Thursday, December 22, 2016

NDF: Pakikiisa sa Kampuhang Bayan ng AMGL

Posted to the National Democratic Front Website (Dec 19): Pakikiisa sa Kampuhang Bayan ng AMGL  

PAKIKIISA SA KAMPUHANG BAYAN NG AMGL, MGA MAGGAGAWANG BUKID AT IBA PANG MARALITANG NAYON SA IKA-19 HANGGANG 21 NG DISYEMBRE

 Ni Jose Maria Sison, Punong Pampulitikang Konsultant
National Democratic Front of the Philippines

Bilang Punong Pampulitikang Konsultant ng National Democratic Front of the Phillippines, nagpapaabot ako ng maalab na makabayang pagbati at pakikiisa sa AMGL at mga manggagawang bukid kasama na ang iba pang mga maralitang nayon na nakararanas ngayon ng lumulubhang busabos na kalagayan.

JMS speech 28apr2013

Nakikiisa at sumusuporta ako sa paglulunsad ninyo ng KAMPUHANG BAYAN “Pagkatok sa Puso at Panunuluyan—Ang Pighati ng walang kabuhayan at gutom” mula ika-19 hanggang 21 ng Disyembre. Dapat tawagin ang pansin ng buong bansa sa inyong kalagayan. Tiyak na mauunawahan ng malawak na masa ang kahirapan na dinaranas ninyo at tutulong sa inyo ang mga organisasyon at institusyon.

Nakakaantig puso na ang panahon ng gawat o taggutom ay higit na lumalala at humahaba ito dahil kahit sa panahon ng anihan ay wala na kayong magapas. Inaagaw ang inyong kabuhayan ng mga ganid-sakim na panginoong maylupa-kumersyante-usurero na mga may-ari/opereytor ng harvester. Masaklap na ang dating tinatrabaho ng mahigit-kumulang 20 manggagawang bukid sa isang ektarya ay tinatrabaho na lamang ng tatlo katao — ang opereytor, pahinanteng taga-sahod sa sako ng nagiik na palay at ang taga-sara ng sako.

Ang masakit na resulta nito ay ang malaganap na kawalan ng hanapbuhay ng mga manggagawang bukid na karamihan ay mga maralitang magsasakang walang sariling lupang binubungkal. Maging ang mga nagwawagwag na naninimot ng palay mula sa mga pinaggapasan at pinag-giikan ng palay ay wala na ring nakukuha at hanapbuhay.

Isang kahibangan na magpasok at magparami ng mga harvester sa isang ekonomyang agraryo at malapyudal na walang mga malagong industriya na malilipatan ng mga mawawalan ng trabaho sa kanayunan. Dahil sa pagkaganid at kasakiman ng mga panginoong maylupa-kumersyante-usurero hindi nila namamalayan na naglalaro sila sa apoy ng rebolusyon dahil sa pinipilit nilang magbalikwas ang mga walang trabaho at nagugutom.

Mula sa punto de bista ng National Democratic Front of the Philippines at batay sa programa ng demokratikong rebolusyon ng bayan, dapat magkasabay ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industrialisasyon. And dalawang ito ang paraan para magkaroon ng trabaho ang tinawag na labis na populasyon sa kayunanan.

Dapat ipamudmod nang libre sa mga magsasakang walang lupa ang mga lupang nasa kamay ng panginoong maylupa. Pinakamahusay na pagkakataon ng mekanisasyon sa agrikultura ay kung ito ay kaugnay ng kooperatibatisayon ng mga magsasaka. At ang mga makina (traktora, seeding machine, irrigation pumps, harvesters, mills, warehouse at mga sasakyang de motor) ay bunga ng pambansang industrialisasyon.

Sa kasalukuyang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gubyernong Duterte at NDFP, nasa mesa na ang paggawa ng Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms. Mabuti kung ang mga makabayan at progresibo sa dalawang panig ay magtulungan tungkol sa tunay na reporma sa lupa at pambansng industrialisasyon at mapangibabawan nila ang mga maka-imperyalista at reaksyunaryo na sumusunod sa patakarang neoliberal sa loob ng gubyernong Duterte. Mabuti kung sa usapin ng reporma sa lupa makakasama si Ka Paeng Mariano at DAR sa pananaliksik at paggawa ng kasunduan.

Umaasa akong magiging matagumpay ang KAMPUHANG BAYAN, matutupad nito ang mga itinakdang layunin at makakaani ng masaganang suporta mula sa hanay ng mga magbubukid at lahat ng makabuluhang sektor ng lipunan.

Mabuhay ang AMGL! Mabuhay ang mga magsasaka at manggagawang bukid!
Itaguyod ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industrialisasyon!
Ibayong tagumpay ng sambayanang Pilipino sa pambansa at panlipunang pagpapalaya!

https://www.ndfp.org/pakikiisa-sa-kampuhang-bayan-ng-amgl/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.