maglunsad ng aktibong depensa hanggat hindi pa natatapos ang tigil-putukan, at ng mga taktikal na opensiba oras na lubusan na itong mawalan nang bisa.
Mula Pebrero 1 hanggang 10, hindi bababa sa 15 aksyong aktibong depensa ang nailunsad ng mga yunit ng BHB sa buong bansa. (Tingnan sa Ang Bayan, Pebrero 7.) Nang magtapos na ang tigil-putukan, nagtala naman ng di-bababa sa walong taktikal na opensiba sa iba’t ibang dako ng kapuluan. Dalawampung armas ang nasamsam mula sa mga ito.
Ilan sa mga aksyong militar ang sumusunod:
Southern Mindanao Region. Isang kumpanya ng mga Pulang mandirigma ang sumalakay sa detatsment ng 72nd IB sa Sityo Binaton, Brgy. Malabog sa Paquibato District, Davao City, bandang alas-5:30 ng umaga noong Pebrero 16. Tugon ang opensibang ito sa kahilingan ng mga residente na parusahan ang mga bayarang tropa na nagsilbing tagapagpadaloy at tagapagtanggol sa bentahan ng iligal na droga sa distrito at palibot na lugar. Binigyang seguridad nila noon si Neptali Alfredo Pondoc, kilalang opereytor ng negosyo sa droga na pinarusahan ng BHB noong Enero 23. Isang sundalo ng 72nd IB ang namatay sa labanan at ilan ang nasugatan. Isang Pulang mandirigma naman ang namartir.
Bandang alas-4 ng hapon, tinambangan ng BHB ang rumerespondeng komboy ng limang trak na KM450 ng 3rd IB. Bumaligtad ang tatlo sa trak nang pasabugan ang mga ito sa Brgy. Lamanan sa Calinan District. Hindi bababa sa pitong sundalo ang namatay at mahigit sampu ang sugatan. Pagkalipas ng kalahating oras, dalawang trak ng rumerespondeng tropa ng 3rd IB ang muling pinasabugan sa Brgy. Lacson, Calinan District, kung saan dalawa sa tropang AFP ang patay at 17 ang sugatan.
Nagulantang naman ang isang nag-ooperasyong platun ng 28th IB, nang tambangan ito ng mga Pulang mandirigma ng ComVal–Davao Gulf Subregional Operations Command sa Brgy. New Visayas, Lupon, Davao Oriental bandang alas-8 nang umaga ng Pebrero 14. Lima ang kumpirmadong patay at marami ang sugatan. Ilang oras matapos nito, sa isang tsekpoynt sa Purok Upper Waywayan, Brgy. Don Mariano Marcos sa parehong bayan, dalawang paramilitar ang naaresto ng isa pang yunit ng BHB. Sina Rene Doller, 34, at Carl Mark Nucos, 24, kapwa myembro ng 1st Platoon, 4th CAAC sa ilalim ng 72nd IB, ay nakumpiskahan ng kani-kanilang isyung kalibre .45 pistola at nasa kustodiya ngayon ng BHB bilang mga bihag sa digma.
Alas-9 naman nang umaga, sa Matupe, Kitaotao, Bukidnon, sinalubong ng putok ng mga Pulang mandirigma ang pinagsanib na operasyon ng 72nd CAFGU at Alamara.
Bago nito, bilang bahagi ng pagtanggol sa sarili laban sa pananalakay ng kaaway noong panahon ng tigil-putukan, inilunsad ng mga yunit ng BHB ang mga operasyon para sa aktibong depensa. Noong Pebrero 9, apat sa nag-ooperasyong sundalo ng 60th IB ang malubhang nasugatan nang paputukan sila ng isang tim ng Pulang Bagani Company (PBC) sa kabundukan ng Sityo Patong, Brgy. Langtud, Laak, Compostela Valley.
Noong Pebrero 6, tinambangan at napatay si Edwin Hijara, isang kasapi ng CAFGU ng 39IB habang nangunguna siya sa operasyong paniktik sa Brgy. Balite, Magpet, North Cotabato. Bahagi ito ng operasyong kombat ng mga tropa ng 39th IB. Pinaputukan naman ng mga tim ng panlarangang yunit ng BHB ang mga nag-ooperasyong tropa ng 71st IB sa Sityo San Roque, Brgy. New Cortez, New Corella, Davao del Norte, kung saan isang sundalo ang patay at pito ang malubhang nasugatan.
Noong Pebrero 9, tatlong KM450 trak ng mga tropa ng 67th IB na nagresponde sa naunang engkwentro ang pinasabugan ng isang tim ng PBC sa Sityo Daw-an, Brgy. San Jose, Caraga, Davao Oriental.
Panay. Noong Pebrero 7, bandang alas-6 ng umaga, inambus ng isang platun ng BHB-Panay sa ilalim ng Jose Percival Estocada Jr. Command (JPEC) ang 16-kataong nag-ooperasyong tropa ng 61st IB sa Sityo Tina, Brgy. Acuña, Tapaz, Capiz. Dalawa ang kumpirmadong namatay at apat ang nasugatan sa kaaway, habang ligtas na nakamaniobra ang mga Pulang mandirigma. Nasamsam ng BHB ang isang M4 na may M203 grenade launcher.
Noong Pebrero 4, bandang alas-11 nang umaga, inisnayp ng isang yunit ng JPEC ang mga tropa ng 61st IB na nakakampo sa barangay hall ng Brgy. Cabatangan, Lambunao, Iloilo. Ligtas ding nakaatras ang yunit ng BHB matapos ang aksyon.
North Central Mindanao. Inaresto ng isang yunit ng BHB si PO2 Jerome Anthony Natividad sa isang tsekpoynt sa Tikalaan, Talakag, Bukidnon noong Pebrero 9, alas-6 ng umaga. Nakuha sa kanya ang isang pistolang Glock, isang karbin, at tatlong shotgun.
Sa ngayon ay umaabot na sa anim ang kabuuang bilang ng mga bihag ng digma na nasa kustodiya ng BHB sa iba't ibang rehiyon ng Mindanao.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170221-maxadlaxadgaxadnap-na-mga-akxadsyong-mixadlixadtar-ng-bhb/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.