Propaganda editorial from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Feb 21): Magtanggol laban sa todo-gera ng AFP (Defend against the all-out war of the AFP)
Dapat tuluy-tuloy at puspusang magtanggol ang buong sambayanang Pilipino laban sa walang-habas na "all-out war" o todo-gera na inilunsad ng pasistang AFP sa ilalim ng rehimeng Duterte.
Matapos tuluyang isinaisantabi kapwa ng GRP at ng PKP at BHB ang magkatugong deklarasyong tigil-putukan noong unang linggo ng Pebrero, lalo pang sumidhi ang mga atake at mga pang-aabuso ng AFP.
Tampok ang mga kaso ng paghuhulog ng bomba at panganganyon. Buo-buong komunidad ang dinadahas, napupwersa o pinupwersang lumikas at pinalalabas na mga biktimang napagitna sa armadong sagupaan ng AFP at BHB, samantalang ang totoo'y sila mismo ang target ng pasistang panunupil ng AFP. Target ang mga barangay kung saan malakas ang paglaban ng taumbaryo sa pandarambong at pang-aagaw ng lupa.
Tinutugis at tinatarget ng mga pasistang sundalo ang mga lider masa at aktibista sa kanayunan at kalunsuran. May kaso ng maramihang pag-aresto. Ilan nang mga aktibista sa hayag na kilusang masa ang dinakip at pinalalabas na mga lider o upisyal ng BHB. Asahang lalo pang titindi ang mga kaso ng pang-aabusong militar matapos ianunsyong ang AFP na ang gagamitin sa tinaguriang "gera kontra-droga."
Nang ilunsad ang todo-gera ng AFP laban sa BHB, idineklara ng mga upisyal nito na "patatamaan namin sila nang malakas." Talagang malakas ang bigwas ng AFP subalit ang "pinatatamaan" ay hindi ang BHB kundi ang di armadong mamamayang lumalaban. Buu-buong komunidad ang kanilang sinasalanta. Ang pinapatay nilang mga sibilyan ay ipiniprisinta bilang kasapi ng BHB upang palabasing nagtatagumpay sila sa kanilang deklarasyon.
Ang taktika ng todo-gera ay maihahalintulad sa mga taktikang ipinatupad noong una't ikalawang Oplan Bantay Laya (2001-2009) na kampanya ng rehimeng Arroyo. Ang ilang susing upisyal panseguridad noon ni Arroyo ay kabilang ngayon sa namumunong upisyal ni Duterte. Ang dating hepe mayor ng AFP na si Gen. Hermogenes Esperon ay National Security Adviser ngayon. Ang kasalukuyang hepe mayor ng AFP na si Gen. Eduardo Año ay isa sa mga upisyal sa likod ng pagdukot sa aktibistang si Jonas Burgos noong 2006.
Ang todo-gera ng AFP ay isang maruming gera laban sa bayan. Nakabalangkas ito sa doktrinang counterinsurgency ng imperyalismong US. Masugid itong tinutulak ni Sec. Delfin Lorenzana ng Department of National Defense, dating military attache na nakabase sa Washington D.C., at ngayo'y isa sa pinagkakatiwalaang ahente ng imperyalismong US sa gubyernong Duterte.
Sa tulak ni Lorenzana at ng AFP, ng mga tagapagtaguyod ng neoliberalismo at iba pang mga ahente ng US, inatras o binawasan ni Duterte ang dati niyang mga deklarasyong anti-US at mapagkaibigang tindig sa rebolusyonaryong kilusan. Sa ilalim ng awtoridad ni Duterte bilang pinuno ng reaksyunaryong estado, largado ngayon ang AFP sa todong gera laban sa bayan. Kung patuloy ang todong gera ng AFP, siya na rin ang sisingilin ng sambayanan sa mga pang-aabuso, paglabag sa karapatang-tao at krimen ng AFP.
