Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Feb 21): Ang kontra-kapayapaang todo-gera ng AFP (The anti-peace all-out war of the AFP)
Matapos ipahayag ni Pres. Rodrigo Duterte ng GRP noong Pebrero 8 ang kanyang desisyong tapusin ang usapang pangkapayapaang NDFP-GRP, nanguna si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa pag-anunsyo ng todo-gera laban sa Bagong Hukbong Bayan (BHB). Sinabi niyang malaking banta sa seguridad ng Pilipinas ang BHB, at nitong huli ay inudyukan ang mamamayan na tulungan umano ang AFP sa todo-gera nito.
Tinapos na rin ng GRP ang JASIG na nagbibigay seguridad sa mga konsultant ng NDFP. Sinuhayan naman ito ng AFP at PNP ng deklarasyong tutugisin nila at muling aarestuhin ang mga konsultant.
Kasama ni Lorenzana sa pagtutulak ng todo-gera sina National Security Adviser Hermogenes Esperon at AFP Chief General Eduardo Año, na kapwa kilalang mga pasistang panatiko at susing mga tagapagpatupad ng maruming gera ng nagdaang US-Arroyo laban sa tinuring nitong mga kaaway ng estado.
Mangyari pa, ang “todo-gera” ay bumwelta sa AFP na hinarap ng BHB ng magiting na aktibong depensa at mga taktikal na opensiba.
Sa kabilang banda, umigting ang mga pag-atake ng AFP at PNP laban sa mga aktibista at sibilyan. Sa loob lamang ng humigit-kumulang dalawang linggo, hindi bababa sa 20 aktibista at sibilyan ang inaresto, 12 ang pinatay sa pamamaril at mahigit 12 ang kaso ng bigong pagpaslang, at halos 1,300 pamilyang magsasaka at katutubo ang napalayas sa kanilang mga komunidad.
Pinakahuli sa mga inaresto ng mga pwersa ng estado ay si Ferdinand Castillo, campaign officer ng Bayan-Metro Manila. Siya ay inaresto noong Pebrero 12 sa Sta. Quiteria, Caloocan City at sinampahan ng gawa-gawang mga kaso ng double murder at multiple attempted murder. Sa nakaraang mga araw, inaresto rin ng mga operatiba ng pulis at militar ang tumutulong sa mga nasalanta na si Rogina Quilop sa Bacolod City (Pebrero 7); Sarah Abellon-Alikes kasama sina Promencio Cortez at Marciano Sagun sa Itogon, Benguet (Pebrero 9); Edison Villanueva ng Gabriela-Southern Tagalog sa Sta. Cruz, Occidental Mindoro (Pebrero 4); at Jacinto Faroden sa La Trinidad, Benguet (Pebrero 8).
Sa panig ng mga konsultant ng NDFP, hayagan nang inianunsyo ng AFP at PNP ang kanilang pagtugis kina Pedro Codaste at Alfredo Mapano, at Concha Araneta-Bocala. Binabalewala rin ng PNP-CIDG ang pangangailangan ng utos mula sa mga korte, at sinabing pinaghahandaan nilang "manlaban" ang mga konsultant na target ng pag-aresto.
Sa Pantukan, Compostela Valley, namatay ang aktibistang magsasaka na si Edweno Catog nang barilin siya nang malapitan sa kanyang bahay nitong Pebrero 16. Masugid na sumuporta si Catog sa pakikibaka ng organisasyong MARBAI laban sa pangangamkam ng Lapanday Foods Corporation sa lupa ng mga magsasaka.
Ala-Tokhang naman na pinatay ng PNP-CIDG XI at SWAT noong Pebrero 6 si Glenn Ramos, dating koordinador ng Bayan Muna at kasalukuyang nagtatrabaho bilang manggagawa sa konstruksyon. Pinalabas ng PNP na nanlaban si Ramos sa mga umaresto sa kanya. Ayon sa mga kamag-anak ni Ramos, pinasok ng mga operatiba ang kanilang bahay sa Brgy. Maa, tinamnan ng baril, at saka pinatay si Ramos.
Sa Bobon, Northern Samar, pinatay noong Pebrero 14 ng mga sundalo ng 43rd IB si Bernadette Lutao, isang lider-masa sa naturang barangay. Matapos nito'y pinalabas si Lutao sa midya bilang Pulang mandirigma na namatay diumano sa isang labanan. Ayon sa mga residente, walang naganap na labanan sa lugar at nasa komunidad lamang si Lutao nang siya ay binaril.