Dapat puspusang labanan ng sambayanang Pilipino ang todong gera ng AFP sa ilalim ng rehimeng Duterte. Ang paglaban na ito ay pagtatanggol sa mga karapatang nakasaad sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law o CARHRIHL. Pagtatanggol din ito sa nakamit na mga tagumpay ng masa sa pakikibaka laban sa dayuhang pandarambong, laluna laban sa mga operasyon ng mga mina at plantasyon, at sa lupaing ninuno, at sa pagsusulong ng pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa.
Ang paglaban sa todong gera ng AFP ay pagtatanggol sa mga ipinundar na mga kabuhayan, mga paaralan, serbisyong medikal at iba pang serbisyong sama-samang itinatag ng masa sa pamamagitan ng kanilang mga organisasyon. Ang mga ito ang pilit na winawasak ng AFP sa kanilang nagdedeliryong paggigiit na sila lang ang kapangyarihan.
Dapat pag-ibayuhin ang mga pakikibakang anti-pasista sa kanayunan at kalunsuran. Sa kanayunan, dapat palakasin ang mga komite para sa karapatang-tao na mahigpit na nakaugnay sa mga katulad na organisasyon at institusyon sa ibang barangay, sa sentrong bayan hanggang sa prubinsya at rehiyon. Dapat mahigpit na nagtutulungan ang mga magkakakapit-barangay sa pagtatanggol sa isa't isa laban sa panghahalihaw ng AFP sa kanilang lugar.
Mabilis na ilantad ang "peace and development," "delivery of service" at kung anu-ano pang maskara na ginagamit ng AFP para itago ang pangil ng panunupil. Mabilis na kunin ang suporta at pakilusin ang simbahan at iba't ibang organisasyon at personahe sa mga sentrong bayan. Pakilusin ang mga kabataan upang kumuha ng mga litrato at bidyo na nagpapakita ng pang-aabuso ng mga sundalo at mabilis itong ikalat sa social media.
Sa kalunsuran, dapat iluwal ang malawak at malakas na anti-pasistang kilusan na may malapad na suporta sa mga paaralan, simbahan at sirkulong pangkultura. Dapat malakas na suportahan ng kilusang masa sa kalunsuran ang mga pakikibakang anti-pasista sa kanayunan. Ang mga kaso ng panunupil sa kalunsuran ay dapat mahigpit na iugnay sa mga kaso ng panunupil sa kanayunan. Ipakita na ang pasistang panunupil ay nakatuon pangunahin sa pagsupil sa anti-imperyalista at anti-pyudal na pakikibaka ng sambayanan. Batikusin ang paggamit ng dahas ng estado kapwa sa pampulitikang panunupil at sa gerang kontra-droga. Labanan ang paggamit sa gera kontra-droga sa pampulitikang panunupil.
Dapat palakasin ang panawagan para ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at ng NDFP upang pag-ibayuhin ang mga positibong nagawa na sa unang tatlong pag-uusap. Bukas ang Partido na pag-usapan ang kasunduan sa tigil-putukan. Inaasahang igigiit dito ng NDFP ang prinsipyadong paninindigan na iatras ang lahat ng mga yunit ng AFP na sumasakop sa mga sibilyang komunidad, laluna yaong nasa loob ng mga sonang gerilya.
Sa harap ng todong opensibong operasyon ng AFP, dapat pag-ibayuhin ng BHB ang digmang pagtatanggol sa bayan. Dapat patamaan ang mga armadong yunit ng AFP na nananalasa sa mamamayan, laluna sa mga baryo. Pakilusin ang mga milisyang bayan sa pagtatanggol sa kapakanan at karapatan ng taumbaryo. Gamitin ang lahat ng sandata para parusahan ang mapanakop na mga tropa ng AFP.
Dapat tuluy-tuloy na palakasin ang BHB. Dapat mabilis na magrekrut at armasan at sanayin ang mga bagong Pulang mandirigma. Dapat hawakan ng BHB ang buong inisyatiba sa paglulunsad ng mga kampanyang militar at taktikal na opensiba sa buong bansa upang labanan at idiskaril ang todong gera ng kaaway, magkamit ng mga tagumpay at tuluy-tuloy na palakasin ang digmang bayan.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170221-magxadtangxadgol-laxadban-sa-toxaddo-gexadra-ng-afp/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.