Samantala, noong Pebrero 4 sa Brgy. Mangaod, Cabanglasan, Bukidnon, pinatay ng Alamara ang datu na si Lorendo Pocoan. Notoryus na grupong paramilitar ang Alamara na suportado ng AFP. Isang araw bago nito, isa pang lider-katutubo sa Bukidnon, si Renato Anglao, ang pinatay ng mga pwersa ng estado. Si Anglao ay aktibong myembro ng Tribal Indigenous Oppressed Group Association (TINDOGA), na lumalaban sa pangangamkam sa kanilang lupaing ninuno.
Nito lamang Pebrero 19, binaril naman si Willerme Agorde, 64 taong gulang, ng mga pinaniniwalaang myembro ng paramilitar na Bagani Force. Si Agorde ay lider ng Mailuminado Farmers Association Incorporated na lumalaban para maangkin ang lupain na ilang dekada na nilang binubungkal.
Ang todo-gera at Oplan Kapayapaan ng AFP, ang bagong kampanyang panunupil, ay kapwa nakabatay sa doktrinang kontrainsurhensya ng US. Dito, ipinahayag nina Lorenzana at Año na nangunguna ang “gera kontra-terorismo” ng AFP. Malinaw na ang todo-gera ay nakatuon sa mga aktibista at sibilyan.
Matapos magtamo ng malaking pinsala mula sa tatlong koordinadong taktikal na opensiba ng BHB noong Pebrero 16 sa Paquibato at Calinan sa Davao City, dalawang sibilyan ang pinatay ng mga sundalo. Sina Roel Satingasin at Ariel Gelbero ay mga ordinaryong mga pasahero lamang na hinarang ng mga sundalo sa itinayong tsekpoynt. Iprinisinta sila sa publiko bilang mga nasawi umanong Pulang mandirigma.
Sa Agusan del Norte, dalawang maliitang minero ang namatay nang pinagbabaril ang kanilang grupo ng mga armadong kalalakihang kasama ng 29th IB at PNP-SAF sa operasyon noong Pebrero 11 sa Sityo Sarog, Brgy. San Isidro, Santiago. Pitong iba pang minero ang sugatan sa pamamaril. Ayon sa BHB-NEMR, mahabang panahong nang inaagaw ng 29th IB at mga paramilitar nito ang mga tunnel ng mga minero upang angkinin ang high-grade o magandang klaseng ginto.
Samantala, sa Pres. Roxas City, Capiz, namatay ang isang magsasaka, habang sugatan ang limang iba pa nang pagbabarilin noong Pebrero 11 ng mga tauhan ng Hacienda Montecarba ang kampuhang itinayo ng mga magsasaka. (Basahin ang kaugnay na balita sa pahina 7.)
Aabot naman sa 100 pamilyang katutubo ang napalayas ng pinaigting na mga operasyon ng 54th IB sa Barangay Namal, Asipulo, Ifugao at mga karatig-pook nito. Iniulat din ng taumbaryo ang pwersahang pagpasok ng mga sundalo sa bahay ng residenteng si Patrick Pugong at pagkumpiska ng kanyang generator. Inakusahan ng mga sundalo si Pugong na nagtatago ng generator ng BHB.
Ang mga bakwit ay namamalagi ngayon sa Namal Elementary School at iba pang pasilidad sa mga sityo. Sangkapat sa kanila ay mga bata. Mahigpit silang nangangailangan ng pagkain, tubig at mga kumot dahil sa napakalamig na panahon. Isang matandang lalaki na ang namatay dahil dito.
Kahalintulad dito ang nangyari sa Maddela, prubinsya ng Quirino, noong Pebrero 13. Daang taumbaryo mula sa mga komunidad ang lumikas dulot ng operasyong inilunsad ng 86th IB sa Brgy. San Martin. Ayon sa grupong Danggayan-Cagayan Valley, tinakot ng mga sundalo ang mga taumbaryo ng San Martin, Villa Garcia at Villa Ylanan na bobombahin nila ang mga baryo at pinuwersang lumikas ang mga tao.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170221-ang-kontra-kaxadpaxadyaxadpaxadang-toxaddo-gexadra-ng-afp/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.